settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa popularidad / sa pagnanais na maging sikat?

Sagot


Lahat tayo ay naghahangad na matanggap ng ibang tao. Ang mga sanggol ay natututong makihalubilo sa pamamagitan ng pagbasa sa mga ikinikilos ng mga taong nais nilang pasayahin at sa pag-ayon nila ng kanilang sariling pag-uugali sa mga nasa paligid. Subalit, kung pinapahalagahan lamang natin ang ating mga sarili ng naaayon sa palagay o paniniwala ng ibang tao, tumatahak tayo sa maling landas. Ang kuro-kuro ng tao ay madalas nagbabago at kung naglalaan tayo ng labis-labis na pagpapahalaga sa mga ito, inilalagay lang natin ang ating mga sarili sa patuloy na kabiguan. Kung patuloy nating hinahangad ang kasikatan upang makamtan ang kaligayahan, tayo ay nahihikayat na sa maling pagsamba. Kung nasusumpungan lamang natin ang ating tunay na kahalagahan sa mga bagay o tao maliban sa Panginoon, gumagawa tayo ng mga diyus-diyosan. Ang diyus-diyosan ay anumang bagay o tao na gingamit natin para katagpuin ang ating mga tunay na pangangailangan na tanging ang Diyos lamang ang makakapagbigay.

Ang paghahangad na maging popular ay higit pa sa pagnanais na isipin ng iba ang ating mabubuting katangian— dapat nating hangarin na magkaroon ng magandang patotoo sa mundo (Filipos 2:15). Ang pagtutuon ng pansin sa popularidad ay isang obsesyon para sa sarili. Ang sobrang paghahangad sa popularidad ay sangkap ng "kayabangan sa buhay" na binanggit sa 1 Juan 2:16. Masarap sa pakiramdam ang isipin na tayo ay sikat, at may pagkahilig tayo sa ganitong pakiramdam sa halip na maging tapat sa sarili patungkol sa ating mga kahinaan. Ito ang nagbubunsod sa atin sa pagmamataas. Pinalolobo ng kayabangan ang ating pananaw sa ating sariling halaga at binubulag tayo para hindi makita ang ating mga kasalanan at mga pagkakamali (Kawikaan 16:18; Roma 12:3).

Isang mailap na Diyos ang katanyagan na pilit hinahabol ng karamihan para sa sarili nilang pagkawasak. Sa kasalukuyan, marami ang nakakaalam tungkol sa malungkot na pagpanaw ni Haring Herodes sa harap ng publiko (Gawa12:19–23). Laging tinatanggap ang mga huwad na guro ng mga taong may "makakating tainga" (2 Timoteo 4:3).

Ang isang malungkot na halimbawa ng pagpili sa popularidad kaysa sa Diyos ay makikita sa Juan 12:42–43: "Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos." Ang bawat isang nagnanais na maging popular ay mamimili sa pagitan ng pagsang-ayon ng iba at ng pagsang-ayon ng Diyos. Laging sumasalungat ang plano ng mundo sa atin sa plano sa atin ng Diyos (1 Juan 2:15). Para maging sikat, dapat nating piliin ang mundo. Ngunit kung pipiliin natin ang mundo, nangangahulugan iyon na hindi ang Panginoong Jesus ang Panginoon ng ating mga buhay (Lukas 9:23).

Sinasabi sa Galacia 1:10, "Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo." Ayon sa talatang ito, hindi natin mabibigyang kasiyahan ng sabay ang Diyos at ang sanlibutan. Ang paghahangad ng popularidad ay nag-ugat sa ating likas na makasalanang kalikasan. Kung hinahayaan natin ito, namumuhay tayo "ayon sa laman" (Roma 8:5, 12). Kahit na ang mga lider ng Kristiyanismo ay maaaring bumagsak sa ganitong mapanuksong pagnanasa. Ang mga mangangaral at tagapagturong Kristiyano na nalalasing sa popularidad ay nasa panganib. Kung hindi maaagapan, ang paghahangad na maging popular ay maaaring magtulak sa kanila para bigyang kasiyahan ang mga tao, magturo ng kasinungalingan (2 Pedro 2:1), at isagawa ang kanilang ministeryo sa paraang nagbibigay kasiyahan sa makalamang pagnanasa ng nakararaming tao (2 Timoteo 4:3) sa halip na manatiling tapat at totoo sa "lahat ng katotohanan ng Diyos" (Gawa 20:27).

Si Jesus ang ating modelo. Lumaki Siya na kinagigiliwan ng Diyos at ng tao (Lukas 2:52). Ngunit walang nangyayaring paligsahan sa kanyang isip kung sino ang Kanyang pipiliin at pinatunayan Niya ito ng paulit-ulit (Juan 8:29; Markos 1:11). Hindi Niya hinayaan na pansamantalang maimpluwensyahan ng popularidad o hadlangan nito ang Kanyang layunin (Juan 6:15). Hindi Siya natakot o nahiya na ipangaral ang masasakit na katotohanan, kahit na nangahulugan iyon ng pagtanggi ng mga tao (Juan 6:66), ng mga pagbabanta (Juan 11:53–54), at sa huli, maging ng kamatayan (Juan 19:16).

Binigyan tayo ni Jesus ng perpektong halimbawa kung paano tayo dapat makipag-ugnayan sa iba. Hindi tayo naririto para gumawa ng pangalan para sa ating sarili. Narito tayo para sa gawaing nagmula sa ating Ama sa langit (Gawa 1:8; Mateo 28:19). Maaari tayong mahalin ng mga tao, o maaari din nila tayong kamuhian, ngunit ang pagtatalaga natin sa pagganap ng ating layuning mula sa Dios ay hindi dapat na magmaliw kailanman (Hebreo 12:1–3). Noong piliin nating paniwalaan ang Diyos para tukuyin ang ating halaga sa halip na ang ibang tao, pinalaya natin ang ating mga sarili para sundin ang lahat-lahat na itinalaga ni Jesus na ating gagawin. Alam niyang magiging mahirap ito, ngunit binigyan niya tayo ng pinakamahusay na payo ng Kanyang sabihin, "Pinagpala ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan] nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo" (Mateo 5:11–12).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa popularidad / sa pagnanais na maging sikat?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries