settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga popular at mahahalagang tanong na makikita sa Bibliya?

Sagot


Napakaraming katanungan sa Bibliya. Mahirap magbigay ng eksaktong bilang dahil hindi gumagamit ang sinaunang Hebreo at Griyegong Koine ng mga bantas – at hindi ganoon kadali basahin ang mga balumbon ng Kasulatan mula sa Dagat na patay at mabibilang ang mga tandang pananong! Kadalasan, mahirap malaman kung ang isang pangungusap ay sinadyang gawing patanong. Ngunit ayon sa mga iskolar ng Bibliya, tinatayang may humigit kumulang sa tatlong libo at tatlong daang (330) katanungan sa Bibliya.

Ang listahang ito ng mga katanungan sa Bibliya ay hindi kumpleto. Ito lamang itong simpleng pagsusuri sa ilan sa mga pinakapopular at pinakamahalagang katanungan na makikita sa Bibliya.

“Tunay bang sinabi ng Diyos...?” (Genesis 3:1)
Ito ang unang katanungan sa Bibliya at ito din ang unang pangyayari kung saan may nagduda sa Salita ng Diyos. Tinukso ni Satanas si Eba upang pagdudahan nito ang Salita ng Diyos. Sumagot si Eba sa pamamagitan ng pagdadagdag sa Salita ng Diyos: “Ni huwag ninyong hihipuin.” Sinabi ng Diyos na huwag silang kakain ng bunga ng puno ngunit hindi Niya sinabi na huwag nilang hihipuin ang puno o ang bunga nito. Sumagot si Eva sa tanong ni Satanas sa pamamagitan ng pagsuway sa Salita ng Diyos. Nagsimula ang lahat sa isang simpleng katanungan.

“Saan ka naroon?” (Genesis 3:9)
Ito ang unang tanong ng Diyos sa Bibliya. Siyempre, alam ng Diyos ang eksaktong kinaroroonan nina Adan at Eba. Ang tanong na ito ay para sa kanilang kapakinabangan. Ito ang ibig sabihin ng Diyos: “Sinuway ninyo Ako. Nangyari ba ang gusto ninyo o ang aking sinabi?” Ipinapakita din sa katanungang ito ang puso ng Diyos, na puso ng isang pastol na naghahanap sa Kanyang nawawalang mga tupa upang ibalik sila sa kawan. Kalaunan, dumating si Hesus, “upang hanapin at iligtas ang nawala” (Lukas 19:10).

“Ako ba'y tagapagbantay sa aking kapatid?” (Genesis 4:9)
Ito ang katanungan ni Cain bilang sagot sa tanong ng Diyos kung nasaan ang kapatid niyang si Abel. Sa kabila ng katotohanang pinatay ni Cain ang kanyang kapatid, ipinapahayag ni Cain ang pakiramdam ng lahat ng tao sa tuwing ayaw nilang dumamay at magmalasakit sa iba. Tayo ba ang tagapagbantay sa ating mga kapatid? Oo, tayo ang kanilang tagapagbantay. Nangangahulugan ba ito na dapat nating alamin kung nasaan sila o kung ano ang kanilang ginagawa sa lahat ng oras? Hindi. Ngunit dapat tayong maglaan ng sapat na panahon sa ibang tao sa tuwing mayroon silang pasanin. Dapat tayong magmalasakit o mamagitan kung kinakailangan.

“Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?” (Genesis 18:25)
Oo, laging gumagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa. Ito ay tanong ni Abraham sa Diyos sa kanyang pagapela sa Kanya na iligtas ang mga matuwid sa Sodoma at Gomorra at ingatan sila sa Kanyang poot. Kung sa ating tingin ay tila may ginagawang hindi makatarungan ang Diyos, tiyak na mali ang ating pangunawa. Kung pinagdududahan natin ang hustisya ng Diyos, ito ay dahil baluktot ang ating pananaw sa Kanyang hustisya. Kung sinasabi natin, “Hindi ko maintindihan kung bakit hinahayaan ng isang matuwid at mabuting Diyos ang nangyayaring ito sa aking buhay,” ito ay dahil mali ang ating pangunawa tungkol sa kabutihan at katuwiran ng Diyos. Maraming tao ang nagaakala na mas malaki ang kanilang pangunawa sa hustisya ng Diyos kaysa sa Diyos mismo.

“Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka!” (Job 2:9)
Dumagundong ang buong aklat ng Job sa tanong na ito ng kanyang asawa. Sa kabila ng lahat, napanatili ni Job ang kanyang katapatan sa Diyos. Pauli-ulit na sinabi ng mga kaibigan ni Job, “Job tiyak na nakagawa ka ng masama kaya pinarurusahan ka ng Diyos.” Sinaway ng Diyos ang mga kaibigan ni Job dahil sa kanilang pagakusa sa kanya at sa kanilang pagmamarunong sa walang hanggang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, sinaway din Niya si Job at pinaalalahanan na tanging Siya lamang ang matuwid sa Kanyang mga pamamaraan. Kabilang sa pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang kadakilaan ay ang maraming katanungan. Isa sa mga ito ay: “Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo, kung mayroon kang unawa?” (Job 38:4).

“Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14)
Tiyak na mamamatay tayong lahat isang araw. May buhay pa ba pagkatapos ng kamatayan? Itinanong na ito ng lahat ng tao sa isang yugto ng kanilang buhay. Oo. May buhay pa pagkatapos ng kamatayan at mararanasan ito ng lahat. Ang tanong ay kung saan natin gugugulin ang ating buhay sa kabila. Ang lahat ba ng daan ay patungo sa Diyos? Sa isang banda, oo, dahil haharap tayong lahat sa Diyos pagkatapos nating mamatay (Hebreo 9:27). Anumang daan ang piliin ng tao, haharap siya sa Diyos pagkatapos ng kamatayan. Ngunit pagkatapos nating humarap sa Diyos ay ang kanyang hatol. “At marami sa kanila na nangatutulog sa alabok ng lupa ay mangagigising, ang iba'y sa walang hanggang buhay, at ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak” (Daniel 12:2).

“Paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?” (Awit 119:9)
Ang sagot: Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Salita ng Diyos. Kung iingatan natin ang Salita ng Diyos sa ating mga puso, iingatan tayo ng Kanyang salita laban sa pagkakasala (Awit 119:11). Hindi itinuturo sa atin ng Bibliya ang lahat ng bagay. Hindi nito sinasagot ang lahat ng katanungan ng tao. Ngunit itinuturo sa atin ng Bibliya ang lahat ng ating dapat malaman upang makapamuhay bilang mga Kristiyano (2 Pedro 1:3). Itinuturo sa atin ng Salita ng Diyos ang ating layunin sa mundo at kung paano natin gaganapin ang layuning iyon. Ipinapakita sa atin ng Bibliya ang ating hantungan maging ang mga kasangkapan upang marating ang hantungang iyon. Ang Salita ng Diyos ay “mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti” (2 Timoteo 3:16–17).

“Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin?” (Isaias 6:8)
Ibinigay ni Isaias ang tamang sagot: Narito ako; suguin mo ako!” Kadalasan, ang ating sagot sa tanong na ito ng Diyos ay, “Narito ako – ngunit magsugo ka ng iba.” Ang Isaias 6:8 ay isang popular na talata na ginagamit para sa pagmimisyon sa malalayong lugar. Ngunit, sa konteksto, hindi dito tumatawag ang Diyos ng isang tao upang maglakbay sa kabilang panig ng mundo upang magdala ng Mabuting Balita. Tumatawag ang Diyos ng isang tao na magdadala ng kanyang mensahe sa mga Israelita. Nais ng Diyos para kay Isaias na dalhin nito ang Kanyang mensahe sa Kanyang sariling bayan - sa mga Israelita. Nais ng Diyos na ipahayag ni Isaias ang Kanyang katotohanan sa mga taong nakakasalamuha niya araw araw, sa kanyang mga kababayan, sa kanyang mga kapamilya, sa kanyang mga kapitbahay at mga kaibigan.

“Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?” (Mateo 18:21)
Mahirap ang pagpapatawad. Ang pananaw ni Pedro na pagpapatawad ng pitong beses, para sa kanya ay napakabuti na. Ipinakita ng sagot ni Hesus kung paanong napakababaw ng ating pananaw sa pagpapatawad sa ating kapwa. Dapat tayong magpatawad dahil pinatawad din tayo ng Diyos sa ating napakaraming mga kasalanan (Colosas 3:13). Nagpapatawad tayo hindi dahil karapatdapat sa ating pagpapatawad ang mga taong nagkasala laban sa atin. Ang pagiging “karapatdapat” ay walang kinalaman sa biyaya. Nagpapatawad tayo dahil ito ang tama. Ang taong nagkasala sa atin ay maaaring hindi karapatdapat sa ating pagpapatawad, ngunit ganoon din tayo sa paningin ng Diyos. Hindi rin tayo karapatdapat sa Kanyang pagpapatawad.

“Ano ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo?” (Mateo 27:22)
Ito ang tanong ni Pilato sa mga tao na nagtitipon sa paglilitis kay Hesus. Ito ang kanilang sagot: “Ipako Siya sa krus!” Ito ang kanilang isinisigaw kailan lamang noong pumapasok si Hesus sa Jerusalem: “Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon: Hosana sa kataastaasan (Mateo 21:9).” Kamangha-mangha kung paanong napakadaling binago ng bigong pag-asa at sulsol ng mga tao ang opinyon ng publiko. Noong unang siglo sa Jerusalem, tinanggihan si Hesus ng mga taong mali ang pagkakilala sa Kanya at sa Kanyang misyon; ngunit ganito din ang nangyayari ngayon. Ang mga taong lumalapit kay Hesus na may maling pangunawa sa Kanyang persona at gawain ay tatalikod din sa huli. Dapat nating tiyakin na tama ang ating pagpapakilala sa mga tao tungkol kay Hesus at sa Kristiyanismo sa ating pangangaral.

“Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Mateo16:15)
Ang tanong na ito ay tanong ni Hesus sa mga alagad at isa sa pinakamahalagang katanungan na dapat sagutin ng lahat ng tao. Para sa nakararami, Si Hesus ay isa lamang Mabuting Guro. Para sa iba, isa Siyang propeta. Para naman sa iba pa, isa lamang Siyang alamat. Ang sagot ni Pedro ang tamang sagot: “Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay” (Mateo 16:16).

“Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay?” (Markos 8:36)
Kung makamtan man ng isang tao ang lahat sa mundong ito, ngunit ang kapalit naman ay ang kanyang kaluluwa – ang lahat ay walang kabuluhan. Nakalulungkot ngunit ang mga bagay sa sanlibutan ang pinagsusumikapan ng tao sa mundong ito. May dalawang kahulugan ang salitang “mapapahamak ang kaniyang buhay.” Una, ay ang kapahamakan na naghihintay sa tao sa walang hanggang apoy at pagdanas ng walang hanggang pagdurusa. Gayunman, ang pagsusumikap na makamtan ang sanglibutan ay makapagpapahamak din sa tao sa ibang kaparaanan sa buhay na ito sa lupa. Hindi niya mararanasan ang buhay na kasiya-siya na makakamtan lamang sa pamamagitan ni Kristo (Juan 10:10). Nagsikap si Solomon na hanapin ang kasiyahan sa mundong ito at hindi niya ipinagkait sa sarili ang lahat ng bagay. Ngunit kanyang sinabi, “lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw” (Mangangaral 2:10—11).

“Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?” (Lukas 18:18) at “ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Gawa 16:30)
Magandang pagaralan ang magkaibang sagot ni Hesus at ni Pablo sa parehong katanungan. Dahil nalalaman ni Hesus ang pagtitiwala ng binatang mayaman sa kanyang sariling katuwiran, sinabi Niya na dapat nitong ganapin ang mga Kautusan. Inaakala ng binatang mayaman na Siya ay matuwid; ngunit alam ni Hesus na ang materyalismo at pagiging gahaman ang humahadlang sa kanya upang makamtan ang kaligtasan. Dapat munang maunawaan ng binatang mayaman na siya ay makasalanan at nangangailangan ng Tagapagligtas. Kinilala naman ni Pablo na handa na sa kaligtasan ang bantay-bilanggo sa Filipos kaya’t kanyang sinabi dito, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.” Sumampalataya ang bantay-bilanggo at tumanggap din ang kanyang buong pamilya kay Hesus bilang kanilang Panginoon. Kaya, ang pagkilala sa kalagayan ng isang tao sa kanyang espiritwal na kalagayan ay mahalaga upang masagot natin ang kanilang katanungan. Ang kaalaman sa estado ng kanilang espiritwalidad ang basehan sa ating paraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo.

“Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak? ” (Juan 3:4)
Ang tanong na ito ay mula kay Nicodemo ng sabihin sa kanya ni Hesus na kailangan niyang ipanganak na muli. Hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ngayon kung ano ang kahulugan ng salitang “pagsilang na muli.” Marami ang nakakaalam na hindi ito tungkol sa pisikal na kapanganakan. Gayunman, marami ang hindi nauunawaan ang implikasyon ng mga salitang ito. Ang pagiging Kristiyano – o pagsilang na muli - ay simula ng isang ganap na binagong buhay. Ito ay paglipat mula sa kamatayang espiritwal patungo sa buhay na espiritwal (Juan 5:24). Ito ay pagiging isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang pagsilang na muli ay hindi pagdadagdag ng isang bagay sa iyong pangkasalukuyang buhay; ito ay radikal na pagpapalit sa iyong buong buhay ng isang bagong buhay.

“Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana?” (Roma 6:1)
Naligtas tayo sa biyaya (Efeso 6:8). Nang ilagak natin ang ating pananampalataya kay Hesu Kristo, pinatawad ang lahat nating mga kasalanan at ginarantiyahan tayo ng isang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos. Ang kaligtasan ay kaloob na walang bayad ng Diyos. Nangangahulugan ba ito na maaari ng mamuhay ang isang Kristiyano sa paraan na ayon sa kanyang maibigan at angkinin pa rin na siya ay ligtas? Oo. Ngunit ang isang tunay na Kristiyano ay hindi mamumuhay ayon sa kanyang maibigan. Ang totoong Kristiyano ay may bagong Panginoon at hindi na niya paglilingkuran pa ang kanyang sarili. Ang isang Kristiyano ay magpapatuloy sa paglago sa pananampalataya, sa isang bagong buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Hindi lisensya ang biyaya sa pagkakasala. Ginagawang katatawanan ng sinasadyang pagkakasala at hindi pagsisisi ang biyaya ng Diyos at ito ang dahilan upang pagdudahan ang kaligtasan ng isang tao (1 Juan 3:6). Oo, may mga panahon na ang isang Kristiyano ay bumabagsak sa kasalanan at nagrerebelde sa Diyos. Hindi posible sa buhay na ito ang perpektong kabanalan. Ngunit ang isang tunay na Kristiyano ay namumuhay sa pasasalamat sa biyaya ng Diyos at hindi gagamitin ang biyayang ito sa kasamaan. Ang balanse sa katotohanang ito ay makikita sa mga salita ng Panginoong Hesus sa babaeng nahuli sa pangangalunya. Pagkatapos na patawarin ang babae, sinabi sa kanya ni Hesus, “humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11).

“Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Roma 8:31)
Daranas ang mga anak ng Diyos ng mga paguusig sa sanlibutang ito (Juan 15:18). Nilalabanan tayo ng Diyablo at ng kanyang mga demonyo. Lalabanan tayo ng mga pilosopiya, pagpapahalaga at prayoridad ng mundong ito. Sa ating buhay dito sa lupa, maaari tayong madaig, matalo at mapatay. Ngunit ipinangako sa atin ng Diyos na magtatagumpay tayo sa ating pakikibakang espiritwal para sa buhay na walang hanggan (1 Juan 5:4). Ano ang pinakamasamang karanasan na maaaring maranasan natin sa mundong ito? Kamatayan. Para sa mga isinilang na muli, ano ang mangyayari pagkatapos ng kanilang kamatayan? Buhay na walang hanggan sa isang maluwalhating lugar kasama ng Diyos.

Marami pang ibang magagandang katanungan sa Bibliya. Mga tanong mula sa mga nagsasaliksik, mula sa mga manunuya, mga tanong mula sa mga nanghihinang mananampalataya, at mga katanungan mula sa Diyos. Huwag kang matakot na magtanong, ngunit dapat na handa kang tanggapin ang kasagutan ng Diyos mula sa Kanyang salita. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga popular at mahahalagang tanong na makikita sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries