Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kayabangan?
Sagot
Sa halos lahat ng pangyayari sa Bibliya kung saan binabanggit ang kayabangan, pagmamataas o pagiging palalo, ito ay bilang isang paguugali na kinamumuhian ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga taong arogante o mayabang ay may palalong puso at kasuklam-suklam sa Kanya: "Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang, at sila'y tiyak na paparusahan" (Kawikaan 16:5). Sa pitong bagay na kinamumuhian ng Diyos ayon sa Bibliya, ang "kapalaluan" ang una sa listahan (Kawikaan 6:16-19). Sinabi mismo ni Jesus, "Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa Kanya," at pagkatapos, inisa-isa Niya ang labintatlong katangian ng mga taong hindi kinalulugdan ng Diyos, kasama ang pagmamataas sa sekwal na imoralidad at pagpatay (Markos 7:20-23).
May dalawang salitang Griyego para sa salitang kayabangan na ginamit sa Bagong Tipan na sa esensya ay magkasingkahulugan. Una ay ang salitang huperogkos na ang kahulugan ay "pamamaga" o "kalabisan" na gaya ng ginamit sa "mayayabang na pananalita" (2 Pedro 2:18; Judas 1:16). Ang isa pang salita ay phusiosis, na ang ibig sabihin ay "pagmamataas" o "katayugan" (2 Corinto 12:20). Tungkulin ng mga mananampalataya na kilalanin na ang pagigiging arogante o pagiging hambog ay salungat sa pagiging makadiyos (2 Pedro 1:5-7). Ang kayabangan ay walang iba kundi ang pagmamalaki sa halaga ng sarili (2 Timoteo 3:2). Ito ay katulad sa kaisipang "ang lahat ng ito ay tungkol sa akin" at pagsasabing "sa akin umiikot ang mundo" (Kawikaan 21:24).
Sa halip na pagyayabang, itinuturo sa atin ng Bibliya ang kasalungat nito. Sinasabi sa 1 Corinto 13:4, "Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man." Tinawag ang mga Kristiyano para ipakita ang pag-ibig; at ang kayabangan ay kasalungat ng pag-ibig. Sinasabi sa Roma 12:3, "Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat." Hindi tayo maaaring maging mayabang habang nagtataglay ng makadiyos na kapakumbabaan.
Ang pagiging mayabang at pagkakaroon ng saloobin na "mas magaling kaysa sa iba" ay tumatakot sa iba at sumisira sa ating relasyon sa ibang tao. Gayunman, itinuro sa atin ni Jesus na unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating sarili: "Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami" (Markos 10:43-45). Kung tayo ay mayabang, hindi tayo makakapaglingkod sa iba.
Inulit ni Pablo ang parehong katuruan sa kanyang sulat sa iglesya sa Filipos: "Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili" (Filipos 2:3). Napakalaki ng pagkakaiba nito sa paligsahang nagaganap sa ating mundo ngayon, at tiyak na walang puwang para sa atin ang maging mayabang. Kung saan itinutulak tayo ng mundo na magsikap upang marating ang itaas anuman ang kapalit na halaga at maging mataas kung marating natin ang tagumpay, inuutusan tayo ni Jesus na maging mapagpakumbaba: "Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas" (Lukas 14:11; Santiago 4:6). Ang ating pangunahing layunin, sa anumang antas ng tagumpay sa mundo, ay ang pagluwalhati sa Diyos (Colosas 3:17, 23).
Patungkol sa ating saloobin sa Diyos at sa ating kapwa tao, ibinigay sa atin ng Diyos ang dalawang pangako. Una, parurusahan Niya ang mapagmataas (Kawikaan 16:5; Isaias 13:11) at ikalawa, pagpapalain Niya "ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit" (Mateo 5:3). Dahil ang katotohanan, "Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob" (1 Pedro 5:5; Kawikaan 3:34).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kayabangan?