settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pamamahala ng oras?

Sagot


Mahalaga ang pamamahala ng oras dahil sa kaiklian ng ating buhay sa mundo. Mas maikli kaysa sa ating iniisip ang ating pananahan dito sa lupa. Gaya ng sinabi ni David, "Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay, kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay." Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay, sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan; ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan" (Awit 39:4–5). Inulit ang kaisipang ito ni David ni Santiago: "Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala." Tunay na panandalian lang ang ating oras sa mundo at sa katunayan napakaiksi nito kumpara sa walang-hanggan. Upang mabuhay kung paanong nais ng Diyos na mabuhay tayo sa lupa, mahalaga na gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang gamitin ang ating panahon sa pinakamagandang paglalaanan nito.

Nanalangin si Moises, "Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon itanim sa isip namin upang kami ay dumunong" (Awit 90:12). Ang isang mahusay na paraan upang magkaroon ng karunungan ay matutong mabuhay bawat araw na may walang hanggang pananaw. Inilagay ng ating Maylalang ang walang-hanggan sa ating mga puso (Mangangaral 3:11). Ang kaalaman na kailangan nating magsulit sa Isa na nagbibigay sa atin ng oras ay dapat na mag-udyok sa atin na gamitin ito nang maayos. Naunawaan ito ni C. S. Lewis: "Kung magbabasa ka ng kasaysayan, makikita mo na ang mga Kristiyano na pinakamaraming nagawa sa kasalukuyang mundo ay ang mga nag-iisip lamang para sa susunod."

Sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso, binalaan ni Pablo ang mga mananampalataya, "Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon (Efeso s 5:15–16). Kinapapalooban ang maingat na paggamit ng panahon ng matalinong pamumuhay, ng kaalaman na marami ang aanihin ngunit kakaunti ang mangaani (Lukas 10:2) at ang kaalaman na mabilis na lumilipas ang oras ay makakatulong sa atin upang gamitin ang ating oras upang magpatotoo sa pamamagitan ng ating mga salita at halimbawa. Dapat nating gugulin ang ating oras sa pag-ibig sa iba sa gawa at sa katotohanan (1 Juan 3:17–18).

Walang duda na umaagaw sa ating pansin ang mga responsibilidad at panggigipit ng mundong ito. Ang napakaraming mga bagay na humihila sa atin sa iba't ibang direksyon ang nagiging dahilan para maubos ang ating oras at gugulin ang ating panahon sa mga walang kwentang bagay. Ang mga gawain na may walang hanggang halaga ay madalas na naisasantabi. Para maiwasan ang pagkawala ng atensyon, kailangan nating unahin ang pinakamahalaga at magtakda ng layunin. Bukod pa rito, hangga't maaari, ipagkatiwala natin ang iba nating gawain sa ibang taong may kakayahan at mapagkakatiwalaan. Alalahanin natin kung paano matalinong tinuruan ni Jethro si Moises na ipagawa sa iba ang iba niyang gawain na hindi niya kayang gampanan (Exodo 18:13–22).

Tungkol sa ating etika sa trabaho, inaalala natin na ginawa ng Diyos ang lahat ng kanyang gawain sa loob ng anim na araw at nagpahinga sa ikapitong araw. Ang pagpapahinga sa loob ng isang araw ang nagpapahiwatig sa inaasahan sa atin ng Manlilikha na may kaugnayan sa ating etika sa trabaho. Sa katunayan, ipinapakita sa Kawikaan 6: 10-11 ang pagkadismaya ng Panginoon para sa mga tamad, "Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan" (tingnan din ang Kawikaan 12:24; 13:4; 18:9; 20:4; 21:25; 26:14). Sa karagdagan, ang talinghaga ng mga talento (Mateo 25:14–30) ay naglalarawan ng trahedya ng nasayang na pagkakataon maging ang kahalagahan ng tapat na pagtatrabaho hanggang sa dumating ang Panginoon. Dapat tayong maging masigasig sa ating mga trabaho sa lupa, ngunit ang ating "gawain" ay hindi lamang para kumita ng pera. Ang kaluwalhatian ng Diyos, ang dapat nating pangunahing dahilan sa lahat ng ating ginagawa (Colosas 3:17). Sinasabi sa Colosas 3:23-24, "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo." Tinalakay ni Jesus ang pagiimpok ng kayamanan sa langit (Mateo 6:19-21). Hindi natin dapat patayin ang ating sarili sa pagtatrabaho sa paghahangad ng panlupang kayamanan (Juan 6:27). Sa halip, dapat nating ibigay ang ating pinakamagaling sa paggawa ng mga bagay na itinakda sa atin ng Diyos. Sa lahat ng ating mga ginagawa — sa ating mga relasyon, sa ating mga gawain, sa ating pag-aaral, sa paglilingkod sa iba, sa mga detalye ng ating pamamahala sa ating mga buhay, sa pag-aalaga sa kalusugan ng ating mga katawan, sa libangan, at iba pa — ang Diyos ang ating pangunahing pinagtutuunan ng pansin. Siya ang nagtiwala sa atin ng panahong ito sa lupa, at siya ang nagtuturo kung paano natin ito gugugulin.

Dapat pansinin na ang pagpapahinga ay isang nararapat at kinakailangang paggamit ng oras. Hindi natin maaaring pabayaan ang paggugol ng panahon sa Diyos, sa pribado at kasama ng ibang mananampalataya. Tiyak na tinatawag tayo para mamuhunan ng oras sa pakikipag-ugnayan sa iba at sa pagtatrabaho nang husto sa mga gawain sa buhay. Ngunit hindi rin natin maaaring pabayaan ang ginhawa na ibinibigay niya sa atin sa mga oras ng pahinga. Ang pahinga ay hindi sayang na oras; ito ay nagbibigay ng kaginhawahan na naghahanda sa atin para sa mas mahusay na paggamit ng oras sa mga susunod na araw. Ipinaaalala din nito sa atin na sa huli, ang Diyos ang may kontrol at nagbibigay sa atin ng ating mga pangangailangan. Habang pinagsisikapan nating pamahalaan ang ating oras, dapat na matalino tayo sa pagtatakda ng mga regular na oras ng pamamahinga.

Ang pinakamahalaga, kailangan nating mag-takda ng regular na oras – araw-araw – para Diyos. Siya ang nagbibigay lakas sa atin upang isagawa ang mga gawain na ibinigay niya sa atin. Siya ang nangunguna sa ating mga araw. Ang pinakamasamang bagay na maaari nating gawin ay ang pamamahala sa ating panahon na parang ito ay sa atin. Pag-aari ng Diyos ang oras, kaya humingi tayo ng karunungan sa Kanya kung papaano ito gagamitin, pagkatapos magpatuloy tayo ng may pagtitiwala na sensitibo sa Kanyang mga pagtutuwid at bukas sa Kanyang mga itinakdang paggambala sa ating buhay.

Kung hinahangad mo na baguhin ang paggamit mo ng oras, ang unang hakbang ay pagmumuni-muni. Gumawa ng hakbang para sa pamamahala ng iyong oras. Ibinabahagi sa artikulong ito ang ilan sa mga sinasabi ng Diyos patungkol sa oras. Magandang pag-aralan pa ng malalim ang paksang ito sa Kasulatan. Isaalang-alang ang mga bagay na mahalaga para sa Diyos. Isaalang-alang kung saan ka Niya partikular na tinatawag. Isaalang-alang kung gaano karaming oras ang iyong kasalukuyang ginugugol sa mga bagay na panlupa. Isaalang-alang kung ano ang umuubos sa iyong oras. Gumawa ka ng isang listahan ng mga prayoridad at responsibilidad at hilingin mo sa Diyos na pangunahan ka tungkol sa anumang pagbabago na kailangang gawin. Ang pagninilay sa iyong mga prayoridad at paggamit ng oras ay isang mahusay na pagsasanay na regular na dapat gawin. Natuklasan ng ilan na kapaki-pakinabang ang isang taunang pagsusuri tungkol sa pamamahala ng oras.

Tungkol sa oras, ipinapayo ng Bibliya na kailangan nating ituon ang ating pansin sa walang hanggan sa halip na sa panandaliang kasiyahan ng mundong ito na mabilis na lumilipas. Alinsunod dito, dapat tayong magpatuloy ng may pagsisikap at may banal na layunin habang lumalapit ang ating buhay sa ganap na layunin ng Diyos. Ang oras na ginugol para sa Diyos at sa pagkilala sa Kanya, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang Salita at pananalangin ay hindi kailanman nasasayang. Ang oras na ginugol sa pagpapatatag ng katawan ni Kristo at ang pagmamahal sa iba sa pag-ibig ng Diyos (Hebreo 10:24–25; John 13:34–35; 1 John 3:17–18) ay mahusay na paggugol ng oras. Ang panahon ay dapat na pinupuhunan sa pagbabahagi ng Ebanghelyo upang malaman ng iba ang kaligtasan na na kay Jesus at nagbubunga ito ng bungang pang walang hanggan. Dapat tayong mabuhay na parang napakahalaga ng bawat minuto – dahil ito ang katotohanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pamamahala ng oras?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries