settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtitiwala sa iba?

Sagot


Sa paksa ng pagtitiwala sa iba, sinabi ni David, "Higit na mabuti na doon kay Yahweh magtiwala ako, kaysa panaligan yaong mga tao. Higit ngang mabuting ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay, kaysa pamunuan ang ating asahan" (Awit 118:8–9). Nagsalita si David mula sa sariling karanasan, kung ilang beses siyang ipinagkanulo ng mga taong malapit sa kanya. (tingnan ang Awit 41:9). Sa halip na maghinanakit o isipin na lahat ng tao ay likas na hindi mapagkakatiwalaan at hindi dapat pag-aksayahan ng panahon, natutunan niya ang isang simpleng katotohanan: bibiguin tayo ng mga makasalanang tao, pero lagi tayong magtiwala sa Diyos. Natutunang mabuti ang aral na ito ng anak ni David na si Haring Solomon at sinabing mas makabubuting pagtiwalaan ang Diyos kaysa pagtiwalaan ang sarili nating karunungan (Kawikaan 3:5-6).

Kahit na biguin tayo ng ibang tao sa ilang mga pagkakataon, tayo man ay hindi rin laging mapagkakatiwalaan. Maaari at dapat pa din nating pagtiwalaan ang ibang tao sa iba't ibang antas. Kung walang pagtitiwala, imposibleng magkaroon ng magandang relasyon sa kapwa. Nakakatiyak tayo dito dahil alam nating hindi tayo bibiguin ng Diyos kaya maaari pa rin tayong magtiwala sa iba. Nasa Kanya ang ating ganap na katiwasayan, kaya malaya tayong magtiwala sa iba at maranasan ang kagalakan na idinudulot nito. Ang pagtitiwala sa iba ay hindi maihihiwalay sa pag-ibig sa kapwa. Makakamtan lamang ang tunay na pagpapalagayang-loob sa pamamagitan ng katapatan at pagtitiwala. Kailangan ang pagtitiwala para matiis ang pasakit ng ating kapwa (Galacia 6:2) at "isulong ang bawat isa tungo sa pag-ibig at mabubuting gawa" (Hebreo 10:24) Pagtitiwala rin ang kailangan para maamin ang ating mga kasalanan sa isa't-isa (Santiago 5:16) at ibahagi ang ating mga pangangailangan (Santiago 5:14; Roma 12:15). Mahalaga ang pagkakaroon ng tiwala sa alin mang relasyon ng tao, at lalong higit para sa tungkulin ng pamilya ni Kristo sa isa't isa.

Dapat magsumikap ang mga Kristiyano para pagtiwalaan ng ibang tao. Malinaw na sinabi ni Jesus na dapat na totoo sa kanilang mga salita ang Kanyang mga tagasunod (Mateo 5:37). Inulit ni Santiago ang utos ni Jesus (Santiago 5:12). Tinatawag ang mga Kristiyano na maging mahinahon at umiwas sa pagsasalita nang walang kabuluhan (Kawikaan 16:28; 20:19; 1 Timoteo 5:13; 2 Timoteo 2:16). Gayundin, tinatawag ang mga Kristiyano na magsalita ng angkop sa sitwasyon at tumulong sa pagbabalik-loob ng tao mula sa kasalanan. Ang mga Kristiyano ay mga tagapagpalaganap ng katotohanan ng may pag-ibig (Efeso 4:15; 1 Pedro 3:15). Inaasahan din sa mga Kristiyano na tugunan ang mga praktikal na pangangailangan ng ibang tao (Santiago2:14–17; 1 John 3:17–18; 4:20–21). Makakatulong ang lahat ng mga gawaing ito upang maging nga taong mapagkakatiwalaan. Kailangang maging mapagkakatiwalaang tao ang mga Kristiyano. Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay resulta ng gawain ng Espritu Santo sa buhay ng mga mananampalataya (2 Corinto 3:18; Filipos 1:6; Galacia 5:13–26).

Ang pagtitiwala sa kapwa ay hindi laging normal at madali. Isang matalinong pasya ang pagbibigay natin ng oras para kilalanin ang iba at hindi magpadalos-dalos sa pagbibigay ng ating buong tiwala. Ginawa ito ni Jesus tumakas Siya mula sa maraming tao ng ilang beses (Juan 2:23–25; 6:15). Pero minsan mahirap malaman ang pagkakaiba ng pagiging matalino sa pagtitiwala at pagiging masyadong maingat sa ating sarili dahil sa naranasang sakit o takot sa nakalipas. Kung nararamdaman natin na mabigat ang ating loob na pagtiwalaan ang sinuman sa anumang pagkakataon, maging matalino tayo upang pagnilayan ang ating sarili at hilingin natin sa Diyos na pagalingin ang ating mga sugatang puso. Pinapayuhan tayo ng Bibliya kung paano magtitiwalang muli sa iba pagkatapos masaktan. Ang pagtitiwala sa Diyos ang una at pinakamahalagang hakbang. Kung alam na natin ito, kahit ano pa man ang gawin ng ibang tao sa atin, laging nandoon ang Diyos, tapat at totoo at mapagkakatiwalaan mas magiging madali para sa atin na labanan ang pagkakanulo ng iba at kabiguan. Sinasabi sa Awit 118:6, "Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating?" Ang pagbabasa ng salita ng Diyos na binibigyang pansin ang mga paraan kung paano Niya inilalarawan ang Kanyang sariling katapatan at pagiging mapagkakatiwalaan ay makakatulong sa atin. Mahalaga sa buhay ang panalangin. Lalo na kung ang pakiramdam natin ay binigo ng Diyos ang ating tiwala nang pahintulutan Niyang masaktan tayo. Kailangan nating alalahanin ang Kanyang katotohanan at mabigyang ginhawa sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig.

Ang ikalawang hakbang sa pagtitiwala ay pagpapatawad sa sumira sa ating tiwala pagkatapos nating masaktan. Gaya ng sinabi ni Jesus kay Pedro, "kung ang isang kapatid ay nagkasala sa iyo ng pitumpu't pitong ulit sa isang araw at muling bumalik para humingi ng kapatawaran, dapat tayong magpatawad" (Mateo 18:21–22). Hindi nito sinasabi na hindi natin dapat patawarin ang ikapitumpu't walong pagkakasala, kundi dapat tayong maging mga taong nagpapatuloy sa pagpapatawad. Kung paulit-ulit tayong binibigo ng isang tao ng walang pagsisisi, hindi natin kailangang ipagpatuloy ang pakikipagkapwa-tao sa kanya o magpaapi sa kanya. Ngunit hindi tayo dapat magkimkim ng poot o hindi dapat makaapekto ang ginawa ng taong iyon sa ating pakikitungo sa ibang tao (Hebreo 12:14–15). Kung totoong nagsisisi ang isang tao – kahit na ang taong ito ay puno ng pagtataksil at pagsasamantala sa ating tiwala – igawad natin ang lubos na pagpapatawad at magpursigi tayo na maibalik at maitayong muli ang ating pagtitiwala sa paglipas ng panahon. Bilang bahagi ng mga turo ni Jesus tungkol sa pagpapatawad, ibinahagi Niya ang isang talinghaga tungkol sa isang alipin na pinatawad sa kabila ng malaking pagkakautang at pagkatapos ay lumabas at hinusgahan at pinagmalupitan ang isa pang alipin na may maliit na utang sa kanya. Ang walang pusong gawain ng isang malupit na alipin ang nagpapaalala sa atin ng ating pangangailangan ng pagpapatawad. Pinatawad na tayo ng Diyos sa ating malaking pagkakasala na higit na malaki kaysa sa pagkakasala ng ibang tao sa atin (Maeo 18:23–35).

Sa huli, habang natututunan natin na magtiwala sa iba, nararapat na patuloy tayong magsumikap na maging mapagkakatiwalaan. Mabuti ito at makadiyos. Dapat na maging isang ligtas na lugar tayo para sa ibang tao (Kawikaan 3:29) at panatilihin natin ang pagtitiwala nila sa atin. Makilala nawa tayo sa ating katapatan (Kawikaan 12:22) at bukal sa pusong pakikiramay sa ating mga kaibigan (Kawikaan 17:17). Dumaraan ang bawat tao sa mahihirap na sitwasyon at kailangan natin ang ating mga kaibigan ng higit sa mga panahong tila hindi sumisikat ang araw para sa atin. May mga pagkakataon na hinahayaan nating malugmok ang iba. Ngunit dapat tayong magsumikap na "mamuhay gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos… maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga at mapagparaya dahil sa inyong pag-ibig sa isa't isa (Efeso 4:1-2).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtitiwala sa iba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries