Tanong
Ano ang pag-asa ng Kristiyano?
Sagot
Maraming tao na ang pagkaunawa sa pag-asa ay gaya ng isang "kahilingan" o "wish ko lang," kapareho ng "sana, may mangyaring pagbabago." Hindi ito ang ibig sabihin ng Bibliya patungkol sa salitang "pag-asa." Ang pakahulugan ng Bibliya sa salitang "pag-asa" ay isang "pagtitiwala na mangyayari ang inaasahan." Ang pag-asa ay isang matibay na katiyakan patungkol sa mga bagay na hindi tiyak at hindi nalalaman (Roma 8:24-25; Hebreo 11:1, 7). Ang pag-asa ang pundasyon ng buhay ng mga matuwid (Kawikaan 23:17-18). Kung walang pag-asa, nawawalan ng kahulugan ang buhay (Panaghoy 3:18; Job 7:6) at walang pag-asa sa kamatayan (Isaias 38:18; Job 17:15). Ang mga matuwid na nagtitiwala at inilalagak ang kanilang pag-asa sa Diyos ay makakatanggap ng tulong mula sa Kanya (Awit 28:7), at hindi sila maguguluhan, mapapahiya, o mabibigo (Isaias 49:23). Ang matuwid na nagtitiwala sa Diyos ay may pangkalatahang pagtitiwala sa tulong at proteksyon ng Diyos (Jeremias 29:11) at malaya mula sa takot at pag-aalala (Awit 46:2-3).
Ang konsepto ng Bagong Tipan sa pag-asa ay ang pagkilala na sa kay Kristo matatagpuan ang kaganapan ng mga pangako sa Lumang Tipan (Mateo 12:21; 1 Pedro 1:3). Ang pag-asa ng Kristiyano ay nag-ugat sa pananampalataya sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo (Galacia 5:5). Ang pag-asa ng mga Kristiyano ay nakakamtan sa pamamagitan ng presensya ng ipinangakong Banal na Espiritu (Roma 8:24-25). Ito ang pag-asa para sa muling pagkabuhay ng mga patay sa hinaharap (Gawa 23:6), sa katuparan ng mga pangako ng Diyos para sa Israel (Gawa 26:6-7), ang katubusan ng katawan at ng buong sangnilikha mula sa pagkabulok (Roma 8:23-25), ang walang hanggang kaluwalhatian (Colosas 1:27), buhay na walang hanggan at ang mana para sa mga mananampalataya (Tito 3:5-7), ang muling pagbabalik ni Kristo (Tito 2:11-14), ang pagbabago para maging katulad ni Kristo (1 Juan 3:2-3), ang pagliligtas ng Diyos (1 Timoteo 4:10) o si Kristo mismo (1 Timoteo 1:1).
Ang pag-asa para sa isang pinagpalang hinaharap ay tiyak sa pamamagitan ng pananahan ng Espiritu Santo (Roma 8:23-25), nasa atin si Kristo (Colosas 1:27), at ang muling pagkabuhay ni Kristo (1 Corinto 15:14-22). Ang pag-asa ay lumalakas sa pamamagitan ng pagtitiis sa gitna ng mga pagdurusa (Roma 5:2-5) at ito ang insipirasyon sa likod ng pagtitiis (1 Tesalonica 1:3; Hebreo 6:11). Makikita ng mga umaasa kay Kristo na Siya ay maitataas sa buhay at kamatayan (Filipos 1:20). Nagbibigay sa atin ng pag-asa ang mga mapagkakatiwalaang pangako ng Diyos (Hebreo 6:18-19), at ipinagmamapuri natin ang pag-asang ito (Hebreo 3:6) at ipinakikita ang malaking katapangan sa ating pananampalataya (2 Corinto 3:12). Sa kabaliktaran, sinasabi ng Bibliya na ang mga taong hindi nagtitiwala sa Diyos ay mga taong walang pag-asa (Efeso 2:12; 1 Tesalonica 4:13).
Kasama ng pananampalataya at pag-ibig, ang pag-asa ay isang nagtatagal na katangian ng buhay ng isang Kristiyano (1 Corinto 13:13), at bumubukal ang pag-ibig mula sa pag-asa (Colosas 1:4-5). Nagbubunga ang pag-asa ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Roma 12:12; 15:13). Itinurong dahilan ni Pablo sa pagkatawag sa kanya bilang apostol ang pag-asa para sa walang hanggang kaluwalhatian (Tito 1:1-2). Ang pag-asa sa muling pagbabalik ni Kristo ang basehan ng pagpapaging banal ng mga mananampalataya sa buhay na ito (Tito 2:11-14, 1 Juan 3:3).
English
Ano ang pag-asa ng Kristiyano?