Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanser?
Sagot
Walang partikular na binabanggit ang Bibliya patungkol sa sakit na kanser. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi nito tinalakay ang anumang isyu tungkol sa karamdamang ito. Sa 2 Hari 20:6-8, nagkaroon ng “bukol” si Haring Ezekias, na sa katotohanan ay isang kanser na tinawag lamang sa ibang pangalan. Kaya nga bagamat walang salitang kanser sa Kasulatan, may mga medikal na kundisyon na inilalarawan ang sakit na kanser. Noong narito pa si Hesus sa lupa, pinagaling Niya ang lahat ng karamdaman ng mga taong dinala sa Kanya (hindi maikakaila na kasama dito ang sakit na kanser) bilang tanda sa mga Hudyo na Siya ang Kanilang Mesiyas o Tagapagligtas. Gayunman, gaya ng lahat na karamdaman, ang kanser ay bunga ng sumpa ng Diyos sa mundo dahil sa kasalanan. Sa Genesis 3:17, ating mababasa, “Sumpain ang lupa dahil sa iyo.” Ang salitang lupa ay maisasalin din sa wikang mundo o sanlibutan. Sinumpa ng Diyos ang lupa dahil sa kasalanan at dahil dito mamamatay na ang lahat ng tao - at muling babalik sa alabok – at ang pamamaraan ng kamatayan ay sa pamamagitan ng mga karamdaman na natural na resulta ng sumpa ng Diyos sa mundo. Ang mga sakit o karamdaman ay hindi “parusa.” Ang mga ito ay resulta ng pamumuhay sa isang mundong makasalanan, dito sa makasalanang mundo. Lahat ng tao, hindi mananampalataya o mananampalataya man ay maaaring magkaroon ng kanser at ng iba pang karamdaman na hahantong sa kamatayan. Ngunit dapat nating tandaan na sa buhay ng mga mananampalataya, “ang lahat ng bagay ay gumagawang magkakalakip para sa kanilang ikabubuti” (Roma 8:28); kasama sa “lahat ng bagay” na ito ang kanser.
Ang kahanga-hangang bagay ay, bagamat napailalim tayo sa mga sakit at karamdaman gaya ng kanser sa ating buhay sa mundong ito na sinumpa ng Diyos, mayroon tayong isang dakilang pag-asa. Ang Awit 103 ay isang kahanga-hangang sitas sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng katiyakan na magwawakas ang mga sakit at paghihirap sa mundong ito. Sinasabi sa Awit 103:1-4, “Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya. Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa. Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad, at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.”
Nangangahulugan ba ang mga talatang ito na garantisadong pagagalingin tayo ng Diyos mula sa kanser at iba pang karamdaman sa buhay na ito? Hindi, hindi ito ang kahulugan ng mga talatang nabanggit. Sa halip, ang Diyos ay nagpapatawad sa ating mga kasalanan, at dadalhin tayo isang araw sa isang lugar na na wala ng sakit at kamatayan, isang lugar na Kanyang inihanda para sa atin (Mateo 25:34). Ang Kanyang pagtubos ang magiingat sa atin mula sa Kanyang kaparusahan at darating ang araw na yaon na wala ng sumpa, karamdaman at kamatayan at walang hanggan nating mararanasan ang Kanyang biyaya at kabutihan. Ang tiyak na tagumpay laban sa sumpa ng kasalanan ay nasa atin na sa pamamagitan ni Hesu Kristo.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kanser?