Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sakit?
Sagot
Ang salitang “sakit” at ibang anyo nito ay lumabas sa Bibliya ng mahigit sa 70 beses. Inilarawan sa unang pagbanggit sa salitang ito ang pinagmulan ng sakit ng panganganak: “Sa babae nama'y ito ang sinabi: "Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin, at sa panganganak sakit ay titiisin; ang asawang lalaki'y iyong nanasain,pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin’” (Genesis 3:16). Ang konteksto ng talatang ito ay pagkatapos ng pagkakasala ni Eba at ang sakit ng panganganak bilang isa sa mga konsekwensya ng kasalanan. Dahil sa kasalanan, sinumpa ang buong sangnilikha at pumasok ang kamatayan sa sanlibutan (Roma 5:12). Kaya nga ang sakit ay isa sa maraming resulta ng orihinal na kasalanan.
Habang hindi partikular na tinukoy sa Bibliya, alam natin sa lenguwahe ng medisina na ang sakit ay isang regalo. Kung wala ang pakiramdam ng sakit, hindi natin malalaman na nangangailangan tayo ng atensyong medikal. Sa katototohanan, ang kawalan ng pakiramdam ng sakit ang isa sa mga problema ng sakit na ketong. Kung walang pakiramdam ng sakit, hindi malalaman ng mga bata na ang paghipo ng mainit na kalan ay isang masamang ideya. Hindi tayo maaalerto sa isang mapanganib na medikal na kundisyon kung walang pakiramdam ng sakit na kasama nito. Sa espiritwal na aspeto, ipinahayag ni Santiago ang isa sa mga benepisyo ng sakit: “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok” (Santiago 1:2-3). Ayon kay Santiago, kung nagtitiis tayo ng masasakit na pagsubok, maaari tayong magalak dahil nalalaman natin na ang Diyos ang gumagawa sa atin upang matuto tayong magtiyaga at upang magkaroon tayo ng mga katangiang kagaya ni Kristo. Ito ay mailalapat sa pakiramdam ng sakit sa isipan, emosyon , at espiritwal maging sa pisikal.
Nagbibigay din ang sakit ng pagkakataon na maranasan ang biyaya ng Diyos. Pansinin natin ang sinabi ni Pablo: “Ganito ang kanyang sagot, "Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina." Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo” (2 Corinto 12:9). Binabanggit ni Pablo sa mga talatang ito ang kanyang “tinik sa laman” na nagpapahirap sa kanya. Hindi natin tiyak kung ano ang tinik na ito ngunit makikitang nasasaktan si Pablo dahil dito. Kinilala niya na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang biyaya upang makayanan niya ang sakit na ito. Bibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng biyaya upang mapagtagumpayan ang mga sakit.
Ngunit ang tunay na Mabuting Balita ay namatay si Hesus upang pagdusahan ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan: “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. (1 Pedro 3:18). Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus, bibigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ng lahat ng pagpapalang kaakibat nito. Ang isa ay “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag- tangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay” (Pahayag 21:4). Ang mga sakit na normal na nararanasan ng makasalanan at sinumpang mundong ito ay lilipas para sa mga taong gugugulin ang walang hanggan sa langit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo.
Sa pagbubuod, bagamat hindi kanais nais ang karanasan ng sakit para sa atin, dapat tayong magpasalamat sa Diyos dahil ito ay isang kasangkapan upang maalerto tayo sa mga masamang nangyayari sa ating katawan. Gayundin naman, ito ang kasangkapan ng Diyos upang maunawan natin ang masaklap na konsekwensya ng kasalanan at dapat tayong lubos na magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay Niya ng probisyon para sa ating kaligtasan. Kung nakakaranas ng sakit ang isang tao, ito ay isang magandang pagkakataon upang maunawaan ang pagtitiis ni Hesus ng sobrang sakit sa emosyon at pisikal para sa atin. Walang anumang sakit ang katumbas ng nakakapanghilakbot na sakit ng pagpapapako kay Hesus sa Krus at sa sakit na Kanyang kusang tiniis upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at upang luwalhatiin ang Kanyang Ama sa langit.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sakit?