Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakumbaba?
Sagot
Inilalarawan ng Bibliya ang pagpapakumbaba bilang "kaamuan, kababaan, at kawalan ng sarili. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang pagpapakumbaba sa Colosas 3:12 at sa iba pang mga talata sa Bibliya ay literal na nangangahulugang "kababaan ng pagiisip," kaya ang kapakumbabaan ay saloobin ng puso, hindi sa panlabas lamang. Maaaring magpakita ang isang tao ng panlabas na kababaang loob ngunit ang puso ay puno ng pagmamataas at kayabangan. Sinabi ni Jesus na ang mga "aba sa espiritu" ang makapapasok sa kaharian ng langit (Mateo 5:3). Ang maging aba sa espiritu ay nangangahulugan na ang mga tao lamang na umaamin sa kanilang kawalang kakayahan sa espiritwal ang magmamana ng buhay na walang hanggan. Kaya nga, ang pagpapakumbaba ay isang katangian na taglay ng isang Kristiyano.
Kung lalapit tayo kay Kristo bilang mga makasalanan, dapat tayong lumapit ng may kapakumbabaan. Kinikilala natin na tayo ay pulubi na lumalapit sa Kanya ng walang dalang anuman kundi ang ating kasalanan at ang ating pangangailangan ng kaligtasan. Kinikilala natin ang kawalan natin ng karapatan at kakayahan na iligtas ang ating sarili. Nang ialok Niya sa atin ang Kanyang biyaya at kahabagan, tinanggap natin iyon sa kapakumbabaan at pasasalamat at itinalaga ang ating sarili sa Kanya at sa ibang tao. Namamatay tayo sa ating sarili upang makapamuhay tayo bilang mga bagong nilalang kay Cristo (2 Corinto 5:17). Hindi natin kinalilimutan na pinalitan Niya ang ating pagiging walang halaga ng Kanyang walang kapantay na halaga, ang ating kasalanan ng Kanyang katwiran, at ang buhay natin ngayon ay ipinamumuhay natin sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na umibig sa atin at nagbigay ng Kanyang buhay para sa atin (Galacia 2:20). Iyan ang tunay na pagpapakumbaba.
Ang pagpapakumbaba na naaayon sa Bibliya ay hindi lamang kinakailangan para makapasok sa kaharian, kinakailangan din ito upang maging dakila sa kaharian (Mateo 20:26-27). Si Jesus ang ating modelo. Kung paanong hindi Siya dumating para paglingkuran kundi para maglingkod, dapat din nating italaga ang ating sarili sa paglilingkod sa iba at isaalang-alang ang interes ng iba ng higit kaysa sa atin (Filipos 2:3). Ang saloobing ito ang nagaalis ng makasariling hangarin, kayabangan, at ang pagkakabaha-bahagi na resulta ng pagabswelto at pagtatanggol sa sarili. Hindi nahiya si Jesus na magpakumbaba bilang isang alipin (Juan 13:1-16), hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:8). Sa Kanyang kapakumbabaan, lagi Siyang naging masunurin sa Kanyang Ama kaya nararapat sa isang mapagpakumbabang Kristiyano na kusang isantabi ang pagiging makasarili at sumunod ng may pagpapasakop sa Diyos at sa Kanyang salita. Ang tunay na pagpapakumbaba ay nagbubunga ng pagiging makadiyos, kakuntentuhan, at katiyakan.
Ipinangako ng Diyos na Kanyang ipagkakaloob ang biyaya sa mga mapagpakumbaba habang sinasalungat naman ang mapagmataas (Kawikaan3:34; 1 Pedro 5:5). Kaya nga, dapat tayong magsisi at isantabi ang pagmamataas. Kung itataas natin ang ating sarili, inilalagay natin ang ating sarili bilang mga kasalungat ng Diyos na sa Kanyang biyaya ay ibababa tayo para sa ating ikabubuti. Ngunit kung ibababa natin ang ating sarili, pagkakalooban tayo ng Diyos ng mas maraming biyaya at itataas Niya tayo (Lukas 14:11). Bukod sa Panginoong Jesus, isa ring halimbawa ng kapakumbabaan si apostol Pablo. Sa kabila ng maraming kaloob at pangunawa na kanyang tinanggap, itinuring ni Pablo ang kanyang sarili bilang "pinakamababa sa lahat ng apostol" at "pangulo ng mga makasalanan" (1 Timoteo 1:15; 1 Corinto 15:9). Gaya ni Pablo, ang tunay na mapagpakumbaba ay lumuluwalhati sa biyaya ng Diyos at sa krus ni Cristo, hindi sa sariling katuwiran (Filipos 3:3-9).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakumbaba?