Tanong
Bakit mahalaga ang pagsasaulo ng mga talata ng Bibliya?
Sagot
Napakahalaga ng pagsasaulo ng Salita ng Diyos sa pamumuhay Kristiyano. Sa katotohanan, maaaring ang pagsasaulo ng Salita ng Diyos ang nagiisang pinakamahalagang kasangkapan para sa paglagong espiritwal at pagtatagumpay laban sa kasalanan. Makapangyarihan ang Salita ng Diyos dahil ito ay literal na “kinasihan ng Diyos” sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (2 Timoteo 3:16-17), at sa tuwing pinupuno natin ang ating isipan ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pagsasaulo ng Kasulatan, ginagamit natin ang pinakamakapangyarihang armas sa pakikibakang espiritwal.
Sa tuwing isinasaulo natin ang Salita ng Diyos, may ilang bagay ang nagaganap. Sinasabi ng Mangaawit sa Awit 119:11 na iningatan niya sa Kanyang puso ang Salita ng Diyos upang hindi siya magkasala laban sa Kanya. Hindi lamang niya pinakinggan at binasa ang Salita ng Diyos, kundi kanya ring isinapuso ito at isinaulo para sa hinaharap na paggamit. Ang Salita ng Diyos ang tanging tunay at pamatay na sandata ng mananampalataya laban sa kasalanan, at kung isasaulo natin ito, ito ay malakas na impluwensya para pagpapaging banal at matuwid na pamumuhay. Sinasabi sa atin sa Hebreo 4:12 na ang Salita ng Diyos ay “buhay at mabisa,’ na nangangahulugan na ang hindi pangkaraniwang kapangyarihan nito ang humuhubog sa atin upang maging katulad ni Kristo sa tuwing pinagbubulay-bulayan natin ito, at walang ibang mas mabisang paraan upang pagbulayan ang Salita ng Diyos ng higit sa pagsasaulo nito.
Inilalarawan sa Efeso 6:13-17 ang baluti ng mananampalataya sa espiritwal na pakikibaka ng ating kaluluwa. Ang lahat ng sangkap ng baluting ito ay ginagamit sa pagdepensa maliban sa isa. Ang tanging sangkap na gamit sa pangopensa ay ang “tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios” (talata 17). Gaya ni Hesus na ginamit ang Salita ng Diyos upang labanan ang pagtukso ni Satanas (Mateo 4:1-11), dapat din nating gamitin ang Salita ng Diyos bilang armas. Ngunit bihira tayong bigyan ng pagkakataon ni Satanas na maghanap ng tamang mga talata sa tuwing humaharap tayo sa kanyang mga kasinungalingan at pandaraya. Ang pagsasaulo sa Bibliya ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na mayroon tayong katotohanan at tamang prinsipyo sa ating isipan na ating dagling maaalala upang epektibong makalaban sa Masama (1 Pedro 5:8). Pinapaalalahanan tayo sa Roma 12:1-2 na “magbago ng pagiisip” upang hindi na tayo maimpluwensyahan ng pagiisip ng mundo. Ang tanging paraan upang baguhin ang ating isip ay sa pamamagitan ng pagpuno dito ng Salita ng Diyos.
Ang pagsasaulo ng Kasulatan ay isang pribilehiyo at tungkulin ng bawat Kristiyano. Napakaraming napakagagandang mga talata ang dapat nating isaulo. Maaaring magsimula ang sinuman sa mga susing talata ng Kristiyanong pananampalataya – gaya ng Juan 3:16 at Efeso 2:8-9 — at magpatuloy sa iba pang mga talata. Ang susi ay patuloy na magbalik-aral sa mga nasaulong mga talata at magdagdag ng mga panibagong talatang isasaulo. Anumang pamamaraan ang piliin, ang mga pakinabang sa pagsasaulo ng Salita ng Diyos ay pagtatagumpay sa kasalanan, paglago sa pananampalataya, at kagalakan sa buhay Kristiyano. English
Bakit mahalaga ang pagsasaulo ng mga talata ng Bibliya?