Tanong
Ano ang pakahulugan ng Bibliya sa tagumpay?
Sagot
Bago mamatay si haring David, ibinigay niya kay Solomon na kanyang anak ang payong ito: "Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain" (1 Hari 2:3). Pansinin na hindi sinabi ni David kay Solomon na magtayo ng kanyang sariling kaharian at ng malaking hukbo, o magtipon ng kayamanan mula sa ibang lupain, o talunin ang kanyang mga kalaban sa labanan. Sa halip ang kanyang pormula sa tagumpay ay ang pagsunod at pagtalima sa mga utos ng Diyos. Nang maging hari si Solomon, hindi siya humingi sa Diyos ng kayamanan at kapangyarihan, kundi ng karunungan at kakayahan sa pagkilala sa mabuti at masama para pangunahan ang bayan ng Diyos. Nasiyahan ang Diyos sa kanyang kahilingan at tinupad Niya ang mga iyon at binigyan si Solomon na karunungan ng higit sa kaninumang hari na nabuhay sa mundo. Binigyan din Niya si Solomon ng mga bagay na hindi nito hiningi—ng kayamanan at karangalan sa paningin ng mga tao (1 Hari 3:1-14). Sinunod ni Solomon ang payo ng hari, kahit paano sa malaking bahagi ng kanyang paghahari, at sumasalamin sa mga ito ang kanyang sinulat sa Kawikaan: "Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim; upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao" (Kawikaan 3:1-4).
Inulit ni Jesus ang katuruang ito sa Bagong Tipan ng Kanyang ideklara ang pinakadakilang utos: "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.' Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito" (Markos 12:30-31). Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kanyang mga utos (Juan 14:15, 23-24). Ang unang hakbang sa prosesong ito ay pagtanggap sa libreng kaloob na buhay na walng hanggan kay Kristo Jesus (Juan 3:16). Ito ang simula ng tunay na tagumpay na naaayon sa Bibliya. Sa pagtanggap ng biyaya ng Diyos, nagsisimula ang pagbabago. Ang prosesong ito ay hindi naisasakatuparan ng kalooban ng tao kundi ng Diyos Espiritu Santo (Juan 1:12-13). Paano ito mangyayari at ano ang resulta? Nangyayari ito una sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Panginoon at pagsunod sa Kanya. Habang sumusunod tayo sa Kanya, binabago Niya tayo at binibigyan ng isang ganap na bagong kalikasan (1 Corinto 5:17). Habang dumadaan tayo sa mga kahirapan at mahihirap na kalagayan sa buhay, na tinutukoy ng Bibliya na "mga pagsubok," nakakayanan nating magtiis ng may malaking kapayapaan at direksyon, at naguumpisa tayong maunawaan na ginagamit ng Diyos ang mga pagsunok na iyon upang palakasin ang ating panloob na pagkatao (Juan 16:33; Santiago 1:2). Sa ibang salita, ang mga kahirapan sa buhay ay hindi nagiging dahilan ng ating pagbagsak, kundi ng paglakad sa gitna ng kahirapan ng may biyaya at karunungan ng Diyos. Sa pagsunod sa Diyos, nagkakaroon tayo ng kalayaan mula sa mga sumpa ng mundong ito—poot, adiksyon, pagseselos, kaguluhan, mababang pagtingin sa sarili, galit, sama ng loob, hindi pagpapatawad, pagkamakasarili at marami pang iba.
Sa karagdagan, nagtataglay ang mga tagasunod ni Cristo (mga Kristiyano) ng mga bunga ng Espiritu na nananahan sa kanilang mga puso— pag-ibig, kagalakan, katiyagaan, kabutihan, kagandahang loob, kabaitan, kahinahunan, katapatan, at pagpipigil sa sarili (Galacia 5:22-23). Mayroon tayong karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin at kung saan tayo pupunta (Kawikaan 3:5-6), ng hindi napipigilang dami ng karunungan (Santiago 1:5), at ng kapayapaan na hindi masayod ng isipan (Filipos 4:7). Habang lumalago tayo kay Cristo, naguumpisa tayo na hindi lamang isipin ang ating mga sarili kundi ang ibang tao. Ang ating malaking kagalakan ay nagmumula sa ating ginagawa at ibinibigay sa iba, at kung paano tayo nakakatulong sa kanilang paglago sa kanilang espiritwal na buhay. Ito ang tunay na tagumpay, dahil maaaring magkaroon ang isang tao ng lahat ng kapangyarihan, salapi, kasikatan, at ng pribilehiyo na iniaalok ng mundo, ngunit kung hungkag at puno ng kapaitan ang kanyang kaluluwa, ang tagumpay sa mundo ay isang kabiguan. "Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?" (Mateo 16:26).
Isang huling salita sa tagumpay na naaayon sa Bibliya: habang ang pagbabago ng ating panloob na pagkatao ay layunin ng Diyos para sa atin, pinagkakalooban din Niya tayo ng mabubuting kaloob na pisikal para sa Kanyang mga anak (pagkain, damit, tahanan, atbp.), at iniibig Niyang gawin ito (Mateo 6:25-33). Ngunit, marami sa atin, sa isang yugto ng ating buhay ang nakatuon ang pansin sa mga kaloob hindi sa nagkakaloob. Iyon ang dahilan kung bakit hindi tayo ganap na nakukukuntento at nawawalan ng kagalakan at pinipighati ang banal na Espiritu na bumabago sa atin, dahil nakatuon ang ating pansin sa mga maling bagay. Ito ang maaring dahilan kung bakit nililimitahan ng Diyos ang kanyang mga kaloob sa atin—upang hindi tayo matisod dahil sa mga kaloob at lumayo sa Kanya.
Ilarawan mo sa iyong isip ang dalawang kamay. Sa kanang kamay ay iniaalok ang tunay na kakuntentuhan, ang kakayahan na harapin ang mga problema ng hindi sila nakakapanaig sa atin, karunungan kung ano ang gagawin, kaalaman, at direksyon sa buhay sa tuwina, pag-ibig sa ibang tao, pagtanggap sa ating sarili, kagalakan sa gitna ng lahat ng pangyayari, at sa huli ay isang walang hanggan sa piling ng Diyos na masaganang nagbibigay ng mga kaloob na ito. Nasa kaliwang kamay naman ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan at tagumpay na iniaalok ng mundo, ng wala ang kahit anong bagay na nasa kanang kamay. Ano ang iyong pipiliin? Sinasabi ng Bibliya, "Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso" (Mateo 6:21). Ang mga bagay na nasa kanang kamay ang pakahulugan ng Bibliya sa tagumpay.
English
Ano ang pakahulugan ng Bibliya sa tagumpay?