Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-ibig sa sarili?
Sagot
Malaki ang pagkakaiba ng pag-ibig na inilalarawan sa Bibliya kaysa sa pag-ibig na niyayakap ng mundo. Hindi makasarili at walang kundisyon ang pag-ibig na ayon sa Bibliya, samantalang ang pag-ibig na inilalarawan ng mundo ay makasarili. Sa mga sumusunod na mga talata, makikita natin na hindi umiiral ang pag-ibig ng hiwalay sa Diyos at mararanasan lamang ang tunay na pag-ibig kung una muna nating naranasan ang pag-ibig ng Diyos:
Roma 13:9–10, "Ang mga utos gaya ng, "Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba; at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili." "Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan."
Juan 13:34–35, "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."
1 Juan 4:16–19, "Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa. Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin."
Ang pangungusap na "ibigin ang kapwa gaya ng sarili" ay hindi isang utos na "ibigin ang sarili." Isang normal na bagay ang pag-ibig sa sarili — ito ay pangkaraniwang gawain. Walang kakulangan ng pag-ibig sa sarili sa ating mundo. Ang kautusan na "ibigin mo ang iyong kapwa" ay nagsasabi sa atin na tratuhin ng may kabutihan ang ibang tao gaya ng pakikitungo natin sa ating mga sarili. Hindi kailanman ipinag-uutos sa atin ng Banal na Kasulatan na mahalin ang ating sarili; ipinagpapalagay nito na kusa natin itong ginagawa. Sa katunayan, labis labis na ang pag-ibig sa sarili ng mga taong hindi nais magbagong buhay at ang labis na pag-ibig sa sarili ang ating problema.
Sa talinghaga ni Jesus tungkol sa Mabuting Samaritano, iisang tao lamang ang nagpakita ng pagiging tunay na kapwa sa taong nangangailangan: ito ang Samaritano. May dalawang iba pa, ang isang saserdote at isang Levita, na tumangging tulungan ang taong nangangailangan. Hindi nangangahulugan na maliit ang pag-ibig nila sa kanilang sarili kaya nabigo silang magpakita ng pag-ibig sa taong nangangailangan, bagkus resulta ito ng nag-uumapaw nilang pag-ibig sa kanilang sarili kaya't una nilang isinaalang-alang ang kanilang pansariling interes. Nagpakita ng tunay na pag-ibig ang Samaritano — ibinigay niya ang kanyang oras, ari-arian, at salapi ng walang hinihinging anumang kapalit. Mahalaga sa kanya ang makapagbigay, hindi dahil sa anumang kapalit. Isinaysay ni Jesus ang kuwentong ito bilang paglalarawan sa tunay na kahulugan ng "pag-ibig sa ating kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili."
Dapat nating ilayo ang ating pansin sa ating sarili at unahin ang kapakanan ng iba. "Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili (Filipos 2:3–4).Ayon sa pahayag na ito, nararapat lamang na maging mapagkumbaba, bigyang halaga ang ibang tao at magsumikap na unahin ang kapakanan ng iba upang maipadama ang pag-ibig. Ang anumang mas mababa kaysa dito ay makasarili at walang kabuluhan — hindi ito pinapahintulutan ni Kristo.
Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na ituring natin ang ating sarili na "walang halaga." Itinuturo sa atin ng Bibliya na nilikha tayong kawangis ng Diyos at ang katotohanang ito ang nagbigay sa atin ng napakalaking halaga (tingnan ang Lukas 12:7). Ang balanse at maka-bibliyang pananaw ay nagpapahayag na tayo ay mga natatanging nilikha ng Diyos, inibig ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan at tinubos ni Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig, magagawa nating ibigin din ang iba.
Ibigin natin ang ating kapwa ayon sa pag-ibig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Kristo. Bilang tugon sa pag-ibig na ito, ibinabahagi natin ito sa sinumang ating nakakasalamuha — ang ating kapwa. Ang isang taong may maling paniniwala at nangangamba na hindi niya iniibig nang sapat ang kanyang sarili ay mali ang pinagtutuunan ng pansin. Ang kanyang pag-aalala, sa pananaw ng Bibliya ay nararapat na para sa Diyos at sa kanyang kapwa. Isantabi natin ang ating mga sarili upang magawa nating ibigin ang ating kapwa na gaya ng nararapat.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-ibig sa sarili?