Tanong
Bakit sinabi ni Jesus sa binatang mayaman na hindi ito maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan?
Sagot
Upang maunawaan ang sagot ni Jesus sa katanungan ng binatang mayaman na—“Ano ang dapat kung gawin upang maligtas?”—dapat nating isaalang-alang ang tatlong bagay: ang katauhan ng binatang mayaman, ang layunin ng kanyang pagtatanong, at ang kalikasan ng Ebanghelyo ni Jesu Cristo. Tinanong ng binatang mayaman si Jesus, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16). Sumagot si Jesus, “kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos” (talata 17). Sa unang tingin, tila sinasabi ni Jesus sa binata at sa lahat ng tao rin naman na dapat sundin ng lahat ng tao ang kautusan upang sila ay maligtas. Ngunit ano talaga ang Kanyang sinasabi? Dahil ang esensya ng mensahe ng kaligtasan ay naliligtas ang tao sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8–9), bakit binigyan ni Jesus ang lalaking mayaman ng “alternatibong paraan?”
Ang kuwento ng binatang mayaman ay makikita sa lahat ng tatlong sinoptikong Ebanghelyo, sa Mateo 19:16–23, Marcos 10:17–22, at Lucas 18:18–23. Ang lalaki ay inilarawan bilang isang “pinuno,” na nangangahulugan na siya ay isang mahistrado o isang prinsipe dahil walang pinunong Romano ang tumatawag kay Jesus bilang isang “guro” o “maestro,” ipinagpapalagay na ang lalaking ito ay isang pinunong Judio sa isang lokal na sinagoga. Ang lalaking ito ay may “malaking kayamanan” (Mateo 19:22), at kalaunan ay ginamit ni Jesus ang Kanyang pakikipagusap sa lalaking ito upang ituro ang nakakasirang epekto ng pera sa pagnanais ng tao na magkaroon ng buhay na walang hanggan (mga talatang 23–24). Ang aral na ginamit ni Jesus mula sa insidenteng ito ay patungkol sa kayamanan, hindi kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa.
Ang unang ginawa ni Jesus ng batiin Siya ng lalaki na, “Mabuting Guro,” ay pinaalalahanan ito na walang ibang mabuti kundi ang Diyos (Mateo 19:17). Hindi itinatanggi ni Jesus ang Kanyang pagiging Diyos. Sa halip, agad niyang ipinapaisip sa lalaki kung ang talagang kahulugan ng salitang “mabuti”—dahil tanging Diyos lang ang mabuti, kaya nga ang normal nating tinatawag na kabutihan ng tao ay ibang-iba sa kabutihan ng Diyos. Ang katotohanang ito ay makikita sa pagpapatuloy ng kanilang paguusap. Nang tanungin ng lalaki si Jesus kung anong mga Kautusan ang kanyang susundin, inisa isa ni Jesus ang anim sa Sampung Utos kasama ang “ibigin ang kapwa gaya ng iyong sarili” (Mateo 19:19). Sumagot ang lalaki ng ganito, “Ang lahat ng ito ay sinusunod ko, ano pa ang kulang?” (talata 20). Ito ay isang susing pahayag. Kapuna-puna na ang binata ay relihiyoso at tapat sa kanyang paghahangad ng katuwiran. Ang problema ay itinuturing niya ang kanyang sarili na walang kapintasan sa pagsunod sa Kautusan. At ang puntong ito ang hinahamon ni Jesus.
Sinabi ni Jesus sa lalaki, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin” (Mateo 19:21). Nalaman ng binata na napakalaki ng hinihinging kundisyon ni Jesus. “Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman” (talata 22). Sa halip na sundin ang sinasabi ni Jesus, tumalikod siya sa Panginoon at umalis. Nalungkot si Jesus sa desisyon ng lalaki dahil mahal Niya ito (Marcos 10:21).
Sa pagsasabi sa binata na tuparin ang mga kautusan, hindi sinasabi ni Jesus na maliligtas ito sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan; sa halip, binibigyang diin ni Jesus na ang Kautusan ang perpektong pamantayan ng Diyos sa katuwiran. Kung susundin mo ng perpekto ang Kautusan, makakaligtas ka sa kaparusahan ng kasalanan—ngunit iyon ay malaking “kung.” Nang sumagot ang lalaki na naabot nito ang pamantayan ng Kautusan, simpleng tinalakay ni Jesus ang isang isyu na nagpatunay na hindi nakaabot ang lalaki sa kabanalan ng Diyos. Hindi handa ang lalaki na sumunod sa Panginoon kung nangangahulugan iyon na isusuko niya ang kanyang kayamanan. Kaya nga, sinuway ng lalaki ang dalawa sa pinakadakilang utos; hindi niya iniibig ang Panginoon ng buong puso, at hindi niya iniibig ang kanyang kapwa gaya ng kanyang sarili. Mas iniibig niya ang kanyang sarili (at ang kanyang pera). Malayo sa pagsunod sa “lahat” ng kautusan gaya ng kanyang inaangkin, ang lalaki ay makasalanan din gaya ng sinuman. Pinatunayan ito ng Kautusan.
Kung iniibig ng lalaki ang Diyos at ang kanyang kapwa ng higit sa kanyang mga ari-arian, handa sana siya na isuko ang kanyang kayamanan upang maglingkod sa Diyos at sa tao. Ngunit hindi ito ang kaso. Ginawa niyang diyus-diyusan ang kanyang kayamanan at inibig ito ng higit sa Diyos. Eskpertong inihayag ni Jesus ang kasakiman sa puso ng lalaki—kasakiman na hindi nito inaakala na kanyang taglay. Ang pahayag ni Jesus na tanging ang Diyos lang ang mabuti (Mateo 19:18) ay napatunayan sa tugon ng lalaki sa utos ni Jesus.
Sa Kanyang pakikipagusap sa binatang mayaman, hindi itinuro ni Jesus na maliligtas tayo sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan. Ang mensahe ng Bibliya ay naliligtas ang tao sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 3:20, 28; 4:6; Galacia 2:16; Efeso 2:9; 2 Timoteo 1:9). Sa halip, ginamit ni Jesus ang pag-ibig ng lalaki sa kayamanan upang ipakita kung paanong ang tao ay hindi nakaabot sa banal na pamantayan ng Diyos—gaya nating lahat. Nangangailangan ang binatang mayaman ng Tagapagligtas, at gayon din tayo.
English
Bakit sinabi ni Jesus sa binatang mayaman na hindi ito maliligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan?