settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katigasan ng ulo/matigas ang ulo?

Sagot


Sa ilang kultura, ang salitang "sintigas ng ulo ng isang mola" ay isang kasabihan na ginagamit para ilarawan ang isang taong matigas ang ulo. Tinutukoy sa Awit 32:8-9 ang kalikasan ng isang mola na ayaw sumunod ng sabihin ng Mangaawit, "Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo. Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa: na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila, na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo." Pagdating sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, hindi dapat matigas ang ating ulo, pabaya at hindi sumusunod. Hindi dapat na "matigas ang ating ulo." Dapat na matuto tayong magpaubaya at maging malambot sa Kanyang mga kamay. Hindi natin nanaisin na itatali pa tayo ng Diyos para lang sumunod.

Itinala sa Bibliya ang mga pangyayari kung kailan naging matigas ang ulo ng tao. Sa Lumang Tipan, kilala ang katigasan ng ulo ng Faraon (Exodo 7:13–14), ngunit hindi iyon nakabuti sa kanyang sarili at sa kanyang bansa. Nakita rin ang katigasan ng ulo sa bansang Israel, ang lahing hinirang ng Diyos na paulit-ulit na nagrebelde sa Diyos at tumalikod sa Kanyang pag-ibig at proteksyon. Sa katotohanan, ang salitang Hebreo na isinalin sa salitang "matigas ang ulo" ay nangangahulugang "suwail, imoral, masama, rebelde, at tumatalikod."

Itinala sa Lumang Tipan ang malungkot na kwento ng mga Hudyo na matigas ang ulong tumalikod sa Diyos, kinalimutan ang Kanyang mga gawa, sinuway ang Kanyang Kautusan at sumunod sa mga diyos-diyusan ng ibang bansa. Sa Deuteronomio 9, ipinaalala ni Moises ang katigasan ng kanilang ulo noong gumawa sila ng isang gintong guya at sumamba dito sa bundok ng Sinai. Nang panahong iyon sinabi ng Diyos kay Moises, "Bukod dito'y sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang matigas ang ulo" (Deuteronomio 9:13). Napakalaki ng galit ng Diyos anupa't ganap sana Niyang lilipulin ang Kanyang bayan dahil sa katigasan ng kanilang ulo (t. 14).

Itinuturing ng Diyos na napakalaking kasalanan ang katigasan ng ulo na ibinilang Niya ito sa mga kasalanan tulad sa katigasan ng ulo ng isang anak sa magulang na dapat parusahan ng mahigpit. Kung tumangging sumunod ang isang anak sa kanyang mga magulang at ayaw pasakop sa pagdidisiplina at namuhay sa kasamaan, dadalhin ng mga magulang ang anak na ito sa matatanda ng siyudad at, "babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya'y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot" (Deuteronomio 21:21). Ang katigasan ng ulo at paglaban sa Diyos at sa Kanyang mga itinalagang awtoridad ay isang malaking kasalanan, isang kasalanan na maaaring kumalat gaya ng lason sa buong komunidad. Ang Kautusan ni Moises ay itinalaga upang pigilan ang pagkalat ng lasong ito laban sa katigasan ng ulo.

Sa Bagong Tipan, makikita natin ang marami pang halimbawa ng katigasan ng ulo. Noong pagalingin ni Jesus ang isang taong patay ang isang kamay sa araw ng Sabbath, nalumbay at nagalit Siya dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sa halip na purihin ang Panginoon dahil sa Kanyang pagpapagaling at kilalanin Siya bilang kanilang Mesiyas, tinangka Siyang patayin ng mga Pariseo (Markos 3:1–6). Sa huling bahagi ng pangangaral ni Esteban sa harap ng Sanedrin, pinagalitan niya sila dahil sa kanilang sobrang katigasan ng ulo: "Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo" (Gawa 7:51).

Nang mangaral si Pablo sa mga Hudyo sa Corinto, patuloy nilang tinanggihan ang mensahe ng kaligtasan kay Cristo. Sa loob ng tatlong buwan, nakipagpaliwanagan siya sa kanila sa kanilang sinagoga, ngunit, "nang magsipagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, na pinagsasalitaan ng masama ang Daan sa harapan ng karamihan, ay umalis siya sa kanila, at inihiwalay ang mga alagad, na nangangatuwiran araw-araw sa paaralan ni Tiranno" (Gawa 19:9). Dahil dito, isinama ni Pablo ang mga alagad at iniwan ang mga tumatanggi sa Mabuting Balita dahil sa katigasan ng kanilang ulo at hindi pananampalataya. .

Sa kasamaang palad, ito ang hantungang naghihintay sa mga taong patuloy na tumatanggi kay Cristo. Sa huli, ibibigay sila ng Diyos sa katigasan ng kanilang puso at hindi na sila pagtitiisan. Ang malungkot na resulta ng ganitong kalagayan ay malinaw na inihayag sa Roma 2:5: "Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katigasan ng ulo/matigas ang ulo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries