settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagiiwan ng mana ng magulang sa kanilang mga anak?

Sagot


Ang mana ay isang kaloob ng karangalan at suporta na ibinibigay ng magulang sa kanyang mga anak. Ito ay nakatalaga para sa probisyon at katayuan ng pamilya sa lipunan. Karamihan ng mga pangyayari ng pagbibigay ng mana sa unang bahagi ng Lumang Tipan ay tumutukoy sa pagbibigay ng Diyos ng Lupang Pangako sa mga Israelita – ang pamana ng Ama sa langit para sa Kanyang mga anak. Dahil ibinigay ng Diyos ang lupa sa mga indibidwal na pamilya, hindi maaaring tuluyang iwanan ng mga Israelita ang kanilang lupain. Kung kinakailangan nilang ibenta ang kanilang lupa, kailangan itong ibalik sa kanila sa taon ng paglaya (Levitico 25:23-38). Inilatag sa Bibliya ang mga eksaktong alituntunin para sa pagmamana ng ari-arian: magmamana ng ikalawang bahagi ang pinakamatandang anak (Deuteronomio 21:15-17); kung walang mga anak na lalaki, pinapayagan ang mga anak na babae na manahin ang lupain ng kanilang ama (Bilang 27:8); kung walang direktang tagapagmana, ang isang piniling alipin o isang malayong kamaganak ang maaring magmana ng lupain (Genesis 15:2; Bilang 27:9-11). Walang okasyon na maaaring mapasakamay ng ibang tribu ang isang lupain. Ang layunin ng pagpapasa ng lupain ay upang tiyakin na may pagkukunan ng ikabubuhay ang mga maiiwang miyembro ng pamilya. Inaasahan ang mana at binabanggit sa Kawikaan 13:22 ang partikular na kahalagahan nito.

Hindi binabanggit sa Bagong Tipan ang pisikal na mana, sa halip ang espiritwal na mana. Sa katunayan, sa Lukas 12:13-21, minaliit ni Jesus ang kahalagahan ng panlupang mana at ipinaliwanag na maaari itong magtulak sa kasakiman o obsesyon sa kayamanan. Higit na mabuti ang magimpok ng kayamanan sa langit. Ang ating mana, gaya ng mga Israelita ay galing sa Diyos (Gawa 20:32; Efeso 1:11, 14, 18). At gaya ni Abraham (Hebreo 11:8, 13), hindi natin matatanggap ang manang ito sa ating buhay dito sa lupa (1 Pedro 1:4). Ano ang manang ito? Sinasabi sa Awit 37:11 at Mateo 5:5 na ito ay ang buong lupa o daigdig. Sinasabi sa Santiago 2:5 na ito ay ang Kaharian ng Diyos, at tinatawag ito sa Hebreo 11:16 na isang makalangit na bayan. Sinasabi sa 1 Corinto 2:9 na ito ay kahanga-hanga, anupa't "Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya." At inilarawan sa Pahayag 21 ang bagong langit at bagong lupa kung saan tatahan ang Diyos kasama ang Kanyang mga hinirang at papahirin Niya ang kanilang luha at hindi na sila makakaranas pa ng sakit, dalamhati at kamatayan.

Bilang mga mananampalataya, hindi tayo nakagapos sa mga Kautusan ng Lumang Tipan. Sa halip, dapat nating sundin ang dalawa sa pinakadakilang utos – ang ibigin ang Diyos ng higit sa lahat at ibigin ang kapwa gaya ng ating sarili (Mateo 22:34-40). Nagaalok ang Lumang Tipan ng mga praktikal na halimbawa kung paano susundin ang pinakadakilang utos. Patungkol sa pamana, ito ay ibinibigay upang matiyak ng magulang na maalagaan ang kanyang pamilya pagkatapos niyang mamatay. Sa modernong panahon, hindi ito nangangahulugan na isang lupain, o kahit na materyal na pagaari. Maaaring kabilang sa pamana ang paghubog ng makadiyos na katangian, pagbibigay ng edukasyon, o pagsasanay sa mga anak para sa kanilang propesyon. Ngunit karamihang iniisip ng mga tao patungkol sa mana ay pagiiwan ng magulang ng kayamanan, ari-arian at materyal na bagay sa kanilang mga anak. Gayundin naman, hindi dapat na maobliga ang mga magulang na ipunin ang lahat ng kanilang kayamanan para ipamana sa kanilang mga anak at pabayaan naman ang kanilang sarili. Hindi dapat na isang obligasyon o dahil sa paguusig ng budhi ang pagpapamana sa mga anak. Sa halip, ito ay dapat na dahil sa udyok ng pag-ibig, isang huling paraan upang ipahayag ang pag-ibig at pasasalamat sa mga anak. Gayunman, ang pinakamahalaga ay ang pagganap ng magulang ng responsibilidad na tiyaking matatanggap ng kanilang mga anak ang manag kanilang makakamtan kung susunod sila kay Kristo. Dapat na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak patungkol sa inaasahan sa kanila ng Diyos (Deuteronomio 6:6-7; Efeso 6:4) at akayin nila ang kanilang mga anak kay Kristo (Markos 10:14). Sa ganitong paraan, magagampanan nila ang pagkakaloob ng mana sa kanilang mga anak sa isang pinakamabuting pamamaraan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagiiwan ng mana ng magulang sa kanilang mga anak?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries