settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pamumuhay sa katamtaman?

Sagot


Ang pamumuhay ng katamtaman ay umiiwas sa mga sobra, nagsasanay ng pagpipigil, at may kaugnayan sa pagpipigil sa sarili. Ang pamumuhay sa katamtaman ay isang mabuting bagay, ngunit ito ay isang malaking hamon. Ang kultura ng tao lalo na sa Kanluran ay laging kinakikitaan ng pamumuhay sa labis. Itinuturo sa atin ng Bibliya na hindi maganda ang labis at tinutulungan tayo nito na maunawaan kung bakit at paano tayo makakapamuhay sa katamtaman sa lahat ng bagay.

Ang isang napakagandang aklat sa Bibliya na tumatalakay sa paksa ng pamumuhay sa katamtaman ay ang aklat ng Mangangaral. Si Haring Solomon ang pinakamatalinong hari na naghari sa Israel ay nageksperimento sa pamumuhay sa labis. Sa ikadalawang kabanata ng Mangangaral, inilista ni Solomon ang marami at iba't ibang proyekto at pagsasaya na kanyang ginawa: Sa Mangangaral 2, "Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran" (t. 10). "Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan; tulad lang ito ng paghahabol sa hangin" (t. 11). Hindi lamang sinubukan ni Solomon ang limitasyon ng kasiyahan, ginawa din niya ito sa mga bagay na normal nating ipinagpapalagay na mabuti, gaya ng karunungan (Mangangaral 1:12–18) at kasipagan (Mangangaral 2:17–23). Ang konklusyon ni Solomon ay walang kabuluhan sa kanyang sarili ang bawat pagsisikap. Isang biyaya ng Diyos ang masiyahan sa buhay at sa kanyang mga kaloob (Mangangaral 5:19). Ngunit ang pagpapahalaga sa mga bagay na iyon ng higit sa Diyos ay nagreresulta sa kahungkagan at kawalang kasiyahan at magnanasa pa rin ang ating mga puso sa ating tunay kailangan – sa Diyos na Manlilikha.

Kahit na ang mabubuting bagay ay maaaring makasama sa atin kung gagamitin ng labis. Mabuti ang tsokolate, ngunit masama sa kalusugan kung kakainin ng sobra. Mabuti ang tulog, ngunit sinasabi ng Bibliya na ang sobrang pagtulog ay nagreresulta sa kahirapan (Kawikaan 6:9–11). Natural na walang pagpipigil ang mga bata—gusto nilang marinig ng paulit-ulit ang isang kuwento, gusto nilang kumain ng kumain ng isang paboritong pagkain, at wala silang kontrol sa pagpapahayag ng kanilang emosyon. Bahagi ng paglago ay matutong magsabi ng "hindi" sa sarili o matutunan ang halaga ng pamumuhay sa katamtaman.

Ang isa sa pinakapangkaraniwang paksa na may kinalaman sa pamumuhay sa katamtaman ay ang paginom ng alak. Iniuutos sa Efeso 5:18, "Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay...." Dapat balansehin ang utos na ito sa katotohanan na hindi ganap na umiwas si Jesus sa paginom ng alak (tingnan ang Mateo 11:19) at sa bilin ni Pablo kay Timoteo, " Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura" (1 Timoteo 5:23). Kung ikukunsidera ng magkakasama ang mga tatatang ito, malinaw na pinahihintulutan ng Bibliya ang paginom ng alak, ngunit ganap na ipinagbabawal ang paginom ng alak hanggang sa umabot sa pagkalasing, o labis na paginom. May mga tao naman na nagsasabi na mas maganda na hindi na lamang uminom, at ito ay katatanggap-tanggap din naman.

Ang pagsasanay sa pamumuhay sa katamtaman ay isang mabuting disiplina. Ang totoo, ang pagpipigil sa sarili ay isa sa mga katangian na hinuhubog ng Banal na Espiritu sa buhay ng isang mananampalataya (Galacia 5:22–23). Kung hindi tayo namumuhay sa katamtaman—kung wala tayong pagpipigil sa ilang aspeto ng ating buhay—nagpapahiwatig ito na hindi natin sinusunod ang Diyos sa aspetong iyon ng ating buhay. Hindi tayo dapat mabuhay sa pagkatalo. Hindi na hahatulan ng Diyos ang Kanyang mga anak (Roma 8:1), at binigyan na Niya tayo ng tagumpay laban sa bawat kasalanan (Gawa 13:38–39). Dagdag pa rito, nais ng Banal na Espiritu na bigyan tayo ng pagpipigil sa sarili. Kung isinusuko natin ang ating mga sarili sa Diyos bilang mga "buhay na handog" (Roma 12:1), kakatagpuin Niya ang ating mga pangangailangan na nais nating makamtan sa ating sariling paraan (1 Timoteo 6:17). Ang tupa na sumusunod sa Mabuting Pastol ay "hindi magkukulang ng anuman" (Awit 23:1).

Inaakit tayo ng mundo sa mga pita ng laman at isinusulong ang kasinungalingan na ang ating kailangan ay mas maraming kasiyahan, mas maraming gamit, mas maraming paglilibang at iba pa. Ang tunay nating kinakailangan ay ang Diyos. Nilikha tayo ng Diyos upang nasain at kailanganin natin Siya ng higit sa lahat (tingnan ang Mateo 4:4). Ang lahat ng ibang bagay ay dapat na katamtaman lamang.

Ang tanging aspeto na hindi tayo dapat magalala tungkol sa pamumuhay sa katamtaman ay ang ating relasyon sa Diyos mismo. Dapat nating ibigin ang Diyos ng walang hangganan (Lukas 10:27). Hindi tayo maaaring masobrahan sa Diyos at hindi natin siya maiibig ng labis. At kung lalo tayong naghahangad sa Kanya at humihiling sa Kanya na pangunahan ang ating mga buhay ng Banal na Espiritu, mas madali para sa atin na mabuhay sa katamtaman sa ibang mga bagay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pamumuhay sa katamtaman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries