Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtanda ng tao?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya na ang pagtanda ay isang normal at natural na karanasan sa buhay ng tao sa mundo. May karangalang nakapaloob sa proseso ng pagtanda dahil normal na kaakibat ng pagtanda ang paglago sa karunungan at karanasan. “Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran” (Kawikaan 16:31; tingnan din ang Kawikaan 20:29). Nais ng Diyos na ating alalahanin na maiksi lamang ang ating buhay sa mundo (Santiago 4:14) at ang kagandahan ng kabataan ay madaling naglalaho (Kawikaan 31:30; 1 Pedro 1:24).
Sa huli, ang katanungan tungkol sa pagtanda ay hindi maihihiwalay sa katanungan tungkol sa kahulugan ng buhay at sa konsepto ng ating iiwanang halimbawa sa ibang mga tao. Sa aklat ng Mangangaral, ibinigay ni Solomon ang isang matalinong pagharap sa pagtanda at sa mga isyung nakapaloob dito.
Isinilang tayo sa mundo na natural na nabubuhay para sa panandaliang kasiyahan, ngunit ang kawalang kabuluhan ng ganitong pananaw ang paksa ng Mangangaral 1 hanggang 7. Habang tumatanda ang mga tao at nagsisimulang maramdaman ang nalalapit na kamatayan, tipikal nilang ginugugol ang kanilang papaubos na kayamanan sa mga proyektong tila may pangako ng nagtatagal na kahulugan ng buhay, lalo’t higit ang pag-asa na makakapagiwan sila ng magandang halimbawa upang matandaan ng iba ang kanilang pangalan (Mangangaral 2). Sa kasamaang palad, walang sinuman ang makatitiyak kung aling proyekto ang magbibigay ng pangmatagalang kabuluhan at kahalagahan (Mangangaral 3:1-15), at normal itong humahantong sa magkakaibang antas ng maling akala maging sa kabiguan dahil sa kaiksian ng buhay at sa tila kawalang katarungan “sa ilalim ng araw” (ang pariralang gingamit ni Solomon upang tukuyin ang kahulugan ng buhay sa mundo) (Mangangaral 3:16 -7:29).
Dahil sa lumilinaw na realisasyon na ang kasiyahan sa mga ganitong gawain ay madaling lumilipas at walang pagbabago, inaasahan ni Solomon sa mga tao na gagamitin nila ang mga bagay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos sa matalinong paraan bago sila bawian ng buhay sa mundo (Mangangarala 8-12; tingnan din ang Awit 90:12). Ang karunungang ito ay lumalago sa relasyon nito sa ating kaalaman sa “panahon at paghuhukom” - at sa ating makadiyos na pananaw sa pagtanggap sa kaiksian ng buhay at sa kawalang katarungan sa mundo (Mangangaral 3;15c; 8:5b-8, 12b-15; 9:11-12; 11:9; 12:14). Ang pananaw ng mga Hebreo sa oras sa mga sitas na ito ay kumbinasyon ng konsepto ng oportunidad (ang tamang panahon upang gumawa ng nararapat na pagpapasya kung may dumarating na oportunidad) at ang limitadong haba ng buhay ng tao (napakaiksi para palampasin ang dumarating na mga oportunidad). Ang pananaw ng mga Hebreo sa paghatol sa parehong mga talatang ito ay nagpapalagay na may ganap na kalayaan ang tao sa paggamit ng mga bagay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ayon sa kanyang maibigan, ngunit may pananagutan siya sa Diyos na nagbigay sa kanya ng lahat ng mga bagay. Ang kapareho ng mga konsepong ito sa Bagong Tipan ay makikitang malinaw sa mga talinghaga ni Hesus tungkol sa sampung dalaga at sa mga talento (Mateo 25), sa dalawang anak (Mateo 21:28-32), at sa hindi tapat na alipin (Lukas 16:1-13).
Kinikilala ng manunulat ng Mangangaral ang mga kahirapan at hamon ng pagtanda, kabilang ang paghina ng isipan at katawan. Tinugunan ng Mangangaral ang mga kahirapang ito mula sa panlupang pananaw (Mangangaral 7:15-18; 8:14-9:3) ngunit nagalok pa rin siya ng karunungan upang tulungan tayo na harapin ang pagtanda mula sa makadiyos na pananaw, na ngangailangan ng pagtanggap sa “panahon at paghatol.” Dahil sa ating hindi mapipigilang kawalan ng pag-asa sa kundisyon ng tao sa mundo - ang ating pagiging makasalanan, kawalan ng katiyakan, at tiyak na kamatayan - isang matalinong pagpapasya na ating tandaan na “Sapagka't sa kaniya, na napisan sa lahat na may buhay ay may pagasa: sapagka't ang buhay na aso ay maigi kay sa patay na leon. Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw” (Mangangaral 9:4-6). Dahil nalalaman na mananagot sila sa Diyos para sa mga bagay na ipinagkatiwala Niya sa kanila, dapat silang masiyahan sa lahat ng mga biyaya, talento, karunungan at oportunidad sa buhay, ngayon na hindi bukas pa - bago mawala ang pagkakataon na hindi na nila ito magagawa pa (9:7-10; 11:9-12:7).
Ang layunin ng aklat ng Mangangaral ay upang ipakita na ang kahulugan ng buhay sa pagtanda ay makakamtan sa pamamagitan ng pagtupad sa layuning itinakda ng Diyos para sa atin at ang layuning ito ay magagampanan lamang natin kung hindi natin palalampasin ang mga oportunidad na gamitin ang mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin sa paglilingkod kay Kristo, ang ipinangakong Tagapagligtas. Habang ang mga kaloob ng Diyos ay hindi pantay-pantay dito sa lupa, ang kahulugan ng buhay ay ganap na mauunawaan sa Araw ng Paghuhukom kung matanggap na natin ang ating gantimpala (Mangangaral 7:11) kung paano natin ginamit ang Kanyang mga kaloob sa atin, kung sa mabuti man o masama (Mangangaral 12:14; ikumpara sa 2 Corinto 5:10). Sa araw na iyon, makikita natin na ganap na makatarungan ang Diyos bagama’t hindi pantay-pantay ang Kanyang mga kaloob sa bawat tao sa buhay na ito sa kasalukuyan. English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtanda ng tao?