settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga Biblikal na pamantayan para sa diborsyo o paghihiwalay?

Sagot


Sa tuwing tinatalakay ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa diborsyo o paghihiwalay, mahalagang isaisip muna ang Malakias 2:16, “Sapagka't aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel.” Anuman ang posibleng kadahilanan na ginagamit ng tao para sa pakikipagdiborsyo, hindi ito nangangahulugan na nais ng Diyos na maghiwalay ang magasawa sa anumang kadahilanan. Sa halip na magtanong ng, “Ang __________ ba ay batayan sa pakikipaghiwalay?” Laging ang dapat itanong ay, “Ang ___________ ba ay batayan para sa pagpapatawad, pagpapanumbalik ng relasyon at/o paghingi ng payo?”

Nagbibigay ang Bibliya ng dalawang dahilan para sa diborsyo o paghihiwalay: (1) pangangalunya o pagtataksil ng asawa (Mateo 5:32; 19:9) at (2) paghiwalay ng asawang hindi mananampalataya (1 Corinto 7:15). Kahit na sa dalawang ito, hindi hinihingi o hinihimok man ng Diyos ang pakikipaghiwalay sa asawa. Ang tanging sinasabi ng Bibliya ay maaaring maging basehan ng diborsyo ang pangangalunya at pagiwan ng kabiyak dahil sa pagiging Kristiyano ng kanyang asawa. Ang paghingi ng kapatawaran, pagkakasundo at pagpapanumbalik ng pagsasama ang laging unang nararapat na hakbang. Ang diborsyo ay huling pagpipilian na lamang.

Mayroon pa bang ibang basehan para sa diborsyo bukod sa sinasabi ng Bibliya? Maaaring mayroon, ngunit ayaw nating ipalagay na naaayon ang mga ito sa Bibliya. Mapanganib ang paghigit sa sinasabi ng Salita ng Diyos (1 Corinto 4:6). Ang laging idinadagdag na basehan para sa diborsyo na itinatanong ng mga tao ay ang pangaabusong pisikal at emosyonal sa asawa, pangaabusong pisikal, sekswal o emosyonal sa mga anak, adiksyon sa droga, pornograpiya, alak, krimen, pagkabilanggo, at hindi maayos na pangangasiwa sa pinansyal gaya halimbawa ng pagkagumon sa sugal. Wala sa mga ito ang dapat ituring na direktang tinutukoy sa Bibliya na maaaring maging basehan para sa diborsyo.

Gayunman, hindi nangangahulugan na wala alinman sa mga nabanggit na basehan sa diborsyo ang hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Halimbawa, hindi natin lubos na maisip na gugustuhin pa ba ng Diyos na manatili ang isang babae sa kanyang asawa na pinahihirapan siya at laging binubugbog at inaabuso ang kanilang mga anak. Sa mga ganitong pagkakataon, dapat na humiwalay ang babae at ang mga anak sa lalaki. Gayunman, kahit na sa mga ganitong sitwasyon, ang layunin ng paghihiwalay ay upang magsisi ang lalaki at manumbalik ang maayos na samahan sa pamilya. Hindi dapat na magdesisyon agad para sa pakikipaghiwalay. Dapat na maunawaan na sa pagsasabi namin na hindi biblikal ang mga nabanggit na kadahilanan para sa diborsyo, hindi namin sinasabi na dapat na manatili sa piling ng asawa ang sinuman na nakakaranas ng ganitong sitwasyon. Kung may panganib para sa buhay ng babae o ng kanyang mga anak, ang pakikipaghiwalay ay isang mabuti at nararapat na hakbang.

Ang isa pang paraan upang tingnan ang isyung ito ay ang pagkakaiba sa pagitan ng biblikal na dahilan sa pakikipaghiwalay at muling pagaasawa. May mga nagpapakahulugan na ang dalawang biblikal na basehan para sa diborsyo na nabanggit sa itaas ang basehan para sa muling pagaasawa pagkatapos ng diborsyo. Habang ito ay maaaring isang katanggap tanggap na paliwanag, hindi ito ang sinasabing malinaw ng Salita ng Diyos. Nagbibigay ng restriksyon ang Bibliya tungkol sa muling pagaasawa pagkatapos ng diborsyo.

Sa pagbubuod, ano ang mga biblikal na basehan para sa diborsyo? Ang sagot ay pangangalunya at pagiwan ng asawang hindi mananampalataya sa isang mananampalataya. May iba pa bang tradisyunal na basehan para sa diborsyo bukod sa dalawang ito? Posible. Ang diborsyo ba ay dapat na ituring na isang madaling desisyon lamang o unang hakbang na dapat isaalang alang? Hindi dapat. Kaya ng Diyos baguhin ang kahit sino. Kaya ng Diyos na pagalingin at papanumbalikin ang pagsasama ng magasawa. Ang diborsyo ay para lamang sa mga kaso kung kailan paulit ulit na ginagawa ang kasalanan at hindi nagsisisi ang isa sa magasawa sa karumaldumal na kasalanan ng pangangalunya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga Biblikal na pamantayan para sa diborsyo o paghihiwalay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries