settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa rape/panggagahasa?

Sagot


Tinatalakay sa Bibliya ang isyu ng rape/panggagahasa. Gaya ng inaasahan, sa tuwing binabanggit ng Bibliya ang isyu ng rape/panggagahasa, inilalarawan ito na tahasang paglabag sa disenyo ng Diyos sa pagtrato sa katawan ng tao (Genesis 34). Kinokondena ng Bibliya ang rape/panggagahasa saanman ito binabanggit. Halimbawa, may isang partikular na sitas sa Kautusan na ibinigay ang Diyos sa bansang Israel bago sila pumasok sa Lupang Pangako sa ilalim ng pangunguna ni Josue. Direktang kinokondena sa talatang ito (Deuteronomio 22:13–29) ang pagpwersa sa isang babae na makipagtalik sa isang lalaki ng laban sa kanyang kalooban, o ang tinatawag natin ngayon na rape/panggagahasa. Ang utos na ito ay ginawa para protektahan ang mga babae at para protektahan ang bansang Israel sa pagkakasala.

Partikular na tinatalakay sa Deuteronomio 22:25–27 ang parusa ng Kautusan ni Moises para sa isang lalaki na nanggahasa ng isang babae na nakatalaga na para sa kanyang kasintahan. Dapat na batuhin hanggang mamatay ang lalaki habang ang babae naman ay ituturing na walang sala. Bagama't ang kautusan ni Moises ay para sa bansang Israel sa panahon ni Moises, malinaw ang prinsipyo na ang rape/panggagahasa ay kasalanan sa mata ng Diyos at sa ilalim ng Kautusan, nagreresulta ito sa pinakamataas na parusa—kamatayan para sa rapist/gumahasa.

May ilang mga talata sa Lumang Tipan patungkol sa isyung ito na mahirap ipaliwanag. Ang isa ay ang Deuteronomio 22:28–29, "Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay ginahasa ng isang lalaki at nahuli ang lalaking iyon, bibigyan niya ng limampung pirasong pilak ang ama ng babae, at pakakasalan niya ang babae. Dahil sinira niya ang puri nito, hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki ang babae." Kung hindi pa nakatakdang pakasal ang biktima ng rape/panggagahasa, iba ang nakatakdang parusa para sa rapist.

Dapat nating unawain ang Deuteronomio 22:28–29 sa lente ng sinaunang kultura. Nang mga panahong iyon, mababa ang pagtingin ng kultura sa mga babae. Hindi sila maaaring magkaroon ng sariling pagaari. Hindi sila maaaring magtrabaho para buhayin ang kanilang sarili. Kung walang ama, asawa, o anak ang isang babae, walang batas na nagpoprotekta sa kanyang karapatan. Ang tangi niyang pagpipilian ay magpaalipin o magbenta ng panandaliang aliw. Kung hindi na birhen ang isang babaeng wala pang asawa, napakahirap para sa kanya na makapag-asawa. Kung hindi siya makakapag-asawa, walang pakinabang sa kanya ang kanyang ama.

Ang parusa ng Diyos sa rapist ng isang birhen—na bayad na salapi at habambuhay na responsibilidad— ay idinisenyo para maiwasan ang panggagahasa sa mga babae. Sinira ng lalaki ang kanyang buhay; kaya't responsibilidad niya na suportahan siya habambuhay. Maaaring hindi ito patas sa pananaw ng mambabasa sa panahong ito, ngunit hindi tayo nabubuhay sa parehong kultura kung kailan sila nabuhay. Sa 2 Samuel 13, ginahasa ni prinsipe Ammon ang kanyang kapatid sa ama na si Tamar. Ang kahihiyan at takot na dulot ng kasalanan ni Ammon sa kanya bilang isang birhen ang nagtulak kay Tamar para magmakaawa kay Ammon na pakasalan siya (ng kanyang kapatid sa ama!), kahit na tanggihan siya nito pagkatapos. Dahil dito, pinatay ng kanyang tunay na kapatid na si Absalom si Ammon. Ganito pinahahalagahan ang pagiging birhen ng isang babae noong panahong iyon.

Ginagamit din ng mga kritiko ng Bibliya ang Mga Bilang 31 (at kaparehong mga talata) kung saan pinahihintulutan ang mga Israelita na kumuha ng mga bihag na babae mula sa mga bansa na kanilang nasasakop. Sinasabi ng mga kritiko na ito ay isang halimbawa ng pagkunsinti o pagsusulong ng Bibliya sa rape o panggagahasa. Gayunman, walang sinasabi ang mga talata tungkol sa panggagahasa sa mga bihag na babae. Maling ipagpalagay na gagahasain ng mga lalaking Israelita ang mga babaeng bihag. Inutusan ng Diyos ang mga sundalo na magpakalinis sa sarili pati ang mga bihag (t. 19). Susuwayin ng rape/panggagahasa ang utos na ito (tingnan ang Levitico 15:16–18). Hindi kailanman tinukoy ang mga bihag na babae bilang puntirya ng panggagahasa o mga babaeng mababa ang uri. Naging asawa ba ng mga babaeng bihag na ito ang mga Israelita? Oo. May indikasyon ba na sila ay ni-rape o ginawang alipin para gahasin? Hindi.

Sa Bagong Tipan, hindi direktang binabanggit ang rape/panggagahasa, ngunit sa kultura ng mga Hudyo ng panahong iyon, tiyak na itinuturing ang panggagahasa bilang isang sekswal na imoralidad. Nagturo si Jesus at ang mga alagad laban sa sekwal na imoralidad, at sinabing maaari itong maging karapatdapat na basehan sa paghihiwalay ng magasawa (Mateo 5:32).

Sa karagdagan, malinaw ang Bagong Tipan na dapat na sundin ng mga Kristiyano ang mga batas ng mga namumuno (Roma 13). Hindi lamang kasalanan o imoral ang panggagahasa; labag din ito sa mga batas ng nakararaming mga bansa. Dahil dito, ang sinuman na nakagawa ng krimeng ito ay magdadanas ng parusa, kabilang ang pagaresto at pagkakabilanggo o parusang kamatayan.

Sa mga biktima ng rape, dapat tayong mahabag at magmalasakit sa kanila. Laging binabanggit sa Bibliya ang pagtulong sa mga nangangailangan at sa mga nasa mahirap na kalagayan. Dapat na maging modelo ang mga Kristiyano ng pag-ibig at kahabagan ni Cristo sa pamamagitan ng pagtulong sa mga biktima ng panggagasaha sa anumang kaparaanan.

Responsable ang lahat para sa kasalanang kanilang nagagawa, kasama ang panggagahasa. Gayunman, walang sinuman ang hindi kayang abutin ng biyaya ng Diyos. Kahit sa mga nakagawa ng napakalaking kasalanan, maaaring ipagkaloob ng Diyos ang Kanyang kapatawaran kung magsisisi sila at tatalikod sa kanilang masasamang gawa (1 Juan 1:9). Hindi nito inaalis ang pasura ayon sa hinihingi ng batas, ngunit nagaalok ito ng pag-asa at daan para sa isang bagong buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa rape/panggagahasa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries