Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagtitiis?
Sagot
Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagtitiis sa iba't ibang konteksto. Malinaw na itinuturo ng Kasulatan na ang mga "nagtatagumpay" at "nagtitiis" sa pananampalataya ay magmamana ng buhay na walang hanggan (Pahayag 2:7). Ang katotohanang ito ay ipinahayag din sa Colosas 1:23 kung saan mababasa natin na ang mga tao ay dapat na maging banal at walang kapintasan, "Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig." Kaya dapat na nagkakasundo ang lahat ng Kristiyano na ang maliligtas sa huli ay ang mga nagtiis at nagpatuloy sa paniniwala sa Ebanghelyo.
May dalawang sobrang magkaibang pananaw sa isyu ng pagtitiis ng mga banal para sa mga Kristiyano. Ang una ay ang pananaw ng Arminianismo na posible para sa mga tunay na Kristiyano na tumalikod sa Diyos at hindi magtiis hanggang wakas. Naaayon ito sa konsepto ng kaligtasan na ang "malayang pagpapasya" (free will) ng tao ang sentro. Lohikal ang kaisipan na kung ang "malayang pagpapasya" ng tao ang dahilan ng kanyang kaligtasan, lalabas na posible nga para sa tao na piliing tanggihan ang Diyos sa huli at mawala ang kaligtasan.
Gayunman, malinaw na itinuturo ng Bibliya na isinilang tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na siyang dahilan sa pagkakaroon natin ng pananampalataya kay Kristo. Ang lahat na isinilang na muli ay may katiyakan ng kaligtasan at magtitiis hanggang wakas. Ang doktrina ng pagtitiis ng mga banal ay nasasalig sa pangako ng Diyos na "natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay Kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo" (Filipos 1:6) at sa deklarasyon ni Jesus na "lalapit sa Akin ang lahat ng ibinibigay sa Akin ng Ama, at hinding-hindi Ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa Akin" (Juan 6:37, 39).
Sa likod ng konsepto ng pagtitiis na may kinalaman sa kaligtasan, may mga katuruan sa Bibliya patungkol sa pagtitiis ng Kristiyano. Sa kanyang mga sulat kay Timoteo, pinaalalahanan ni Apostol Pablo ang batang pastor, "Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo" (1 Timoteo 4:16). Si Timoteo ay isang makadiyos na tao at tama at naaayon sa Kasulatan ang kanyang doktrina. Binalaan siya ni Pablo na bantayan ang kanyang pamumuhay at doktrina dahil—at babala din ito sa lahat ng Kristiyano—ang pagpapatuloy sa makadiyos na pamumuhay at paniniwala sa katotohanan ay laging ebidensya ng tunay na pagiging anak ng Diyos (Juan 8:31; Roma 2:7).
Ang iba pang katuruan sa pagtitiis sa buhay Kristiyano ay nagmula kay Santiago na nagbababala sa atin na, "Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." "Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin" (Santiago 1:22-24). Ang kaisipan sa mga talatang ito ay pagpapalain ng Diyos ang Kristiyano na nagtitiyaga sa kabanalan at displinang espiritwal. Mas nagtitiyaga tayo at nagtitiis sa pamumuhay Kristiyano, mas pinagpapala tayo ng Diyos at bibigyan Niya tayo ng lakas na magpatuloy. Ipinaalala sa atin ng Mangaawit na may malaking gantimpala sa pagtitiis sa pamumuhay bilang mananampalataya. Sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, may "malaking pagpapala" para sa ating mga kaluluwa (Awit 19:11), kapayapaan ng isip, malinis na budhi, at isang patotoo sa mundo na mas mabisa kaysa sa maraming pananalita.
Hinihikayat din tayo ni Santiago na magtiis "sa gitna ng mga pagsubok" dahil ang mga nagtitiis ay pagpapalain at tatanggap ng "putong ng buhay na ipinangako ng Diyos (Santiago 1:12). Kung paanong tiyak ang kaligtasan ng tunay na mananampalataya at hindi na iyon mawawala pa magpakailanman, magtitiyaga din siya sa gitna ng sakit, kahirapan, paguusig, at iba pang mga pagsubok sa buhay na dumarating sa mga mananampalataya. Kung ninanais nating mabuhay para kay Kristo, magdaranas tayo ng mga paguusig (2 Timoteo 3:12). Ngunit ang mga tapat ay magpapatuloy dahil iniingatan sila ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na Siyang garantiya ng ating kaligtasan at siyang magiingat sa atin "upang matagpuan tayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (1 Corinto 1:8).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagtitiis?