Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapahalaga sa sarili?
Sagot
Aktwal na napakaraming talata sa Bibliya ang naghahayag sa atin kung ano ang sinasabi ng Diyos sa ating halaga sa Kanyang paningin. Sinasabi sa Genesis 1:26-27 na nilikha tayo ayon sa Kanyang larawan, ayon sa mismong wangis ng Diyos. Sinasabi sa Awit 139:13-16 na tayo ay nilikhang kagilagilalas at kahanga-hanga at ang mga araw ng ating buhay ay nakasulat na sa aklat ng Diyos bago pa man tayo isinilang na nagpapatunay sa paunang kaalaman ng Diyos sa atin at sa Kanyang plano para sa ating mga buhay. Sinasabi sa Efeso 1:4 na pinili ng Diyos ang Kanyang magiging mga anak bago pa likhain ang mundo, at sa Efeso 1:13-14, sinasabi sa atin na tayo ay pagaari ng Diyos at pinili para sa ikapupuri ng Kanyang kaluwalhatian at may pamana tayo sa langit na kasama Niya bilang Kanyang mga anak.
Ngunit pansinin natin ang mga salitang ginamit sa bawat parirala sa itaas: "ginawa," "nilikhang kagilagilalas at kahanga-hanga," "isinulat," "pinili ng Diyos ang Kanyang mga anak," "tayo ay mga pag-aari ng Diyos," at "mayroon tayong mana." Ang mga bagay na ito ay hindi natin ginawa para sa ating mga sarili, o naging karapatdapat man tayo sa mga iyon, Sa katotohanan, tayo ay taga-tanggap lamang ng "lahat ng Kanyang mga pagpapalang espiritwal sa kalangitan" (Efeso 1:3). Kaya nga, masasabi natin na ang ating halaga ay hindi sa ating sarili; sa halip, ang halagang ito ay ibinigay sa atin ng Diyos. Wala tayong kasinghalaga sa Kanya dahil sa halagang Kanyang ibinayad upang tayo'y maging karapatdapat sa Kanya—ang kamatayan ng Kanyang anak doon sa krus.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na "namatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa" (Roma 5:8). Sa katunayan, bago tayo naging mananampalataya, patay tayo dahil sa ating mga pagsuway at mga kasalanan (Efeso 2:1). Anong halaga ng isang patay? Wala. Ipinahiram sa atin ng Diyos ang Kanyang sariling katuwiran (2 Corinto 5:21) hindi dahil sa karapatdapat tayo, kundi dahil hindi tayo karapatdapat, hindi kaibig-ibig, at walang kakayahan na gawing mahalaga ang ating sarili sa anumang paraan. Ngunit—at ito ang himala—inibig Niya tayo sa kabila ng ating kalagayan (Juan3:16), at dahil dito, mayroon na tayong walang kapantay na halaga sa Kanyang paningin.
Sinasabi sa Juan 1:12 na ang lahat ng tumanggap kay Cristo at sumampalataya sa Kanyang pangalan ay binigyan ng Diyos ng karapatang maging Kanyang mga anak. Sinasabi sa atin sa 1 Juan 1:9 na kung ipagtatapat natin sa Kanya ang ating mga kasalanan, patatawarin Niya tayo at lilinisin sa lahat ng ating mga kalikuan. Kung itutuon natin ang ating pansin kung gaano tayo inibig ng Diyos at ang halaga na Kanyang ibinayad para tayo tubusin, makikita natin ang ating sarili kung paano tayo nakikita ng Diyos at ito ang tutulong sa atin upang maunawaan kung ano ang ating halaga bilang mga anak ng Kataas-taasang Diyos.
Kadalasan, ang halaga ng ating sarili ay laging nakabase sa pananaw ng ibang tao tungkol sa atin. Ngunit ang nagiisa at tunay na awtoridad upang pagtanungan ng ating halaga ay ang Panginoong Jesu Cristo. Dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus, iyon ang dapat na pamantayan ng ating pagpapahalaga sa sarili at kung gaano tayo kahalaga sa Kanyang paningin.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapahalaga sa sarili?