Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananampalataya?
Sagot
Sinasabi sa atin ng Hebreo 11:1 na ang pananampalataya ay “siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.” Marahil walang ibang sangkap sa buhay Kristiyano ang higit na mahalaga kaysa sa pananampalataya. Hindi natin ito mabibili, maipagbibili o maibibigay sa ating mga kaibigan. Ano ang pananampalataya at ano ang papel na ginagampanan ng pananampalataya sa buhay Kristiyano? Ayon sa diksyunaryo ang pananampalataya ay tumutukoy sa “paniniwala sa, debosyon sa, o tiwala sa isang tao o isang bagay, na walang patunay sa lohika.” Tumutukoy din ito sa pananampalataya bilang “paniniwala at debosyon sa Diyos.” Mas marami pa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananampalataya at kung gaano ito kahalaga. Sa katunayan, ito ay napakahalaga (Hebreo 11:6). Ang pananampalataya ay ang paniniwala sa nag-iisa at tunay na Diyos kahit hindi natin Siya nakikita.
Saan nagmumula ang pananampalataya? Ang pananampalataya ay hindi isang bagay na ating nabubuo sa ating sarili, o kaya ay isang bagay na likas sa atin mula sa ating pagsilang. Ang pananampalataya ay hindi rin resulta ng sipag sa pag-aaral o kaya ay pagtugis sa mga bagay na espiritwal. Maliwanag mula sa Efeso 2:8-9 na ang pananampalataya ay isang kaloob mula sa Diyos, hindi dahil karapat dapat tayo, o ito ay pinaghirapan o tayo ay karapat dapat na tumanggap nito. Hindi ito mula sa ating sarili; ito ay mula sa Diyos. Hindi ito nakamit sa pamamagitan ng ating kapangyarihan o ng ating malayang pagpapasya. Ito ay ibinigay ng Diyos sa atin, kasama ng ng Kanyang biyaya at habag, ayon sa Kanyang banal na plano at layunin, at dahil dito, tinatanggap Niya ang lahat ng kaluwalhatian.
Bakit may pananampalataya? Dinisenyo ng Diyos ang isang paraan upang tanggapin Niya ang mga taong nabibilang sa Kanya at ang mga hindi sa Kanya, at ang tawag dito ay pananampalataya. Sa simpleng salita, kailangan natin ang pananampalataya upang mabigyan natin ng kasiyahan ang Diyos. Sinasabi ng Diyos sa atin na ikinalulugod Niya na tayo ay sumampalataya sa Kanya kahit na hindi natin Siya nakikita. Sinasabi sa atin ng Hebreo 11:6 na “Siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa Kanya.” Hindi ito pananampalataya sa Diyos para lamang makatanggap ng anumang bagay mula sa Kanya. Gayunpaman, iniibig ng Diyos na pagpalain ang mga taong masunurin at matapat. Makikita natin ang isang pekpektong halimbawa nito sa Lukas 7:50. Si Hesus ay nakikipag-usap sa isang makasalanang babae nang ipasulyap Niya sa atin kung bakit ang pananampalataya ay nararapat gantimpalaan. “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.” Ang babae ay naniwala kay Hesu Kristo na may pananampalataya at siya ay ginantimpalaan ni Hesus dahil dito. Sa wakas, ang pananampalataya ang nagpapalakas sa atin hanggang sa wakas, nalalaman natin sa pamamagitan ng pananampalataya na tayo ay makakasama ng Diyos sa langit magpakailan man. “Hindi ninyo Siya nakita kailanman, ngunit Siya’y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo Siya nakikita magpahangggang ngayon, ngunit nananalig na kayo sa Kanya. Dahil dito’y nag uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang hindi kayang ilarawan sa salita. Sapagkat inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya – ang inyong kaligtasan.”
Mga halimbawa ng pananampalataya. Ang Hebreo kapitulo 11 ay kilala bilang “the faith chapter” dahil dito inilarawan ang mga dakilang gawa ng pananampalataya. Dahil sa pananalig sa Diyos, si Abel ay naghandog ng mas mabuting hain kaysa inihandog ni Cain (tal. 4); dahil sa pananalig sa Diyos, gumawa si Noe ng isang daong sa panahon na walang ulan (tal. 7); dahil sa pananalig sa Diyos tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya, at humayo siya bagamat hindi niya alam kung saan paroroon, hanggang sa paghahandog niya sa kaisa-isa niyang anak (tal. 8-10,17); dahil sa pananalig sa Diyos pinangunahan ni Moises ang bayang Israel palabas sa Egipto (tal 23-29); dahil sa pananalig sa Diyos, malugod na pinatuloy ni Rahab ang mga tiktik mula sa Israel at naligtas ang kanyang buhay (ta. 31). Marami pang mga bayani ng pananampalataya ang nabanggit na “dahil sa pananalig sa Diyos ay nakalupig ng mga kaharian, gumawa ng matuwid at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng mga bibig ng mga leon, pumatay ng nangangalit na apoy at naligtas sa tabak. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupat napaurong ang hukbong dayuhan” (tal. 33-34). Maliwanag na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay ipinakikita sa pagkilos.
Ang pananampalataya ang saligang bato ng Kristyanismo. Kung walang pagpapakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos tayo ay walang lugar sa Kanya. Nananalig tayo na may Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Karamihan sa mga tao ay may hindi malinaw at magkakasalungat na kaisipan kung sino ang Diyos ngunit nagkukulang ng karampatang paggalang sa Kanyang kalagayan sa kanilang mga buhay. Ang mga taong ito ay nagkukulang ng tunay na pananampalataya na kailangan upang magkaroon ng walang hanggang kaugnayan sa Diyos na nagmamahal sa kanila. Dahil ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos, na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak, may inilalaan Siyang mga panahon ng pagsubok at pagsusuri upang patunayan na ang ating pananampalataya ay totoo at upang hasain at patibayin ito. Ito ang dahilan kaya sinabi ni Santiago na “magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok , sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang” (Santiago 1:2-4).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananampalataya?