settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatanggol sa sarili?

Sagot


Hindi ibinigay sa Bibliya ang komprehensibong pahayag patungkol sa pagtatanggol sa sarili. May ilang mga talata na tila hinihimok ng Diyos ang Kanyang mga anak na maging mapayapa (Kawikaan 25:21–22; Mateo 5:39; Roma 12:17). Ngunit may ilang mga pahayag na sinasang-ayunan ang pagtatanggol sa sarili. Sa anong mga sitwasyon naaangkop ang pagtatanggol ang sarili?

Dapat magsanay ng karunungan, pang-unawa at taktika sa pagtatanggol sa sarili. Sa Lukas 22:36, sinabi ni Jesus sa mga natitirang alagad, "Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak." Alam ni Jesus na ito ang panahon na manganganib ang Kanyang mga tagasunod at ginamit Niya ang Kanyang karapatan sa pagtatanggol sa sarili. Hindi nagtagal, inaresto si Jesus at binunot ni Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang tainga ng isang alipin. Sinaway ni Jesus si Pedro dahil sa ginawa nito (talata 49–51). Bakit? Sa kanyang kagustuhan na maipagtanggol ang kanyang Panginoon, hindi naaayon sa kagustuhan ng Diyos ang ginawa ni Pedro. Maraming beses na sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na Siya ay aarestuhin, lilitisin at mamamatay (hal. Mateo 17:22–23). Sa madaling salita, hindi kumilos nang may karunungan si Pedro. Kailangan nating maging marunong kung kailan tayo lalaban at kung kailan hindi ito naaangkop.

Nagbigay ng ilang mga pahiwatig ang Exodo 22 tungkol sa saloobin ng Diyos sa pagtatanggol sa sarili: "Kailangan siyang magbayad. Kung walang ibabayad, siya ang ipagbibili at ang pinagbilhan ang ibabayad sa kanyang ninakaw. Kung ang ninakaw naman ay makita sa kanya at buháy pa, doble lamang ang ibabayad niya" (talata 2-3). Ang karapatan sa pagmamay-aari ng mga pribadong ari-arian at ang karapatan na ipagtanggol ang mga ari-ariang ito ang dalawa sa mga pangunahing prinsipyo na itinuro sa tekstong ito. Naaayon sa lahat ng sitwasyon ang pagsasanay sa karapatan na ipagtanggol ang sarili. Walang sinuman ang dapat na maging mabilis sa paggamit ng dahas sa ibang tao kahit pa ang taong iyon ay nagbabalak ng hindi maganda laban sa kanya. Kung sa kalagitnaan ng gabi, nalagay sa isang alanganing sitwasyon ang isang tao dahil sa isang magnanakaw, at ang magnanakaw ay napatay ng may-ari ng bahay dahil sa pagtatanggol sa sarili, hindi hinahatulan ng salang pagpatay ang may-ari ng bahay. Ngunit, sakaling mahuli ang magnanakaw sa umaga kung kailan nagising ang may-ari ng bahay, ipinagbabawal ng batas ang pagpatay sa magnanakaw. Sinasabi ng batas na ang mga may-ari ng bahay ay hindi nararapat magpadalos-dalos sa pagpatay o sa pag-atake sa mga magnanakaw sa kanilang bahay. Maaaring ituring na pagtatanggol sa sarili ang parehong sitwasyon, ngunit ang marahas na pagkilos ang pinakahuling dapat gawin at ginagamit lamang sa isang hindi inaasahan at nakakagulat na pangyayari kung kailan ang may-ari ng bahay ay tuliro at hindi na makapag-isip ng tama. Kung sa gabi nangyari ang pag-atake, ipinagpapalagay ng batas na walang intensyon na gumamit ng dahas ang may-ari ng bahay laban sa magnanakaw at maaaring ang pagpatay ay dala lamang ng kadiliman at pagkalito. Kahit sa kaso ng pagtatanggol sa sarili laban sa isang magnanakaw, inaasahan mula sa isang makadiyos na tao na maging mapagpigil sa kanyang sarili at huwag magpadalos-dalos sa pagpatay sa iba.

Ipinagtanggol din ni Pablo ang kanyang sarili sa ilang pagkakataon, bagama't hindi sa marahas na pamamaraan. Nang gugulpihin siya ng mga Romano sa Jerusalem, tahimik na ipinaalam ni Pablo sa senturyon na siya ay isang mamamayang Romano. Agad nabahala ang mga awtoridad at nagsimulang magbago ang pakikitungo kay Pablo. Alam nilang may nilabag silang batas nang ikadena nila ito. Ginamit ni Pablo ang katulad na pagtatanggol sa Filipos — matapos siyang gulpihin — upang makamit ang opisyal na paghingi ng tawad ng mga taong lumabag sa kanyang karapatan (Gawa 16:37–39).

Ayon sa isang talinghaga ni Jesus, laging binabayo ang pintuhan ng isang hukom ng isang mapilit na biyuda upang paulit-ulit na ipahayag ang kanyang panawagan, "Bigyan mo ako ng katarungan sa aking kaaway" (Lukas 18:3). Hindi sumuko ang biyudang ito at hindi niya hinayaan na basta na lang umiwas sa batas ang kanyang mga kaaway na nagsamantala sa kanya; hindi siya nangiming ipagtanggol ang kanyang sarili sa tamang paraan.

May kinalaman ang ating tugon sa personal nating mga pagkakasala sa utos ni Jesus na "iharap ang kabilang pisngi" (Mateo 5:39). May ilang sitwasyon na nangangailangan ang pagtatanggol sa ating sarili ngunit hindi naaangkop ang paghihiganti. Ang konteksto ng utos na ito ni Jesus ay laban sa ideya ng "mata sa mata at ngipin sa ngipin" (talata 38). Hindi nararapat na paghihiganti ang dahilan ng ating pagtatanggol sa sarili laban sa isang pagkakasala. Sa katunayan, maraming mga pagkakasala ang nangangailangan ng pagtitiis at pagmamahal.

Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pagtatanggol sa sarili, at pinapahintulutan ang sinumang mananampalataya na ipagtanggol ang sarili at ang kanyang pamilya. Ngunit ang katotohanan na pinahihintulutan tayo na ipagtanggol ang ting sarili ay hindi nangangahulugan na kailangan itong gawin sa bawat sitwasyon. Ang pang-unawa sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita at pagtitiwala sa "karunungan na nanggagaling sa langit" (Santiago 3:17) ay makakatulong sa atin kung ano ang higit na mabuting tugon sa mga sitwasyon na nangangailangan ng pagtatanggol sa sarili.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtatanggol sa sarili?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries