settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating paguugali?

Sagot


Sumulat mula sa isang kulungan sa Roma, isinulat ni Pablo kung ano ang pauugali na dapat taglayin ng mga Kristiyano: Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo" (Filipos 1:27). Sinabi ito ni Pablo habang hindi siya nakatitiyak na makakabisita sa Filipos. Binilinan sila ni Pablo na, "makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita" (Filipos 1:27). Anumang hindi inaasahang pangyayari, kabiguan o kahirapan ang ating maranasan, dapat tayong tumugon na taglay ang paguugaling gaya ng kay Kristo. Dapat tayong matibay na manindigan at makibaka para sa ating pananampalataya. Isinulat muli ni Pablo, "Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus" (Filipos 2:5). Tinatalakay niya ang pagpapakita ng pagpapakumbaba at hindi pagiging makasarili sa mga karelasyon. Hinihimok din niya tayo sa Efeso 5:1, na "Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya." Gaya ng mga anak na iniibig na gayahin ang kanilang nakikita at ulitin ang kanilang naririnig; inutusan din tayo na tularan ang modelo ng paguugali na ipinakita ni Kristo at maging mga maliwanag na repleksyon ng Panginoon (Mateo 5:16).

Pinanatili ni Jesus ang perpektong paguugali sa bawat sitwasyon. Nanalangin Siya para sa lahat ng bagay at hindi nabalisa para sa anumang bagay. Tayo din naman ay dapat na hanapin ang gabay ng Diuos sa bawat aspeto ng ating mga buhay at asahan natin Siya na isakatuparan ang Kanyang perpektong plano para sa atin. Hindi kailanman pinanghinaan ng loob si Jesus o ipinagtanggol man ang Kanyang sarili. Ang Kanyang layunin ay bigyang kasiyahan ang Ama sa halip na gawin ang Kanyang sariling nais (Juan 6:38). Sa gitna na mga pagsubok, Siya ay naging matiyaga. Sa gitna ng mga pagdurusa, Siya ay puno ng pag-asa. Sa gitna ng mga pagpapala, Siya ay mapagpakumbaba. Kahit na sa gitna ng panlalait, pangaabuso, at paglaban ng tao, "hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol" (1 Pedro 2:23).

Nang isulat ni Pablo na ang ating paguugali ay "dapat na maging tulad ng kay Cristo Jesus," binuod niya sa dalawang nakaraang talata kung ano ang paguugaling iyon: pagpapaubaya, pagpapakumpaba at paglilingkod: "Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili" (Filipos 2:3-4). Sa ibang salita, dapat na nasasalamin sa paguugali ng isang Kristiyano ang pagtutuon ng pansin sa mga pangangailangan at interes ng iba. Walang duda na hindi ito nararanasan natin ng natural. Nang dumating si Jesus sa mundo, itinatag niya ang isang bagong paguugali sa ating pakikipagrelasyon sa iba. Isang araw, ng nagtatatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila sa Kanyang kaharian, sinabi ni Jesus, "Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami" (Mateo 20:25-28). Itinuturo sa atin ni Jesus na kung abala tayo para sa ating mga pansariling kapakanan, nagiging dahilan iyon ng mga sigalot at iba pang problema sa ating mga kakilala. Sa halip, nais ng Diyos na magkaroon tayo ng paguugali na seryosong nagmamalasakit sa kapakanan ng ibang tao.

Marami pang binanggit si Pablo tungkol sa paguugaling gaya ng kay Kristo sa kanyang sulat sa mga taga Efeso: "Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan" (Efeso 4:22-24). Maraming relihiyon sa kasalukuyan, kabilang ang mga pilosopiya ng New Age ang nagsusulong ng lumang kasinungalingan na tayo ay mga diyos o maaaring mga diyos. Ngunit ang katotohanan ay hindi tayo kailanman magiging mga diyos, o magiging si

isang diyus-diyusan. Ang lumang kasinungalingan ni Satanas ay ang pangako kina Adan at Eba, na kung susundin nila ang kanyang payo, sila ay "magiging mga diyos" (Genesis 3:5).

Sa tuwing sinisikap nating baguhin ang mga pangyayari, ang ating hinaharap, at ang mga tao sa ating paligid, ipinapakita lamang natin na gusto nating maging mga diyos. Ngunit dapat nating maunawaan na, bilang mga nilikha, hindi tayo kailanman magiging mga Manlilikha. Hindi nais ng Diyos na tayo ay maging mga diyos. Sa halip, nais Niya na maging gaya tayo Niya sa Kanyang mga pagpapahalaga, saloobin at karakter. Tayo ay itinalaga, para iwan na ang dating pamumuhay, "hubarin ang ating dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa at isuot ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan" (Efeso 4:23-24).

Panghuli, dapat nating laging tandaan na ang pinakalayunin sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga anak ay hindi ang ating kaginhawahan, kundi ang pagbabago ng ating mga pagiisip para maging mga banal. Nais Niyang lumago tayo sa espiritwal, na maging kagaya ni Kristo. Hindi ito nangangahulugan na mawawala na ang ating mga personalidad o magiging tulad tayo sa walang isip na mga "clones." Ang pagiging gaya ni Kristo ay pagbabago ng ating mga pagiisip. Muli, sinasabi sa atin ni Pablo, "Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos" (Roma 12:2).

Kalooban ng Diyos na magkaroon tayo ng uri ng pagiisip na binanggit sa sermon ni Jesus tungkol sa "Ang Mapalad" (Mateo 5:1-12), at dapat na nakikita sa atin ang bunga ng Espiritu (Galacia 5:22-23), na ginagaya ang mga prinsipyo ni Pablo sa "pag-ibig" sa ika-labintatlong kabanata ng Corinto (1 Corinto 13), at nagsisikap na hubugin ang ating mga buhay para magkaroon ng mga katangiang inilahad ni Pedro na isang buhay na mabunga at epektibo (2 Pedro 1:5-8).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating paguugali?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries