settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa trabaho?

Sagot


“Walang sinuman ang dapat magtrabaho. Ang trabaho ang pinagmumulan ng lahat ng kahirapan sa mundo. Halos lahat ng kasamaan ay nagmumula sa pagtatrabaho o sa pamumuhay sa mundo na idinisenyo sa pagtatrabaho. Upang matapos ang lahat nating paghihirap, dapat tayong tumigil sa pagtatrabaho.” Ang mga pananalitang ito ay pasimula ng isang sanaysay na isinulat ni Bob Black noong 1985 na may titulong, “Ang paglalansag sa Trabaho.” Sa isang kultura na maibigin sa paglilibang, marami ang makikisang-ayon sa saloobin ni Bob Black. Gumugugol ang mga Pilipino ng limampung porsiyento (50%) ng kanilang oras sa pagtatrabaho. Ang trabaho ba ay isang sumpa, o isang bagay na idinisenyo ng Diyos upang likas na gawin ng tao? Ganap na kasalungat sa pagpapalagay ni Bob Black, ang kahalagahan at ang makabuluhang kalikasan ng trabaho ay ang dumadagundong na tema ng Bibliya.

Ang pinagmulan ng trabaho ay inilarawan sa aklat ng Genesis. Ipinakita sa mga unang talata na ang Diyos ang pangunahing nagtatrabaho o gumagawa, at abala sa paglikha sa sangnilikha (Genesis 1:1-15). Sinasabi ng Bibliya na gumawa ang Diyos sa loob ng anim na araw at nagpahinga sa ikapitong araw. Ang Diyos ang unang gumawa ng trabaho sa lupa; kaya nga sumasalamin sa lehitimong trabaho ang gawain ng Diyos. Dahil ang Diyos ay likas na mabuti (Awit 25:8; Efeso 4:28), ang trabaho ay likas ding mabuti. Idineklara sa Genesis 1:31, ng tingnan ng Diyos ang resulta ng Kanyang paglikha, tinawag Niya iyong “napakabuti.” Sinuri at tinasa ng Diyos ang kalidad ng Kanyang trabaho, at ng matiyak Niyang gumawa Siya ng isang perpektong trabaho, nasiyahan Siya sa resulta. Sa pamamagitan ng halimbawang ito, maliwanag na ang trabaho ay dapat na maging produktibo. Ang trabaho ay dapat gawin sa pamamaraan na ang resulta ay mataas ang kalidad. Ang gantimpala sa trabaho ay ang karangalan at kasiyahan na nagmumula sa isang tabahong nagampanan ng maayos.

Sinasabi sa Awit 19 na ipinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa mundo sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Sa pamamagitan ng natural na kapahayagan, ang pagiral ng Diyos ay ipinakikita sa bawat tao sa mundo. Kaya nga, ipinakikita ng trabaho ang katangian ng gumawa ng trabaho. Inilalantad nito ang katangian, motibasyon, kasanayan, ablidad at personalidad ng nagtatrabaho. Inulit ni Hesus ang prinsipyong ito sa Mateo 7:15-20 ng Kanyang sabihin na ang masamang puno lamang ang namumunga ng masamang bunga at ang mabuting puno lamang ang namumunga ng mabuting bunga. Ipinahihiwatig sa Isaias 43:7 na nilikha ng Diyos ang tao para sa Kanyang kaluwalhatian. Ang salitang “luwalhatiin” ay nangangahulugan na “magbigay ng karampatang representasyon.” Kaya nga, ang trabaho na ginagawa ng mga Kristiyano ay dapat magbigay sa mundo ng tamang paglalawaran ng Diyos sa Kanyang katuwiran, katapatan at kahusayan.

Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis na may taglay na ilang katangiang katulad ng sa Diyos (Genesis 1:26-31). Nilikha Niya ang tao upang gumawang kasama Niya sa mundo. Gumawa ang Diyos ng isang hardin at inilagay doon si Adan upang linangin at pangalagaan iyon (Genesis 2:8, 15). Bilang karagdagan, pamamahalaan din nina Adan at Eba ang mundo. Ano ang kahulugan ng orihinal na utos na ito patungkol sa trabaho? Ang “paglinang”ay nangangahulugan na “pagyamanin at paunlarin.” Ang pangangalaga ay nangangahulugan na pagprotekta mula sa kabiguan o kahinaan. Ang pamahahala ay nangangahulugan ng pagkontrol at pagdidisiplina. Ang pangangasiwa ay nangangahulugan ng pamamahala o pag-ako ng responsibilidad at pagdedesisyon. Ang utos na ito ay mailalapat sa lahat ng bokasyon. Kinilala ng mga lider ng repormasyon noong ikalabinlimang siglo na ang trabaho ay isang ministeryo sa harapan ng Diyos. Kung ituturing na isang ministeryo sa harapan ng Diyos, ang trabaho ay dapat ding kilalanin bilang isang banal na gawain at ang mga pagawaan o lugar paggawa ay maituturing na mga lugar ng pagmimisyon.

Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan na inilarawan sa Genesis 3 ang naging dahilan ng pagbabago sa kalikasan ng trabaho. Bilang konsekwensya ng pagkakasala ni Adan, ipinahayag ng Diyos ang ilang kaparusahan sa Genesis 3:17-19, at ang pinakamasakit sa lahat ay ang kamatayan. Gayunman. Ang trabaho at ang resulta ng trabaho ang sentro sa lahat ng mga parusa ng Diyos sa tao. Sinumpa ng Diyos ang lupa. Naging napakahirap ng trabaho para sa tao. Ang salitang “maghihirap” ay ginamit para sa pagtatrabaho, isang salita na nagpapahiwatig ng isang hamon, paghihirap, at pagkapagod. Mabuti pa rin ang trabaho sa kanyang sarili, ngunit dapat asahan ng tao na ito ay magagawa lamang sa pamamagitan ng “pagpapatulo ng pawis.” Gayundin, ang resulta ng pagtatrabaho ay hindi laging positibo. Bagamat makakain ni Adan ang lahat ng halaman sa bukid, ang lupa ay tutubuan ng mga tinik at dawag. Ang mabigat na trabaho at pagsisikap ay hindi laging gagantimpalaan sa paraan na inaasahan at ninanais ng manggagawa.

Mapapansin din na ang kakainin ng tao ay ang mga bunga ng bukid, hindi bunga sa hardin ng Eden. Ang hardin ay ang paraiso sa lupa na ginawa ng Diyos bilang isang ligtas na lugar. Sumisimbolo ang hardin ng Eden sa kasaganaan, kalinisan at kabanalan. Ang lupa o ang bukid, sa kabilang banda, ay sumisimbolo naman ng kasalatan, kawalang proteksyon at kawalan ng pagpipigil sa sarili at kamunduhan. Kaya nga, maaaring maging malupit ang mga lugar ng trabaho, lalo na para sa mga Kristiyano (Genesis 39:1-23; Exodo 1:8-22; Nehemias 4).

Sinasabi na may tatlong pangunahing pangangailangan ang tao sa buhay: ang pag-ibig, layunin at kahalagahan. Sa maraming pagkakataon, tinatangka ng mga tao na hanapin ang layunin at kahalagahan ng buhay sa trabaho mismo. Idinetalye ni Solomon sa Mangangaral 2:4-11 ang kanyang paghahanap ng kahulugan ng buhay sa iba’t ibang proyekto at iba’t ibang uri ng paggawa. Bagamat nagbigay sa kanya ng kasiyahan sa ilang antas ang trabaho sa pamamagitan ng tagumpay, ito ang kanyang konklusyon: “Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan; tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.”

Narito ang iba pang kritikal na prinsipyo ng Bibliya tungkol sa trabaho:

• Ginagawa ang trabaho hindi lamang para sa kapakinabangan ng manggagawa kundi para din sa kapakinabangan ng iba (Exodo 3:10-11; Deuteronomio 15:7-11; Efeso 4:28).
• Ang trabaho ay regalong mula sa Diyos at Kanyang pagpapalain para sa Kanyang mga hinirang (Awit 104:1-35; 127:1-5; Mangangaral 3:12-13; 5:18-20; Kawikaan 14:23).
• Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas at kasanayan para sa pagtatrabaho (Exodo31:2-11).

Marami ang pagtatalo nito lamang nakaraan tungkol sa responsibilidad at obligasyon ng sosyedad sa mga walang trabaho, walang paseguro at walang edukasyon. Kapuna-puna na ang sistema para sa kapakanan ng tao sa Bibliya ay isang sistema ng paggawa (Levitico 19:10; 23:22). Marahas ang Bibliya sa pagkondena nito sa katamaran (Kawikaan 18:9). Ipinaliwanag ng napakalinaw ni Apostol Pablo ang etika ng Kristiyano tungkol sa pagtatrabaho. “Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya” (1 Timoteo 5:28).

Sinabi ni Pablo sa Iglesya sa Tesalonica, “Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba” (2 Tesalonica 3:11-12).

Bagamat ang orihinal na disenyo ng Diyos para sa trabaho ay pinilipit ng kasalanan, isang araw, ibabalik ng Diyos ang trabaho ng walang kabigatan (Isaias 65:17-25; Pahayag 15:1-4; 22:1-11.) Hangga’t hindi naitatatag ang Bagong Langit at Bagong Lupa, ang saloobin ng Kristiyano sa paggawa ay dapat na sumasalamin sa saloobin ng Panginoong Hesu Kristo, “Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin” (Juan 4:34).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa trabaho?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries