Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa swerte?
Sagot
Ang katagang "swerte" ay madalas na ginagamit na pantukoy sa mga bagay na pinaniniwalaang mangyayari ng walang pakialam ang isang Makapangyarihan sa lahat. Madalas, ang "swerte" ay mas iniuugnay sa positibo at kanais-nais na pagkakataon o sa pagkakaroon ng isang magandang bagay sa pamamagitan ng "tsamba." Ang pangunahing tanong ay nangyayari ba ang mga bagay dahil sa tsamba? Kung ganito, may makakapagsabi ba kung ang isang tao ay swerte o malas? Ngunit kung hindi nangyayari ang mga bagay-bagay dahil sa tsamba, hindi rin dapat gamitin ang salitang "swerte."
Sinasabi sa Mangangaral 9:11-12, "Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon." Karamihan ng mga nakasaad sa aklat ng Mangangaral ay mula sa pananaw ng isang taong nabubuhay sa mundo na walang Panginoon o tungkol sa buhay "sa ilalim ng araw." Mula sa ganitong pananaw – na wala ang Panginoon sa buhay ng isang tao – ay mukhang tila nga may "swerte" at "malas."
Maaaring ang isang manlalaro sa isang karera ang pinakamabilis, ngunit dahil nadapa ang isa sa kanyang unahan, napatid siya at hindi nanalo sa karera. Napakamalas naman ng taong iyon. O kaya naman ay may isang hari na may pinakamalakas na sandatahan ngunit dahil sa isang "ala tsambang" pangyayari, isang palaso ang pinakawalan ng isang kalaban ng walang tinatarget ngunit tumama sa kanya ang palaso at siya ay namatay (2 Cronica 18:33) at natalo ang kanyang hukbo. Napakamalas naman ni Haring Acab. Ito ba ay swerte lang o malas? Kung babasahin ang buong 2 Cronica 18, makikita natin ang pagkilos ng Diyos mula sa umpisa. Hindi alam ng isang sundalo na nagpakawala ng kanyang palaso kung saan tatama ang kanyang pana ngunit alam ng Diyos ang lahat ng pangyayari at itinakda Niya ang magaganap sa masamang haring si Acab.
Isang katulad na "tsansa" ang naganap sa aklat ni Ruth. Si Ruth, isang balo na nag-aalaga sa kanyang biyenan, ay naghahanap ng isang bukid kung saan mamumulot ng butil para sa kanilang pangangailangan. "Kaya siya'y lumabas at nagsimulang mamulot sa likod ng mga taong nag-aani. Sa pagkakataong iyon, hindi niya namalayan na ang sakahang kanyang narating ay pag-aari ni Boaz, na nagmula sa angkan ni Elimelech" (Ruth 2:3). Si Elimelech ang dating asawa ng kanyang biyenan, na si Naomi, kaya si Boaz ay malapit niyang kamag-anak at naging mabuti ito kay Ruth. Habang papauwi si Ruth na may dalang higit na mas maraming butil kaysa sa inaasahan ni Naomi, nagtanong si Naomi, "Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!" At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. Kaya't sinabi ni Naomi, "Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay." Idinugtong pa niya, "Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao" (Ruth 2:19-20). Kaya hindi itinuring ni Naomi ang pangyayaring iyon maging ang mga sumunod pang pangyayari na "swerte" o nagkataon lamang kundi isang pangyayari na ayon sa probidensya ng Diyos (Ruth 4:14).
Inilahad sa Kawikaan 16:33 ang isang pangkalahatang prinsipyo: "Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan." Tumutukoy ito sa paggamit ng palabunutan (katulad sa paghahagis ng barya o pagpapagulong ng dais) para tapusin ang isang hidwaang legal. Ang pangyayari ay tungkol sa angkan ni Acan sa Josue 7 bilang isang halimbawa ng prinsipyong sinasabi sa Kawikaan para malaman kung sino ang nagkasala. Kapareho nito ang sinasabi sa Kawikaan 18:18: "Ang sigalot ay maaaring malutas sa palabunutan, at mapagkasundo ang mahigpit na magkaaway." Muli, ang Diyos sa Kanyang probidensya, ang nagpasya ng resulta sa palabunutan para malutas ang sigalot gaano man kalaki ang pagtatalo. Ipinapakita sa Kawikaan 16:33 na walang kahit anong bagay, gaya ng pagpapagulong ng dais o paghahagis ng barya, ang labas sa kontrol ng Diyos. Kaya nga, ang resulta ng mga ito ay hindi lamang ayon sa tsansa o swerte.
May dalawang aspeto ang kapamahalaan ng Diyos. Una ang aktibong kalooban o kapamahalaan ng Diyos na kinasasangkutan ng isang bagay na ginagawa Niyang instrumento para maganap ang isang pangyayari gaya ng pangunguna ni Haring Acab sa labanan (2 Cronica 18:18-19). Ang kamatayan ni Acab ay hindi lamang resulta ng pagpapakawala sa hangin ng isang palaso. Inihahayag sa 2 Cronica 18 na aktibong pinamahalaan ng Diyos ang mga pangyayari na nagtulak kay Acab upang pamunuan ang digmaan at ginamit niya ang isang palaso para ganapin ang Kanyang itinakdang kalooban para kay Acab sa araw na iyon.
Ang hindi aktibong kalooban ng Diyos ay kinapapalooban ng pagpapahintulot sa halip na pagtutulak sa isang bagay para mangyari. Inilalarawan ito sa unang kabanata ng Job kung saan pinahintulutan ng Diyos si Satanas na manghimasok sa buhay ni Job. Kinapapalooban din ito ng kasamaan ng pahintulutan ng Diyos ang mga kapatid ni Jose para siya ipagbili at maisakatuparan ang mas malaking kabutihan, isang magandang pangyayari na hindi pa malinaw kay Jose hanggang hindi pa iyon nagaganap sa loob ng maraming taon (Genesis 50:20).
Dahil hindi natin mahahawi ang tabing para makita kung ano ang nangyayari sa langit, hindi natin laging malalaman kung ang aktibo o hindi aktibong kaooban ng Diyos ang sangkot sa mga nangyayari sa ating mga buhay, ngunit alam natin na ang lahat ng mga nagaganap ay nasa ilalim ng Kanyang kalooban, ito man ay aktibo o hindi aktibo. Kaya nga, walang anumang pangyayari ang matatawag na tsamba o swerte lamang. Ang tao ang nagpapagulong sa dais ng isang board game ngunit pinababagsak ng Diyos ang dais sa isang paraan, kadalasan sa isang tila hindi inaasahang pangyayari. Maaari Niyang pahintulutan ang dais na bumagsak gaya ng batas na kalikasan na tila wala Siyang aktibong pakialam. Ngunit kahit sa mga pagkakataong hindi siya aktibong kumikilos, ang paraan ng pagbagsak ng dais ay nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan.
Ganito rin sa lahat ng pangyayari sa ating buhay, gaano man kalaki (Mateo 10:29-31) o kaliit (Daniel 4:35; Kawikaan 21:1). Makapangyarihan ang Diyos sa lahat (Efeso 1:11; Awit 115:3; Isaias 46:9-10), at kaya nga, walang kahit anong pangyayari ang nakasalalay lang sa tsamba o swerte.
Mula sa isang makalupang pananaw, tila nangyayari ang mga bagay ng walang layunin, ngunit sa buong Kasulatan, malinaw na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng Kanyang nilikha at ginagamit ang mga tila walang layuning natural na batas ng kalikasan, ang kalayaang magpasya ng mga mabuti at masasamang tao, at ang masamang layunin ng mga demonyo upang pagsasama-samahin sila para maganap ang Kanyang mabuti at perpektong layunin (Genesis 50:20; Job mga kabanata 1 at 42; Juan 9:1-7). At, ang mga Kristiyano, sa partikular ay pinangakuan ng Diyos na sa lahat ng bagay, maging sa masama at mabuti, kumiklos Siya para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Kanya, sa mga tinawag ayon sa Kanyang panukala (Roma 8:28).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa swerte?