settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasakiman?

Sagot


Ang kasakiman ay isang malakas at makasariling pagnanasa na magkaroon ng mas marami pa ng isang bagay, karaniwan ay pera o kapangyarihan. Maraming babala sa Bibliya tungkol sa pagiging sakim at paghahangad ng kayamanan. Nagbabala si Jesus, "Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya" (Lukas 12:15). "Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw: Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan" (Mateo 6:19, 24b). Naghangad ba si Jesus ng pagkakamal ng salapi? Hindi. Sa halip, naghirap Siya alang-alang sa atin (2 Corinto 8:9) at "ni wala Siyang mapagpahingahan" (Mateo 8:20). Hindi din Siya naghabol sa kapangyarihan. Sa halip, Kanyang itinuro, "Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo; At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat. Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami" (Markos 10:43–45).

Ang kasakiman at pagnanasa sa kayamanan ay mga bitag na dahilan ng pagkasira at pagkawasak. "Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan;" at binalaan ang mga Kristiyano, "Huwag kayong magtiwala sa kayamanan" (tingnan ang 1 Timoteo 6:9-10, 17-18). Ang pagiging mapagimbot, o sakim sa pagnanasa para sa mas marami ay pagsamba sa diosdiosan. Sinasabi sa Efeso 5:5, "Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios." Ang prinsipyo na dapat tandaan ay makikita sa Hebreo 13:5: "Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.'"

Ang pag-ibig sa salapi hindi ang mismong salapi ang problema. Ang pag-ibig sa salapi ay kasalanan dahil nagiging hadlang ito sa pagsamba sa Diyos. Sinabi ni Jesus na napakahirap para sa isang mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos. Nang tanungin ng isang binatang mayaman si Jesus kung ano ang dapat niyang gawin para magmana ng buhay na walang hanggan, sinabi sa kanya ni Jesus na ipagbili niya ang kanyang mga ari-arian at ipamigay sa mahihirap. "Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari" (tingnan ang Mateo 19:16-22). Sa pagtuturo sa kanya na isuko ang kanyang salapi, binigyang diin ni Jesus ang pangunahing problema ng binatang mayaman: ang kasakiman o pag-ibig sa salapi. Hindi makasunod ang lalaki Kay Jesus dahil sumusunod siya sa kanyang salapi. Ang kanyang pag-ibig sa mundo ang humadlang sa kanyang pag-ibig sa Diyos.

Tumatangging masiyahan ang kasakiman. Mas madalas na mas marami tayong nakukuha, mas lalo tayong naghahangad ng mas marami. Hindi tayo mapoprotektahan ng ating materyal na pagaari—sa buhay na ito o sa walang hanggan. Inilarawan ito ng napakaganda sa talinghaga ni Jesus tungkol sa mayamang hangal sa Lukas 12:13–21. Muli, hindi ang pera o kayamanan ang problema. Ang problema ay ang ating saloobin tungkol dito. Kung inilalagak natin ang ating pagtitiwala sa kayamanan o nalulunod tayo sa isang hindi natitighaw na pagnanasa para sa mas marami, nabibigo tayo na ibigay sa Diyos ang pagluwalhati at pagsamba na nararapat ipagkaloob sa Kanya. Dapat tayong maglingkod sa Diyos, hindi magsayang ng ating oras sa pagpapayaman (Kawikaan 23:4). Ang dapat na naisin ng ating puso ay makapagimpok ng kayamanan sa langit at hindi sa pagkabalisa sa kung ano ang ating kakainin, iinumin, o daramtin. "Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo" (tingnan ang Mateo 6:25-34).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasakiman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries