Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapaimbabaw?
Sagot
Sa esensya, ang "pagpapaimbabaw" ay tumutukoy sa akto ng paniniwala sa isang bagay ngunit kumikilos ng salungat sa pinaniniwalaan. Ang biblikal na salita ay nagmula sa salitang Griyego para sa "artista"— na literal na nangangahulugang "isang taong nakasuot ng maskara"— sa ibang salita, isang taong nagpapanggap.
Tinatawag ng Bibliya ang pagpapaimbabaw na isang kasalanan. May dalawang uri ng pagpapaimbabaw: ang pagpapahayag ng paniniwala sa isang bagay ngunit kumikilos ng salungat sa paniniwalang iyon, at ang paghusga sa ibang tao sa isang kahinaan na gaya ng sa kanya.
Kinondena ni propeta Isaias ang pagpapaimbabaw sa kanyang kapanahunan: "Sasabihin naman ni Yahweh, "Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito, at sa bibig lamang nila ako iginagalang, subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso, at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.'" (Isaias 29:13). Pagkaraan ng ilang siglo, binanggit ni Jesus ang talatang ito, na tinutukoy ang parehong hatol sa mga lider ng relihiyon sa Kanyang panahon (Mateo 15:8-9). Tinawag ni Juan Bautista ang mga hindi tapat na tao na lumalapit sa kanya para magpabawtismo na "lahi ng mga ulupong" at binalaan ang mga mapagpaimbabaw na "ipakita sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi sila" (tingnan ang Lukas 3:7–9). Katulad ng paninindigan ni Juan Bautista ang paninindigan ni Jesus tungkol sa pagkukunwari— tinawag Niya ang mga mapagpaimbabaw na mga "lobong nagdadamit tupa" (Mateo 7:15), "mga libingang pinaputi" (Mateo 23:27), "mga mapagkunwari," at "lahi ng mga ulupong" (Mateo 23:33).
Hindi natin maaaring sabihin na iniibig natin ang Diyos kung hindi natin iniibig ang ating mga kapatid (1 Juan 2:9). Dapat na walang halong pagkukunwari ang pag-ibig (Roma 12:9). Maaaring magmukhang matuwid ang isang ipokrito sa panlabas, ngunit iyon ay isa lamang maskara. Ang tunay na katuwiran ay nagmumula sa panloob na pagbabago ng Banal na Espiritu, hindi isang panlabas na pagsang-ayon sa mga alituntunin (Mateo 23:5; 2 Corinto 3:8).
Tinalakay ni Jesus ang ibang anyo ng pagpapaimbabaw sa Kanyang Sermon sa Bundok: "Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, 'Halika't aalisin ko ang puwing mo,' gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid" (Mateo 7:3-5). Hindi nagtuturo si Jesus laban sa pagkilala ng mabuti at masama o tinutulungan ang iba na pagtagumpayan ang kasalanan; sa halip, itinuturo Niya na hindi tayo dapat maging mapagmataas at labis na nagtitiwala sa ating kabutihan anupa't pinupuna natin ang iba mula sa posisyon ng sariling katuwiran. Dapat muna nating suriin ang ating sarili at itama ang ating mga pagkakamali bago natin punahin ang dumi sa mata ng iba (Roma 2:1).
Sa panahon ng pagmiministeryo ni Jesus, kinompronta Niya ang mga lider ng relihiyon, ang mga Pariseo. Ang mga lalaking ito ay bihasa sa Kasulatan at masigasig sa pagsunod sa bawat letra nito (Gawa 26:5). Gayunman, sa kanilang pagsunod sa bawat letra ng Kautusan, aktibo silang naghahanap ng butas sa gawa ng mga tao anupa't nilalabag nila ang espiritu ng Kautusan. Gayundin, nagpapakita sila ng kawalan ng kahabagan sa kanilang kapwa at laging ipinapamukha sa mga ito ang kanilang tinatawag na espiritwalidad para tumanggap ng papuri ng mga tao (Mateo 23:5–7; Lukas 18:11). Tinuligsa ni Jesus ang kanilang paguugali at binigyang diin na mas mahalaga ang "katarungan, kahabagan, at katapatan" kaysa sa paghahangad ng pagiging sakdal ayon sa mga depektibong pamantayan (Mateo 23:23). Nilinaw ni Jesuis na wala sa Kautusan ang problema kundi sa pamamaraan ng pagpapatupad nito ng mga Pariseo (Mateo 23:2-3). Sa kasalukuyan, ang salitang Pariseo ay naging kasingkahulugan ng pagiging ipokrito.
Dapat tandaan na ang pagpapaimbabaw o pagiging ipokrito ay hindi kapareho ng paninindigan laban sa kasalanan. Halimbawa, hindi pagpapaimbabaw ang magturo na ang paglalasing ay kasalanan kahit na ang nagtuturo ay lasing. Hindi pa ganap na perpekto ang mga Kristiyano; nagkakasala pa rin tayo. Hindi pagpapaimbabaw ang mabigo na mamuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya, ngunit isang pagpapaimbabaw ang sabihin na naniniwala tayo sa Diyos at gusto nating sundin Siya ngunit hindi sumusubok na gawin iyon. Isang pagpapaimbabaw ang magturo laban sa paglalasing ngunit palaging lasing linggu-linggo. Isa ring pagpapaimbabaw ang pagiisip na dahil ang paglalasing ay hindi isang kasalanan na ating pinaglalabanan, mas konti ang pangangailangan natin ng biyaya ng Diyos kaysa sa mga taong nakikipagbaka sa parehong kasalanan.
Bilang mga anak ng Diyos, tinawag tayo upang magsikap para sa kabanalan (1 Pedro 1:16). Dapat nating "kamuhian ang kasalanan" at "ibigin ang mabuti" (Roma 12:9). Hindi tayo dapat magpahiwatig ng pagtanggap sa kasalanan, lalo na sa ating sariling buhay. Hindi tayo dapat pabagu-bago sa ating paniniwala at gawa at sa ating pagkakakilala kay Kristo. Ang pag-arte ay para lang sa entablado, hindi para sa tunay na buhay.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapaimbabaw?