Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikipagugnayan sa mga patay?
Sagot
Ang pakikipagugnayan sa mga patay ay ang pananawagan sa espiritu ng mga namatay sa layunin na kanilang ipakita ang hinaharap o impluwensyahan ang takbo ng isang pangyayari. Sa Bibliya, ang pakikipagugnayan sa mga patay ay tinatawag ding “panghuhula,” pangkukulam,” at “espiritismo” at mahigpit na ipinagbawal sa maraming pagkakataon (Levitico 19:26; Deuteronomio 18:10; Galacia 5:19-20; Gawa 19:19) dahil ito kasuklam suklam sa Diyos. Ito ay isang gawain na lubhang kinamumuhian ng Diyos at dapat na iwasan gaya ng lahat ng gawa ng Diyablo. May dalawang dahilan kung bakit ito ipinagbabawal:
Una, ang pakikipagugnayan sa mga patay ay kinasasangkutan ng mga demonyo at nagbubukas ng pintuan para sa kanila na umatake sa mga nagsasagawa nito. Nais ng demonyo na wasakin ang buhay mga tao at sinisikap niyang takpan ang katotohanan. Sinabi sa atin sa 1 Pedro 5:8, “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). Ikalawa, ang pakikipagugnayan sa mga patay ay pagpapakita ng hindi pagtitiwala sa Panginoon para sa impormasyon, sa Panginoong nangako na ipagkakaloob ng walang bayad ang karunungan sa lahat ng humihingi sa Kanya (Santiago 1:5). Nais ng Diyos sa tuwina na dalhin tayo sa katotohanan at buhay, ngunit ang laging nais ng mga demonyo ay dalhin tayo sa kasinungalingan at kamatayan.
Ang ideya na maaaring tawagin ang mga espiritu ng mga namatay ay isang kasinungalingan. Ang mga nagtatangka na makipagugnayan sa kanila sa totoo, ay nakikipagugnayan sa mga espiritu ng demonyo, hindi espiritu ng kanilang mga namatay na mahal sa buhay. Ang mga namatay na ay agad-agad na pumupunta sa langit o impiyerno – sa langit kung sumampalataya sila kay Hesus bilang kanilang Tagapagligtas o sa impiyerno kung hindi. Wala ng anumang ugnayang magaganap sa pagitan ng mga namatay at nabubuhay. Kaya nga, ang pagsasagawa at paniniwala sa pakikipagugnayan sa mga patay ay hindi dapat gawin at lubhang mapanganib para sa mga mananampalataya.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikipagugnayan sa mga patay?