Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa stress?
Sagot
Ang pakahulugan ng diksyunaryo sa salitang stress ay "pisikal, mental, o emosyonal na tensyon." Ang ilang uri ng stress ay kinakailangan at mabuti — gaya ng pisikal na pwersa na inilalagay natin sa ating mga masel para ito mas lalong palakasin. Ngunit kung pinaguusapan ang stress, lagi itong tumutukoy sa sobra o negatibong tensyon o pwersa na negatibong nakakaapekto sa ating isip at emosyon. Habang hindi partikukar na tinatalakay sa Bibliya ang stress, may sinasabi naman ang Bibliya tungkol dito gaya ng pagkabalisa, pagaalala, at kaguluhan — mga bagay na lagi nating iniuugnay sa stress —at nagbibigay sa atin ng malinaw na sagot kung paano natin sila haharapin.
Ang lahat ng tao ay dumaranas ng stress sa ilang bahagi ng kanilang buhay. Kung paano natin hinaharap ang mga ito ay nakadepende sa kung sino tayo. Para sa iba, ang stress sa isip ay nagreresulta sa karamdamang pisikal. Ang iba naman ay maaaring mas maging produktibo. Sa isang banda, may mga tao namang ganap na nawawalan ng pag-asa at hindi na gumagana ang isip at emosyon kung nakakaranas ng stress. At siyempre, may iba pang reaksyon ang ibang tao. Ang stress ay isang pangkaraniwang karanasan ng tao, partikukar sa isang mundo kung saan walang tigil ang paggawa at paghingi ng atensyon at panahon. Maaaring maapektuhan tayo ng ating trabaho, kalusugan, pamilya, kaibigan, at maging ng mga gawain sa ministeryo. Ang pinakamabisang solusyon sa stress ay isuko ang ating buhay sa Diyos at hanapin ang Kanyang karunungan patungkol sa kung ano ang dapat nating unahin gayundin ang pagtitiwala sa lakas na kaloob Niya sa atin upang gampanan ang mga gawain na ipinagagawa Niya sa atin. Lagi Siyang nagbibigay ng kasapatan upang hindi tayo matalo ng stress.
Ang pinakapangkaraniwang dahilan ng stress ay problemang pinansyal. Kadalasang naii-stress tayo dahil sa kakulangan ng pera. Nagaalala tayo sa ating mga buwanang bayarin, lalo na ang nabubuhay ng "isang kahig isang tuka." O nilalamon na tayo ng materyalismo at dahil dito, nababahala tayo sa pagpapanatili ng istilo ng ating pamumuhay. May ilan naman na naii-stress sa kanilang pinansyal dahil hindi sila nagtitiwala na ipagkakaloob ng Diyos ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Ngunit sinabi ni Jesus, "Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?" (Mateo 6:25; 27). Tunay na tinawag tayo ng Diyos upang maging mabubuting katiwala ng salapi at magbigay ng pangangailangan ng ating pamilya (1 Timoteo 5:8), ngunit huwag nating kalilimutan na ang Diyos ang ating tagapagkaloob. Kung tayo ay sa Kanya, hindi tayo dapat matakot dahil hindi Niya tayo iiwan o pababayaan. Sa isang banda, may mga taong ang dahilan ng stress sa pinansyal ay dahilan sa pagiging gahaman sa salapi sa halip na dahil sa totoong pangangailangan. Ang materyalismo ay tiyak na magbubunga sa stress dahil hinahangad ng tao ang mga bagay sa mundong ito at bumabagsak sa "pandaraya ng kayamanan" (Markos 4:19), ang kasinungalingan na ang mga materyal na bagay ay makakapagalis ng stress at magbibigay ng kasiyahan, kakuntentuhan, at kagalakan.
Maaari tayong ma-stress sa tuwing humaharap sa mga pagsubok o mga problema. Ipinapayo sa Santiago 1:2–4, "Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso; Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis. At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan." Sa tuwing humaharap tayo sa kahirapan, maaaring tayong matalo ng stress o maaari natin itong ituring na isang kasangkapan ng Diyos para palakasin ang ating pananampalataya at hubugin ang ating karakter (Roma 5:3–5; 8:28–29). Kung itutuon natin ang ating pansin sa Diyos, makakatagpo tayo ng kaaliwan sa ating mga kalumbayan at ng lakas upang makatagal (2 Corinto 1:3–4; 12:9–10).
Anumang uri ng stress ang kinakaharap natin sa ating mga buhay, ang umpisa sa pagharap sa mga ito ay ang pananalig sa ating Panginoong Jesu Cristo. Nagaalok si Jesus ng dakilang kaaliwan sa Juan 14:1: "Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin." Lubhang kailangan natin Siya sa ating mga buhay dahil Siya lamang ang makakapagbigay sa atin ng lakas para humarap sa mga problema. Ang paniniwala sa Kanya ay hindi nangangahulugang hindi na tayo makakaranas ng problema sa buhay, o hindi na tayo makakaranas ng stress. Simpleng nangangahulugan lang ito na ang isang buhay na walang Jesus ay isang buhay na laging ipinamumuhay sa stress.
Ang pananampalataya ay nagreresulta sa pagtitiwala. Sinasabi sa atin sa Kawikaan 3:5-6, "Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas." Ang pagtitiwala sa ating "sariling kaunawaan" ay laging nangangahulugan ng paggamit ng pamamaraan ng mundo sa paglutas sa stress —mga panlunas na gaya ng alak, o ipinagbabawal na gamot o walang saysay na panoorin. Sa halip na sa mga bagay na ito, dapat tayong magtiwala sa ating pinakamataas na gabay para makayang labanan ang stress. Sinabi ni David, "Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga kinakatakutan" (Awit 34:4). Alam ni David na sa paghahanap sa Panginoon at pagsasabi ng Kanyang mga problema sa Kanya, maaari siyang makatagpo ng pabor at kaaliwan. Sa huli, sinagot at inaliw siya ng Diyos.
Maaaring wala ng ibang talata sa Kasulatan ang mas malinaw na naglalarawan kung paano haharapin ang stress ng gaya sa Filipos 4:6-7: "Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus." Sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus na huwag tayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip, sabihin natin ang lahat sa Kanya sa panalangin. Ang pagdalangin para sa ating mga kabigatan at kahilingan sa isang banal at makatarungang Diyos sa araw araw ay makakabawas o makakapagalis ng stress sa ating pangaraw-araw na buhay. Sinasabi sa Awit 55:22, "Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako: ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing" (tingnan din ang 1 Pedro 5:6–7). Nagaalok si Jesu Cristo ng kapayapaan kung ilalapit natin sa Kanya ang ating mga kabalisahan at kahilingan. "Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man" (Juan 14:27).
Ang lahat ng uri ng stress ay normal na bahagi ng buhay ng tao (Job 5:7, 14:1; 1 Pedro 4:12; 1 Corinto 10:13). Ngunit nasa atin kung paano ang mga iyon haharapin. Kung pipiliin nating harapin ang mga iyon sa ating sarili, hindi tayo makakatagpo ng pangmatagalang ginhawa. Ang tamang paraan para lagi at matagumpay nating maharap ang stress ay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu Cristo. Una, dapat tayong sumampalataya sa Kanya. Ikalawa, dapat natin Siyang pagtiwalaan at sundin. Dapat natin Siyang pagtiwalaan na gagawin Niya ang pinakamabuti dahil laging para sa ating ikabubuti ang Kanyang ginagawa. Ang pagsuway at kasalanan ay maaaring maging dahilan ng stress at pagkahiwalay sa tanging pinanggagalingan ng kapayapaan at kagalakan. Sa pagsunod sa Kanyang mga utos, aani tayo ng pagpapala ng kakuntentuhan mula sa ating mapagmahal na Diyos. Panghuli, dapat nating hanapin ang Kanyang kapayapaan araw araw sa pamamagitan ng pagpuno sa ating isipan ng Kanyang mga salita, sa pagsasabi sa Kanya ng ating mga pangangailangan sa panalangin, at pagsamba at pagpupuri sa Kanya. Sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya, habag at pag-ibig, maaari nating mapagtagumpayan ang stress.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa stress?