settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtawag sa kaluluwa ng tao?

Sagot


Napakalinaw ng katuruan ng Bibliya patungkol sa paksa ng pagtawag at pakikipagusap sa kaluluwa ng mga namatay. Idinokumento ng malinaw sa Bibliya ang gawain ng mga tumatawag sa kaluluwa o mediums, pagsapi ng kaluluwa sa tao at panghuhula. Sinasabi sa Levitico 19:31 “Huwag kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Ayon sa Levitico 20:6 “Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan.” Sinasabi naman sa Deuteronomio 18:10-12, “Sinuman sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo.” Malinaw na ang mga gawaing ito ay kasalanan sa Diyos at walang pakinabang.

Nagwakas ang paghahari ng makapangyarihang hari ng Israel na si Saul ng tuluyan siyang tumalikod sa Diyos at sumangguni sa isang mangkukulam. Pinili ni Saul na humanap ng kasagutan mula sa isang mangkukulam ng hindi siya sinagot ng Diyos ng ayon sa kanyang kagustuhan. Sa 1 Samuel 28:6-20, hiniling ni Saul sa mangkukulam na tawagin ang espiritu ng propetang si Samuel. Ang malaking kasalanang ito ay binanggit kalaunan sa 1 Cronica 10:13, 14 kung saan binigyang diin ang ginawang pagkakamali ni Saul: “Namatay si Saul sapagkat hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse.”

Bilang mga Kristiyano, dapat na sa Diyos natin hanapin ang kasagutan sa ating mga katanungan. Ang pananalangin sa mga patay o pagtawag sa kaluluwa ng mga namatay ay pagsamba sa diyus diyusan. Ang pananalangin sa sinumang namatay na tao, kabilang ang mga apostol, si Maria at iba pang santo ay walang pagkakaiba sa pagkonsulta sa isang mangkukulam o espiritista upang tawagin ang kaluluwa ng mga namatay para humingi sa kanila ng tulong. Karamihan ng mga espiritista ay nanloloko lamang at gumagamit ng mga pandaraya, mga kasabwat at “special effects” upang lokohin ang mga tao. Ang mga totoong may kakayahang tumawag sa kaluluwa ng mga namatay sa katotohanan ay nakikipagtulungan sa mga mapanganib na espiritu ng demonyo. Si satanas at ang kanyang mga kampon ay nagaanyong mga “matulunging espiritu” o espiritu ng mga namatay at napakadali para sa kanila na linlangin at wasakin ang mga tao na binubuksan ang kanilang sarili sa kanilang mga gawa sa pamamagitan ng pagtawag sa kaluluwa ng mga namatay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtawag sa kaluluwa ng tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries