Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagganti / paghihiganti?
Sagot
Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa paghihiganti. Parehong nag-ugat ang salitang Hebreo at Griego na isinalin sa salitang "pagganti," "paghihiganti," at "paghigantihan" sa ideya ng pagpaparusa. Ito ay napakahalaga sa pangunawa kung bakit inireserba ng Diyos para sa Kanyang sarili ang karapatang maghiganti.
Ang susing talata tungkol sa katotohanang ito ay matatagpuan sa Lumang Tipan at dalawang beses na inulit sa Bagong Tipan. Sinabi ng Diyos, "Akin ang paghihiganti, ako ang magpaparusa; kanilang pagbagsak ay nalalapit na. Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating, lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin" (Deuteronomio 32:35; Roma 12:19; Hebreo 10:30). Sa Deuteronomio, tinutukoy ng Diyos ang mga Israelitang matigas ang ulo, rebelde at sumasamba sa mga diyus-diyusan na tumanggi sa Kanya at umani ng Kanyang poot dahil sa kanilang kasamaan. Ipinangako Niya na gagantihan NIya sila sa Kanyang sariling panahon at ayon sa Kanyang perpekto at banal na motibo. Ang dalawang talata sa Bagong Tipan ay may kinalaman sa gawi ng Kristiyano na dapat na hindi lumalaban sa awtoridad ng Diyos. Sa halip, dapat natin Siyang hayaan na humatol ng tama at ibuhos ang Kanyang banal na paghihiganti laban sa Kanyang mga kaaway ayon sa Kanyang minagaling.
Hindi gaya ng tao, hindi naghihiganti ang Diyos ng may masamang motibo. Ang layunin ng Kanyang paghihiganti ay para parusahan ang mga taong nagkakasala at tumatanggi sa Kanya. Gayunman, maaari tayong manalangin sa Diyos na iganti ang sarili Niyang kabanalan laban sa Kanyang mga kaaway at ipaghiganti ang mga taong sinisiil ng masasama. Sa Awit 94:1, nanalangin ang Mangaawit sa Diyos para ipaghiganti Niya ang matutuwid, hindi dahil sa hindi mapigilang silakbo ng galit kundi dahil sa matuwid na hatol mula sa isang walang hanggang hukom na perpekto ang paghatol. Kahit na nagdurusa ang mga inosente at tila nananagana ang masasama, sa Diyos lamang ang pagpaparusa. "Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti; si Yahweh ay naghihiganti at napopoot. Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin; kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan" (Nahum 1:2).
May dalawang beses lamang sa Bibliya na nagbigay ang Diyos ng pahintulot na ipaghiganti ang Kanyang pangalan. Una, pagkatapos na gumawa ang mga Madianita ng kasuklam-suklam na kasalanan laban sa mga Israelita, napuno ng poot ang Diyos at inutusan Niya si Moises na pangunahan ang bansang Israel sa isang banal na digmaan laban sa mga ito. "Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno" (Bilang 31:1-2). Muli, sa pagkakataong ito, hindi umaksyon si Moises sa kanyang sariling desisyon; ginamit lamang siyang instrumento upang ipatupad ng Diyos ang perpektong plano sa Kanyang paggabay at tagubilin. Ikalawa, dapat na magpasakop ang mga Kristiyano sa mga pinuno na Kanyang itinalagang mamuno sa kanila dahil sila ay Kanyang mga instrumento para "parusahan ang mga gumagawa ng masama" (1 Pedro 2:13-14). Katulad ng kaso ni Moises, ang mga pinunong ito ay hindi kumikilos ayon sa kanilang sarili, kundi sinusunod nila ang kalooban ng Diyos para parusahan ang masasama.
Nakakatukso na subukang ilagay sa ating mga kamay ang hustisya at parusahan ang mga taong inaakala nating karapatdapat sa parusa. Ngunit dahil makasalanan tayong mga nilalang, imposible para sa atin na maghiganti ng may malinis na motibo. Ito ang dahilan kung bakit iniutos ng Diyos, "Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh" (Levitico 19:18). Kahit si David na isang taong may pusong "ayon sa puso ng Diyos" (1 Samuel 13:14), ay tumanggi na maghiganti kay Saul, kahit inosente siya at siya ang ginawan ng kasalanan. Nagpasakop si David sa utos ng Diyos na huwag maghiganti at nagtiwala siya sa Kanya: "Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay" (1 Samuel 24:12).
Bilang mga Kristiyano, dapat nating sundin ang utos ng Panginoong Jesus na "ibigin ang ating mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa atin" (Mateo 5:44), at ipaubaya sa Diyos ang paghihiganti.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagganti / paghihiganti?