Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkamuhi o pagkapoot, matinding galit?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya na may positibo at negatibong uri ng pagkamuhi. Katanggap-tanggap na mamuhi sa mga bagay na kinamumuhian ng Dios, sa katunayan, ito ay katibayan ng mabuting katatayuan sa Dios. “Ang lahat ng namumuhi sa masama ay mahal ng Dios.“ (Awit 97:10a). Sa katunayan, habang lalo tayong lumalakad na malapit sa Panginoon, lalo tayong nagkakaroon ng mas malalim na kamalayan patungkol sa kasalanan, kapwa sa pangloob at sa panglabas na buhay. Tayo ba ay nagdadalamhati at nangangalit sa galit kapag sinisiraang puri ang pangalan ng Dios, kapag nakakakita tayo ng esprituwal na pagkukunwari, kapag nakikita natin ang kawalan ng pananampalataya at mga kilos o gawi na hindi makadios? Habang lalo nating nauunawaan at minamahal ang mga katangian ng Dios, lalo tayong magiging katulad Niya at mas mapopoot tayo sa mga bagay na salungat sa Kanyang Salita at kalikasan.
Gayunman, ang galit na negatibo ay yaong nakatuon laban sa iba. Binanggit ng Panginoon sa Sermon sa Bundok: “Ngunit ngayon sinasabi ko sa nyo: ang napopoot sa kanayang kapatid ay mananagot sa hukuman” (Mateo 5:22). Utos ng Panginoon na hindi lamang tayo dapat na makipagkasundo sa ating kapatid bago tayo humarap sa Panginoon, kundi dapat ding gawin natin ito ng madalian (Mateo 5:23-26). Ang mismong pagpatay ay tiyak na kinokondena at hinahatulan ng parusa, ngunit ang poot o matinding galit ay isang kasalanan ng puso at anumang kaisipan o kilos na may pagkapoot ay pagpatay din sa paningin ng Dios na kung saan ang katarungan ay hinihingi, marahil hindi sa buhay na ito kundi sa Araw ng Paghuhukom. Ganoon na lang kasama ang pagkapoot sa harapan ng Dios na ang taong napopoot ay sinasabing nasa kadiliman pa at wala sa kaliwanagan (1 Juan 2:9,11). Ang pinakamasamang sitwasyon ay yaong taong nagpapahayag ng paniniwala sa isang relihiyon ngunit nananatili sa pakikipag-away sa kanyang kapatid. Ipinapahayag ng Kasulatan na ang ganitong tao ay isang sinungaling (1 Juan 4:20), at maaari niyang dayain ang tao ngunit hindi ang Dios. Gaano karaming mananampalataya ang sa maraming taon ay nagkunwaring lahat ng bagay ay mabuti at nagpapakita ng mabuti, ngunit sa wakas ay nasumpungang nagkikimkim ng galit laban sa kanyang kapwa mananampalataya?
Ang poot ay lason na sumisira sa atin mula sa loob, nagbubunga ng kapanglawan at kapaitan na sumisira sa ating puso at isipan. Ito ang dahilan kaya sinasabi sa atin ng Kasulatan na huwag nating hayaan na ang “ugat ng kapaitan” ay sumibol sa ating mga puso (Hebreo 12:15). Sinisira din ng galit ang pagiging saksi ng isang Kristiyano dahil inaalis siya nito sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Panginoon at sa iba pang mga mananampalataya. Maging maingat tayong gawin ang ayon sa ipinapayo ng Panginoon at makipag-ayos tayo sa bawat isa sa lahat ng bagay gaano man kaliit ang sigalot, at ang Dios ay tapat na magpapatawad, gaya ng Kanyang ipinangako (1 Juan 1:9; 2:1).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkamuhi o pagkapoot, matinding galit?