Tanong
Paano ko matitiyak na ang Bibliya ay hindi lamang isang alamat?
Sagot
Ang katotohanan na ang Bibliya ay nagmula sa isipan ng Diyos ang dahilan kung bakit ito naiiba sa lahat ng aklat at sa lahat ng kayamanan sa mundo. Ipinapakita ng Bibliya ang walang hanggang plano ng Diyos ng pagtubos sa makasalanang sangkatauhan. Ngunit kahit na bilyong kopya pa nito ang naipamahagi na sa buong mundo, marami pa rin ang pinagdududahan ang katotohanan nito. Ang Bibliya ba ay isang aklat ng alamat, o ito ang kinasihang Salita ng Diyos? Ang sagot sa katanungang ito ay napakahalaga sa bawat tao.
Maraming aklat panrelihiyon ang nagaangkin na sila ang nagtataglay ng mensahe ng Diyos. Gayunman, ang Bibliya ay natatangi sa lahat dahil walang iniwang lugar ang Diyos sa anumang pagdududa kung ito nga ang Kanyang nasulat na Salita. Kung tatangkain ng sinuman na buong katapatang suriin ang mga katotohanan ng Bibliya, makikita niya na ang lagda ng Diyos ay nasa lahat ng pahina nito. Ang Diyos na nagsalita upang likhain ang lahat ng bagay ang Siya ring nagbigay sa atin ng Bibliya.
Hindi gaya ng mga alamat, ang Bibliya ay may balangkas ng kasaysayan. Ang mga tauhan dito ay mga tunay na tao na maaaring mapatunayan sa kasaysayan. Binabanggit sa Bibliya sina Nabucodonosor, Senaquerib, Ciro, Herodes, Felix, Pilato at marami pang pigura sa kasaysayan. Ang kasaysayan nito ay kasabay ng bansang Egipto, Siria, Mesopotamia, Persia, Heteo, at Imperyong Romano. Ang mga pangyayari sa Bibliya ay naganap sa mga tunay na lugar at maaaring mapatunayan sa kasaysayan gaya ng lugar ng Canaan, Siria, Egipto, Mosopotamia at marami pang iba. Ang lahat ng ito ay mga detalye na mapapatunayan sa kasaysayan at nagpapabulaan sa ideya na isa lamang alamat ang Bibliya.
Hindi gaya ng alamat, maraming kumpirmasyon sa Bibliya ng katotohanan ng Siyensya gaya ng biolohiya, heolohiya, astronomiya, at arkelohiya. Lumago ang Biblikal na arkelohiya sa huling isa’t kalahating siglo kung kailan libu-libong mga katibayan sa kasaysayan ang nahukay sa ilalim ng lupa. Isang halimbawa, may panahon na pinagdudahan ang pagbanggit ng Bibliya sa sibilisasyon ng mga Heteo at ginagamit ito upang ipagpalagay na ang Bibliya ay isa lamang alamat. Ayon sa Siyensya, sa nakaraang ilang daang taon, walang nabuhay na mga tao na tinatawag na Heteo. Ngunit noong 1876, naganap ang unang serye ng pagkatuklas sa mga ebidensya na totoo ngang may sinaunang sibilisasyon ng mga Heteo, at ang pagkatuklas ay dokumentado. Patuloy na pinalakas ng arkelohiya ang katotohanan ng Bibliya sa kasaysayan. Gaya ng puna ni Dr. Henry M. Morris, “Mayroon ngayon na mga hindi mapapabulaanang tuklas ang arkelohiya na nagpapatunay na walang pagkakamali ang kahit anong tala sa Bibliya.”
Hindi gaya sa alamat, ang Bibliya ay isinulat sa kasaysayan. Isinulat ni Lukas sa kanyang Ebanghelyo, “isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin.” Sinabi ni Lukas, “minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una” at isinulat niya ayon sa pagkakasunod-sunod ang mga pangyayari upang malaman natin “ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro” sa atin (tingnan ang Lukas 1:1-4). Isinama ba ni Lukas ang mga himala sa kanyang sinulat? Oo, marami sa kanila. Ngunit ang mga himalang ito ay pinatunayan ng maraming mga saksi. Pagkaraan ng dalawang libong taon, maaaring tawagin ng isang nagdududa na ang tala ni Lukas ay isang “himala,” ngunit ang pagpapabulaan sa katotohanan ng mga alamat na ito ay nasa kamay na ng mga nagdududa. Ang mismong Ebanghelyo ni Lukas ay isang dokumento sa kasaysayan na maingat niyang sinasaliksik bago niya isinulat.
