Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng pinsala?
Sagot
Isang konsepto sa Bibliya ang pagbabayad ng pinsala, at may mga sipi sa parehong Luma at Bagong Tipan na naglalahad ng kaisipan ng Diyos sa paksang ito. Sa Lumang Tipan, nasa ilalim ng batas ang mga Israelita, na tinukoy ang pagbabayad ng pinsala sa iba't-ibang sitwasyon. "Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa… "Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin. "Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga." "Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram" (Exodo 22:1, 3-6, 14).
Sa Levitico 6:2-5, makikita ang iba pang halimbawa ng pagbabayad-pinsala kung saan sa pagsasauli ng ninakaw sa may-ari, dadagdagan pa ng nagnakaw ng ikalimang porsyento ng kabuuang halaga ang kanyang ninakaw. Ginagawa ang pagbabayad ng pinsala sa may-ari ng ari-arian (hindi sa gobyerno o sa ikatlong partido), at ang kabayaran ay dapat samahan ng paghahandog sa kasalanan sa harap ng Panginoon. Protektado ng Kautusan ni Moises ang mga biktima ng pagnanakaw, pangingikil, panloloko, at kapabayaan. Iba-iba ang halaga ng kabayaran mula sa isang daan hanggang sa limang daang porsyento ng ninakaw. Ang pagbabayad pinsala ay kailangang gawin sa parehong araw na ang nagkasala ay magdadala ng isang handog na susunugin sa harap ng Panginoon, na nagpapahiwatig na ang pakikipagkasundo sa kapwa ay kasinghalaga ng pakikipagkasundo sa Diyos.
Sa Bagong Tipan, mayroon tayong kahanga-hangang halimbawa ng pagbabayad pinsala sa buhay ni Zaqueo sa Lukas 19. Ang pagdalaw ni Hesus sa tahanan ni Zaqueo, kasama ang mga taong nakakakilala sa kanya bilang isang masama at mapang-aping tao ay nagsimulang magbulung-bulungan tungkol sa pakikihalubilo ni Jesus sa isang "makasalanan" (talata 7). Pagkatapos mangaral ni Jesus, "Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses." At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw." Mula sa mga sa pananalita ni Zaqueo, makikita natin: 1) Nagkasala siya ng pandaraya ng tao, 2) Nagsisi siya sa kanyang mga nagawang pagkakasala, at 3) Nakahanda siya sa pagbabayad-pinsala. Mula naman sa pananalita ni Jesus, nauunawaan natin na: 1) Naligtas si Zaqueo noong araw na iyon at napatawad ang kanyang mga kasalanan, at 2) Ang katibayan ng kanyang kaligtasan ay ang pagpapahayag niya sa publiko ng kanyang pagkakasala at ang pagsasauli niya ng kayamanang nakuha sa maling paraan. Nagsisi si Zaqueo, at maliwanag ang katapatan ng kanyang ginawa sa kanyang agarang pagnanais na makabayad sa kanyang mga niloko. Narito ang isang tao na nagsisisi, at ang katibayan ng kanyang agarang pagbabalik-loob kay Kristo ay ang kanyang determinasyon na magbayad, hangga't maaari, para sa kanyang mga nagawang kasalanan.
Totoo rin ito sa sinumang tunay na nakakakilala kay Kristo ngayon. Humahantong ang totoong pagsisisi sa pagnanais na itama ang mga pagkakamali. Kung naging tunay na Kristiyano ang isang tao, nagkakaroon siya ng malalim na kumbiksyon na gumawa ng mabuti, at kabilang dito ang pagbabayad ng pinsala hangga't maaari. Napakahalagang tandaan ang ideyang "hangga't maaari." May ibang mga krimen at mga kasalanan kung saan hindi na mailalapat ang prinsipyong ito ng pagbabayad pinsala. Sa ganitong mga pagkakataon, dapat gumawa ang isang Kristiyano ng ilang anyo ng pagbabayad-pinsala na nagpapakita ng pagsisisi, ngunit sa parehong panahon, hindi siya dapat mag-alinlangan dahil sa kawalan ng kakayahan na magbayad-pinsala. Ang pagbabayad ng pinsala ay isa lamang resulta ng kaligtasan — hindi ito kinakailangan para sa kaligtasan. Kung natanggap mo ang kapatawaran sa iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu Cristo, napatawad ng lahat ang iyong mga kasalanan, nakapagbayad-pinsala ka man o hindi sa iyong mga pinagkasalahan.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbabayad ng pinsala?