Tanong
Mapagkakatiwalaan ba ang Bibliya?
Sagot
Kung gagamitin ang parehong pamantayan na ginagamit upang husgahan ang ibang aklat tungkol sa kasaysayan, hindi lamang mapagkakatiwalaan ang Bibliya. Higit itong mapagkakatiwalaan kaysa sa ibang mga aklat. Ang pagiging katiwa-tiwala ay dahil sa katapatan at eksaktong pagkopya. Ang mga Kasulatan na totoo sa kasaysayan at tama ang mga datos na tapat na naisalin sa pagdaan ng panahon ay maituturing na mapagkakatiwalaan. Madaling matitiyak kung katiwa-tiwala ang isang sinaunang aklat kung may mataas na antas ng beripikasyon sa kasaysayan at may mas malaking pagtitiwala sa pagsasalin. Sa pamamagitan ng ganitong pamantayan, masasabi natin na ganap na mapagkakatiwalaan ang Bibliya.
Gaya ng totoo rin sa ibang mga aklat tungkol sa kasaysayan, walang direktang beripikasyon sa kasaysayan ang bawat detalye sa Bibliya. Ngunit hindi maituturing na hindi katiwa-katiwala ang Bibliya dahil lamang sa simpleng naglalaman ito ng ilang bahagi na hindi pa natitiyak o hindi pa napapatunayan sa kasaysayan. Ito ang pangunahing pagsubok sa pagiging katiwa-tiwala ng isang aklat at sa aspetong ito may napakataas na reputasyon ang Bibliya. Hindi lamang nakumpirma sa kasaysayan ang maraming detalye sa Bibliya kundi maraming bahagi din nito na dating pinagdudahan ang nakumpirma sa pamamagitan ng arkelohiya kalaunan.
Halimbawa, ang mga paghuhukay sa ilalim ng lupa noong 1920s ang nagkumpirma sa pagkakaroon ng mga siyudad gaya ng Ur na inilarawan sa Genesis 11, na dating pinagdudahan noong unang panahon. Ang mga inukit na larawan sa mga libingan sa Egipto ay nagpapahiwatig sa pagtatalaga ng isang tagapamahala na eksaktong kapareho sa paglalarawan sa Bibliya sa seremonya ng pagtatalaga kay Jose bilang gobernador ng Egipto (Genesis 39). Ang mga tabletang yari sa putik na tinatayang ginawa noong 2300 BC na natagpuan sa Siria ay malakas na ebidensya sa mga kuwento, talasalitaan at heograpiya sa Lumang Tipan. Pinagdudahan din noon ang pagkakaroon ng mga Heteo (Genesis 15:20; 23:10; 49:29), hanggang sa matagpuan ang siyudad ng mga Heteo sa Bansang Turkey kasama ang kumpletong tala ng kasaysayan ng bansang ito. May ilang dosena pang katotohanan sa Lumang Tipan ang sinusuportahan ng Arkelohiya.
Higit na mahalaga, walang tala sa Luma o Bagong Tipan na napatunayang mali. Ang pagiging katiwa-tiwala ng Bibliya sa kasaysayan ay napakahalaga sa ating pagtitiwala sa iba pang mga katuruan ng Kasulatan.
Maging ang mga mahimalang pangyayari sa Genesis ay may ebidensya sa kasaysayan na ating mapapatunayan ngayon. Inilalarawan ng mga tala sa sinaunang Babilonia ang pagkalito sa wika ng mga tao ayon sa tala ng Bibliya tungkol sa Tore ng Babel (Genesis 11:1–9). Ang tala ding ito ang naglalarawan sa isang pandaigdigang baha, isang pangyayari na inilalarawan sa iba’t ibang anyo sa mga kultura ng buong mundo. Natagpuan din ang lugar na kinatatayuan ng mga siyudad ng Sodoma at Gomora (Genesis 19) at nakita doon ang mga ebidensya ng isang maapoy at bayolenteng pagkawasak. Maging ang mga salot sa Egipto at ang paglabas ng mga Israelita mula sa bansang ito (Exodus 12:40–41) ay sinusuportahan ng arkelohiya.
Ang ganitong kalakaran ay nagpatuloy sa Bagong Tipan kung saan paulit-ulit na nakumpirma ng mga mananalaysay at arkelohiya ang pangalan ng mga siyudad, opisyal sa pulitika at mga pangyayari sa Bagong Tipan. Inilarawan si Lukas na manunulat ng Ebanghelyo at ng aklat ng mga Gawa bilang isang primera klaseng manunulat dahil sa Kanyang pagbibigay ng atensyon sa mga detalye at eksaktong paguulat. Sa mga Kasulatan ng Luma at Bagong Tipan, napatunayang mapagkakatiwalaan ang Bilbiya kahit anong bahagi nito ang sisiyasatin.
Ang eksaktong pagkopya ay isa ring mahalagang dahilan sa pagiging katiwa-tiwala ng Bibliya. Nasulat ang mga kasulatan sa Bagong Tipan makalipas ang ilang dekada kung kailan naganap ang mga pangyayaring kanilang inilalarawan na napakaiksing panahon para ito maging alamat. Sa katotohanan, ang pangunahing balangkas ng Ebanghelyo ay naganap ilang taon pagkatapos na ipako si Hesus sa krus ayon sa paglalarawan ni Pablo sa 1 Corinto 15:3–8. Maaaring makita ng mga mananalaysay ang napakaraming bilang ng mga manuskrito na nagpapatunay na mabilis at buong ingat na kinopya at ipinamahagi ang Kasulatan sa mga unang mananampalataya sa Bagong Tipan. Nagbibigay ito sa atin ng sapat na pagtitiwala na ang ating binabasa ngayon ay kumakatawan sa mga orihinal na Kasulatan.
May ebidensya ding maipapakita na tapat na naisalin ang mga aklat ng Lumang Tipan. Nang matuklasan ang Dead Sea Scrolls noong 1940s, ang mga kasulatang ito ay mas matanda ng walong daang (800) taon sa lahat ng mga bagong kopya. Sa pagkukumpara sa mga luma at bagong kopya ng manuskrito, mapapansin ang metikulosong paraan ng pagkopya sa mga Kasulatan, na muli ay nagdagdag sa ating pagtitiwala na ang mga Kasulatang nasa atin ngayon ay kumakatawan sa mga orihinal na dokumento.
Ang lahat ng mga nasabi sa itaas ang nagbibigay sa atin ng sapat at obhektibong dahilan upang ituring na ganap na mapagkakatiwalaan ang Bibliya. Gayundin naman, napakahalaga na suriin gamit ang parehong pamantayan na ating ginagamit sa ibang mga teksto upang sumulat ng mga aklat tungkol sa kasaysayan. Mas maraming suporta ang Bibliya gaya ng maiksing panahon sa pagitan ng orihinal na Kasulatan at mga natitirang kopya at mas maraming bilang ng mga manuskritong pinagkopyahan kaysa sa ibang sinaunang aklat sa kasaysayan ng mundo.
Halimbawa, may sampung kopya ng mga sinulat ni Julius Caesar, na ang pinakabagong kopya ay isanlibong taon ang agwat sa mga orihinal at walang anumang paraan upang malaman kung ang mga kopya ay kumakatawan sa orihinal. May walong kopya ang mga sinulat ng mananalaysay na si Herodotus, ang pinakalumang kopya ay may edad na isanlibo at apat na raang (1,400) taon. Natuklasan ng arkelohiya ang anim na raan at apatnapu’t tatlong (643) manuskrito ng mga kopya ng mga sinulat ni Homer, na nagbibigay sa atin ng siyamnapung (95) porsyento ng pagtitiwala na katulad iyon ng mga orihinal na teksto.
Para sa Bagong Tipan, may mahigit na limang libong (5,000) manuskrito sa kasulukuyan, na ang karamihan ng mga sinaunang kopya ay mula 200 hanggang 300 taon at may ilan na 100 taon ang agwat sa orihinal. Nagbibigay ito sa atin ng mas mataas na antas na 99 porsyento ng pagtitiwala na pareho ang laman ng ating mga kopya sa nilalaman ng mga orihinal na teksto.
Sa maiksing salita, hindi lamang tayo may obhektibong dahilan upang angkinin na mapagkakatiwalaan ang Bibliya. Hindi natin ito matatawag na hindi mapagkakatiwalaan kung hindi rin natin itatakwil ang halos lahat ng ating nalalaman sa mga naunang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Kung hindi nakapasa ang Kasulatan sa pagsusulit, walang iba pang tala sa kasaysayan sa mga panahong nasulat ang Bibliya ang ating mapagkakatiwalaan. Pinatunayan ng kawastuan nito sa kasaysayan at eksaktong pagkopya ng mga Eskriba sa nilalaman nito na ganap nating mapagkakatiwalaan ang Bibliya. English
Mapagkakatiwalaan ba ang Bibliya?