Hindi gaya ng alamat, ang Bibliya ay naglalaman ng kakahanga-hangang bilang ng mga natupad na hula. Halos walang hula sa mga alamat, samantalang ang buong ikatlong bahagi ng Bibliya ay mga hula. Naglalaman ang Bibliya ng mahigit sa isanlibo at tatlong daang (1,800) mga hula tungkol sa mahigit sa pitong daang (700) magkakaibang paksa na matatagpuan sa mahigit na walong libo at tatlong daang (8,300) mga talata. Naglalaman ang Lumang Tipan ng mahigit sa tatlong daang (300) mga hula patungkol kay Hesu Kristo, ang marami ay natupad ng eksakto hanggang sa kaliit- liitang detalye. Maraming hula na ang naganap ng eksakto ayon sa inihula. Ang tsansa sa Matematika para matupad ng isang tao ang mga hulang ito ay lampas sa kakayahan ng tao upang maunawaan. Ang mga mahimalang hulang ito ay magagawa lamang sa pamamagitan ng hindi pangkaraniwang paggabay ng Diyos na may walang hanggang kaalaman mula sa simula hanggang wakas sa mga manunulat ng Bibliya (Isaias 46:9-10).
Hindi gaya ng mga alamat, binago ng Bibliya ang hindi mabilang na buhay ng tao. Ngunit maraming tao pa rin ang hinahayaan na ang pananaw ng iba – mga taong hindi seryosong nagaral ng Bibliya – ang siyang humubog sa kanilang mga opinyon. Dapat nating pagaralan ang Bibliya para sa ating sarili. Subukin natin ito. Mamuhay tayo ayon sa katuruan nito upang maranasan natin ang kapangyarihan ng kahanga-hangang aklat na ito na bumabago sa ating buhay. Ilapat natin ang mga katuruan nito tungkol sa pagpapatawad at saksihan natin kung paano nito aayusin ang mga nasirang relasyon. Isapamuhay natin ang katuruan nito tungkol sa pagiging mabuting katiwala at makikita natin kung paano gaganda ang takbo ng ating pinansyal na sitwasyon. Ilapat natin ang katuruan nito tungkol sa pananampalataya at damhin ang kapayapaan ng presensya nito sa ating puso kahit na nasa gitna tayo ng mga matinding pagsubok. Buhay at mabisa ang Bibliya. Ito ang dahilan kung bakit maraming Kristiyano sa iba’t ibang bansa sa buong mundo ang inilalagay sa panganib ang kanilang buhay araw-araw upang ibahagi ang katotohanan ng kahanga-hangang aklat na ito na katatagpuan ng daan sa buhay na walang hanggan.
Sa huli, marami ang tumatanggi sa Diyos at sa Kanyang nahayag na Salita dahilan sa kanilang pagmamataas sa Diyos. Inilaan nila ang kanilang buhay sa kanilang personal na paniniwala anupa’t tinatanggihan nilang timbangin ng tapat ang mga ebidensya. Ang pagtanggap na totoo ang Bibliya ay magtutulak sa kanila upang seryosohin ang Diyos at ang kanilang responsibilidad sa Kanya. Ang pagtanggap na totoo ang Bibliya ay babago sa uri ng kanilang pamumuhay at ayaw nila itong mangyari. Gaya ng sinabi ni Pastor Erwin Lutzer, “Ang totoo, kaunting tao lamang ang bukas ang pagiisip lalo na sa mga bagay tungkol sa relihiyon… kaya nga madaling nakapasok ang mga hidwang doktrina at mga pagaalinlangan sa pagdaan ng mga henerasyon.”
Milyun-milyon ang namamatay at may mga taong itinaya ang kaligtasan ng kanilang walang hanggang kaluluwa sa paniniwala na hindi totoo ang Bibliya at umaasa na isa lamang itong alamat at wala talagang Diyos. Ito ay isang mapanganib na sugal at napakalaki ng nakataya. Ipinapayo namin sa bawat isa na basahin ang Bibliya ng may bukas na isip; at hayaang magsalita ito para sa Kanyang sarili at matutuklasan ninyo na ang Salita ng Diyos ay katotohanan (Juan 17:17). English
Paano ko matitiyak na ang Bibliya ay hindi lamang isang alamat?