settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sama ng loob?

Sagot


Ang sama ng loob ay isang hindi nalilimutang hinanakit na nagreresulta sa matinding galit o paglaban sa ibang tao. Itinuturo sa atin ng Bibliya na, "Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa." Nagpatuloy ito sa pagbibigay ng pamamaraan kung paano haharapin ang sama ng loob at ang mga bunga nito sa pamamagitan ng pagiging "mabait at maawain; pagpapatawad sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo" (Efeso 4:31-32).

Bilang pang-uri, ang salitang sama ng loob o bitterness sa ingles ay nangangahulugang "matulis gaya ng pana" o "pangit sa panlasa;" "hindi kayang sang-ayunan;" "nakakalason." Ang ideya ay gaya sa isang nakalalasong tubig na ibinibigay sa mga babae na nagkasala ng pangangalunya sa mga Bilang 5:18, "mapait na tubig na nagbubugso ng sumpa."Sa pigura ng pananalita, ang kapaitan ay tumutukoy sa isang mental o emosyonal na kalagayan na "unti-unting sumisira" o "kumakain." Ang sama ng loob o kapaitan ay maaaring magdulot ng malalim na kalungkutan o anumang bagay na nasa isipan na may masamang resulta sa katawan. Ang sama ng loob ay ang kalagayan ng isip na kusang nanghahawak sa pakiramdam ng pagkagalit, na handang manakit, may kakayahang magpakawala ng naipong galit sa anumang sandali.

Ang pinakamalaking panganib sa pagpapatalo sa sama ng loob at pagpapahintulot dito na maghari sa ating mga puso ay pagkakaroon ng espiritu na tumatanggi sa pakikipagkasundo. Dahil dito, ang kapaitan o sama ng loob ay nagiging sanhi ng poot na ang pagsabog sa labas ay nararamdaman sa panloob. Ang hindi napipigilang poot at galit ay laging nagbubunga sa pagmumura ng isang nagagalit na tao na ang mga hinaing ay nangangailangan ng pakikinig iba. Ang isa pang kasamaan na dala ng sama ng loob ay ang paninirang puri. Gaya ng ginamit sa Efeso 4, hindi ito tumutukoy sa pamumusong laban sa Diyos o paninirang puri lamang sa tao, kundi sa anumang pananalita na naguugat sa galit at ang layunin ay sugatan o saktan ang iba.

Ang lahat ng ito ay nagbubunga sa masamang hangarin na nagpapakita ng masamang pagiisip o pakiramdam ng sobrang galit. Ang ganitong uri ng paguugali ay makalaman at impluwensya ng diyablo. Ang masamang pagiisip ay isang sinasadyang pagtatangka na saktan ang ibang tao. Kaya nga, dapat na iwaksi ang anumang sama ng loob, na nagpapahiwatig ng masamang pagiisip o pakiramdam ng sobrang poot (Efeso 4:31).

Ang isang taong may sama ng loob sa ibang tao ay laging naninisi, negatibo, malamig ang pakikitungo sa kapwa, walang awa at hindi magandang kasama. Anumang kapahayagan ng ganitong mga katangian ay kasalanan sa Diyos; ayon sa laman at hindi ayon sa Espiritu ng Diyos (Galacia 5:19-21). Binabalaan tayo sa Hebreo 12:15 na "Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba." Hindi natin dapat hayaang lumalim ang "mapapait na ugat" sa ating mga puso; ang ganitong mga ugat ay magiging dahilan upang hindi tayo maging marapat sa biyaya ng Diyos. Kalooban ng Diyos na ang Kanyang mga anak ay mamuhay sa pag-ibig, kapayapaan, kagalakan at kabanalan — hindi sa kapaitan. Kaya nga, dapat na laging magbantay ang mga mananampalataya laban sa panganib ng kapaitan at sama ng loob.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sama ng loob?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries