settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbubuntis?

Sagot


Naguumpisa ang pagbubuntis sa sandaling i-fertilize ng isang sperm cell ang isang egg cell sa loob ng katawan ng isang babae. Sa sandaling iyon, nabubuo ang isang embryo. Sa loob ng ilang araw, kakapit ang embryo sa matris ng babae at maguumpisang mabuo at lumaki. Para sa mga tao, ang pagbubuntis ay karaniwang nagtatagal ng 280 araw o 36 linggo. Dahil dumadami ang tao sa pamamagitan ng pagbubuntis, ayon sa pagpapala at utos ng Diyos sa Genesis 1:28, dapat nating asahan na may sinasabi ang Bibliya patungkol sa isyung ito.

Ang kauna-unahang naitalang pagbubuntis ay naganap noong ipagbuntis at ipanganak ni Eba si Cain (Genesis 4:1). Marami pang pagbubuntis ang sumunod pagkatapos nito at dumami ang bilang ng tao sa mundo, ngunit hindi nagbibigay ang Bibliya ng anumang detalye sa pagbubuntis malibang noong tawagin Niya si Abraham (Abraham) at Sarai (Sarah) sa Genesis 11:30: "Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya." Binigyang diin ng Diyos ang pagiging baog ni Sarah gayundin ang kanyang katandaan (Genesis 18:11) upang ipakita na may espesyal Siyang gagawin sa kanya. Binigyan ng Diyos si Abraham at Sarah ng isang anak sa kanilang katandaan na pinangalanang Isaac na tunay na isang himala.

Ang matututunan natin mula sa Kasulatan tungkol sa pagbubuntis ay ang Diyos ang may akda ng buhay. Siya mismo ang nasa likod ng bawat pagbubuntis at Siyang bumubuo sa lahat ng tao sa tiyan ng kanilang ina. Inilalarawan sa Awit 139:13–16 ang direktang gawain ng Diyos sa pagbuo ng bata sa bahay-bata: "Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata. Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal. Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin; lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim. Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam."

Walang dudang ipinapakita sa mga talatang ito na ang Diyos ang gumawa sa bawat bata. Sinabi ng Diyos kay Isaias: "Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan" (Isaias 44:24).

Binanggit sa Bibliya ang ilang partikular na pagkakataon kung saan ipinakita ng Diyos ang Kanyang paunang kaalaman sa paglikha ng tao para sa Kanyang itinakdang layunin para sa kanila: Sinasabi sa Jeremias 1:5, "Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa." Sa Isaias 49:1, ipinahayag ng Diyos na kaya Niyang tawagin sa paglilingkod sa Kanya ang isang taong ipinagbubuntis pa lamang. Nakita natin itong naganap bago ang pagbubuntis ni Elizabeth, bago pa niya ipaglihi ang kanyang anak na si Juan Bautista (Lukas 1:13–17).

Ang pagbubuntis ang paraan ng Diyos upang gumawa ng bagong tao dito sa mundo. Nasa tao ang wangis ng Diyos (Genesis 1:27). Dahil ang Diyos ang may akda ng buhay, at dahil sumasalamin ang pagbubuntis ng isang babae sa kooperasyon ng tao sa Diyos, walang kahit anong karapatan ang isang babae na tapusin ang pinasimulan ng Diyos. Isang marahas na pagtapos sa buhay na nilikha ng Diyos ang aborsyon o pagpapalaglag. Ito ay pagpatay sa isang inosenteng tao na dala-dala ang wangis ng Diyos. Napopoot ang Diyos sa ganitong gawain. Mariing kinondena ng Diyos ang mga pagano na naghahandog ng kanilang mga sanggol sa kanilang mga diyus-diyusan (Jeremias 32:35; Levitico 20:2; Deuteronomio 12:31), at hinatulan Niya ang mga bansang gumagawa nito. Itinuturing ng Diyos ang pagbubuntis na Kanyang gawain at pinararangalan ng isang babae ang Diyos kung nakikipagtulungan siya sa Kanya sa pagliligtas at pagaalaga sa isang buhay na nasa kanyang sinapupunan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbubuntis?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries