settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtupad sa iyong sumpa?

Sagot


May humigit kumulang sa 30 beses na binanggit ang salitang “sumpa” sa Bibliya, ang karamihan ay matatagpuan sa Lumang Tipan. Tinukoy sa mga aklat ng Levitico at mga Bilang ang sumpa sa konteksto ng paghahandog at mga kaloob. May mga mahigpit na parusa para sa mga Israelita na hindi tumutupad sa kanilang sumpa, lalo na sa kanilang sumpa sa Diyos.

Inilalarawan sa kuwento ni Jefte ang kahangalan ng paggawa ng sumpa ng hindi nauunawaan ang konsekwensya. Bago pangunahan ang mga Israelita sa pakikidigma laban sa mga Amonita, inilarawan si Jefte bilang isang magiting na lalaki – na gumawa ng sumpa na ihahandog niya sa Panginoon ang sinuman na unang sasalubong sa kanya sa daan pagkatapos niyang umuwi galing sa digmaan. Nang ibigay sa kanya ng Panginoon ang tagumpay, ang unang lumabas upang siya’y salubungin ay ang kanyang anak na babae. Naalala ni Jefte ang kanyang sumpa at inihandog niya ang kanyang anak na babae sa Panginoon (Hukom 11:29-40). Kung tama o mali ang pagtupad ni Jefte sa kanyang sumpa ay tinalakay sa isa naming artikulo. Ang ipinakikita sa artikulong ito ay ang kahangalan ng paggawa ng hindi pinag-isipang sumpa.

Maaaring ito ang dahilan kung bakit ibinigay ng Panginoong Hesus ang bagong utos tungkol sa panunumpa. “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang langit,' sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y, 'Saksi ko ang lupa,' sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang Jerusalem,' sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Sabihin mo na lang na 'Oo' kung oo at 'Hindi' kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama” (Mateo 5:33-37).

Malinaw ang prinsipyong makikita sa mga pananalitang ito ng Panginoong nHesu Kristo para sa mga Kristiyano: hindi tayo dapat manumpa sa Panginoon o sa isa’t isa. Una, hindi natin tiyak kung kaya nating tuparin ang ating sumpa. Ang katotohanan na may inklinasyon tayo sa tuwina na magkamali ay bahagi ng ating makasalanang kalikasan at nangangahulugan na kadalasang nakakagawa tayo ng sumpa dahil sa ating kamangmangan o dahil sa kaliitan ng ating pananampalataya. Sa karagdagan, hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas (Santiago 4:14), kaya ang pagsumpa na gagawin natin ang isang bagay ay isang kahangalan. Ang Diyos ang may kontrol, hindi tayo at “sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28). Dahil sa kaalamang ito, makikita natin na hindi kinakailangan na gumawa tayo ng sumpa na nagpapahiwatig ng ating kawalan ng pagtitiwala sa Diyos. Panghuli, iniutos ni Hesus na sapat ng sabihin natin na Oo kung Oo at hindi kung hindi. Sa tuwing sasabihin natin ang “oo,” o “hindi,” iyon lang talaga ang ating nais sabihin. Ang pagdadagdag ng sumpa o panata sa ating mga salita ay nagbubukas sa atin sa impluwensya ni Satanas na naghahangad na siluin tayo sa kanyang bitag upang ikompromiso ang ating patotoo bilang mga Kristiyano.

Kung nakagawa tayo ng sumpa dahil sa ating pagkabigla at kawalang malay, at natanto natin na hindi natin iyon kayang tuparin, dapat tayong humingi ng tawad sa Diyos. Alam natin na patatawarin Niya tayo sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating mga kalikuan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.” Ang nasirang sumpa ay isang seryosong kasalanan, ngunit isang kasalanang mapapatawad ng Diyos kung ipagtatapat natin sa Kanya. Hindi tayo papapanagutin ng Diyos sa isang sumpang walang pagiingat nating binitiwan, ngunit inaasahan Niya na susundin natin ang utos ni Hesus at titigil na tayo sa paggawa ng mga sumpa sa hinaharap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagtupad sa iyong sumpa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries