settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panunuhol/pagbibigay o pagtanggap ng suhol?

Sagot


Ang suhol ay pera, pabor, o ibang pang kunsiderasyon na ibinibigay kapalit ng impluwensya laban sa totoo, tama at makatuwiran. Malinaw ang sinasabi ng Bibliya na ang pagbibigay o pagtanggap ng suhol ay kasalanan.

Ipinagbabawal ang pagbibigay/pagtanggap ng suhol sa Kautusan ng Diyos na Kanyang ibinigay kay Moises para sa bansang Israel, "Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala" (Exodo 23:8). Inulit ang parehong pamantayan sa Deuteronomio 16:19: "Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid." Ang mga negatibong epekto ng pagtanggap ng suhol ay malinaw na itinala sa dalawang talatang ito. Pinipilipit ng panunuhol ang hustisya. Ito ay isang nakakabulag na impluwensya sa karunungan at pagkilala sa mabuti at masama. Nilalambungan nito ang katotohanan at pinipilipit ang mga salita ng mga taong dapat sana ay matuwid sa paningin ng Diyos.

Inilarawan sa Kautusan ang kaso ng panunuhol na kinasasangkutan ng pagpatay sa isang inosenteng tao. Ang isang hukom na tumatanggap ng suhol para hatulan ng kamatayan ang isang inosente ay gaya sa isang upahang mamamatay tao—dapat siyang "sumpain" (Deuteronomio 27:25). May mga insidente kung kailan hindi sinunod ang batas na ito laban sa panunuhol ang nagbunga sa mapaminsalang epekto. Ang dalawang tumestigo laban kay Nabot (1 Hari 21:4–16) at ang mga tumestigo laban kay Esteban (Gawa 6:8–14) ay maaring sinuhulan; sa parehong kaso, isang inosenteng tao ang napatay. Kung tumatanggap o nagbibigay ng suhol ang matataas na opisyal, nagiging sanhi ito ng kasamaan sa sosyedad. "Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan, ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman" (Kawikaan 29:4). Ang panunuhol ay katangian ng isang tiwaling sosyedad.

Nanghula si Isaias laban sa kasamaan ng Israel ng tumalikod sila sa nagiisang tunay na Diyos at sa Kanyang mga Kautusan. Inihalintulad ni Isaias ang siyudad ng Jerusalem sa isang taksil na upahang babae; ang siyudad na dating puno ng hustisya, ngunit naging isang lugar ng rebelyon, pagpatay, at pagnanakaw. Ang kanyang mga pinuno ay umiibig sa suhol at naghahabol sa salapi pagkatapos na mabili ng suhol (Isaias 1:2–23). Hindi dapat tumahak sa landas ng kasamaan ang mga Israelita sa halip dapat nilang tularan ang Diyos sa kanilang pakikisama sa bawat isa: "Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan" (Deuteronomio 10:17).

Ang pinakamasamang halimbawa ng panunuhol sa Bibliya ay ang tatlumpung salaping pilak na tinanggap ni Judas para ipagkanulo si Jesus. Ang direktang resulta ng pagtataksil ni Judas ay ang pagaresto at pagpapako kay Kristo sa krus. Sa huli, naunawaan maging ni Judas mismo na masama ang kanyang pagtanggap ng suhol. Ngunit ng subukin niyang ibalik ang salapi sa mga punong saserdote at matatanda ng Israel, tinanggihan nila iyon at tinawag na— "bayad sa buhay ng isang tao o "blood money" (Mateo 27:3–9).

Sinuhulan si Delilah para linlangin si Samson (Hukom 16:5). Hindi iginalang ng mga tao ang mga anak ni Samuel dahil sa pagtanggap ng suhol (1 Samuel 8:3). Sinuhulan ng buktot na si Haman si Haring Asuero sa pagtatangkang lupilin ang mga Hudyo (Ester 3:9). Pinabayaan ni Felix si Pablo sa kulungan sa pag-asa na makakatanggap ng suhol mula dito (Gawa 24:26). Sinuhulan ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan ang mga sundalo na nagbabantay sa libingan ni Jesus para magsinungaling sa totoong dahilan ng pagkawala ng katawan ni Jesus (Mateo 28:12–15). Sa bawat kaso, ang mga tumatanggap ng suhol ay walang pagmamalasakit sa katotohanan o hustisya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panunuhol/pagbibigay o pagtanggap ng suhol?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries