settings icon
share icon
Tanong

Ano ang doktrina na tinatawag na binhi ng ahas?

Sagot


Ang doktrina na tinatawag na binhi ng ahas o "serpent seed" ay isang paniniwala na nag-ugat sa maling interpretasyon sa Bibliya at mga pamahiin. Ito ang pangunahing doktrina na pinanggagalingan ng mga tao na nais gamitin ang Bibliya upang bigyang katwiran ang pagkagalit at pangmamaliit sa ibang lahi. Malapit din ang kagunayan ng doktrina ng binhi ng ahas sa iba pang mga maling katuruan gaya ng Christian Identity Movement at ang Kenite doctrine. Gaya ng maraming maling paniniwala, mayroon ito laging nakahandang pangdepensa sa sarili; na kung sinuman ang hindi maniniwala sa doktrinang ito, ang taong iyon ay binhi ng ahas. Ang isa sa pinaka-nakakalungkot sa doktrinang ito ay ang sobrang diin nito sa pagkiling sa sarili at sa baluktot na interpretasyon sa Bibliya at napakahirap nitong talakayin gamit ang matalinong pangangatwiran.

Sa simpleng paliwanag, itinuturo ng doktrinang ito na ang kasalanan ni Eba ay hindi ang simpleng pagsuway lamang sa Diyos kundi pagkikipagtalik sa ahas at si Cain ang anak ng demonyo at ni Eba. Ayon sa ideyang ito, ang mga lahing nanggaling kay Cain ay mga anak ni Satanas at kabilang sa mga ito ang alinmang lahi o grupo ng tao na piniling tanggihan ng mga naniniwala sa doktrinang ito. Nag-ugat ang ideyang ito sa mga pamahiin at popular ito sa mga puti at sa mga lumalaban sa mga Hudyo; sinusuportahan din ng Unification Church na tinatawag na moonies ang ideyang ito. Itinuturo din ng mga kilalang bulaang mangangaral na sina Arnold Murray ng Shepherd's Chapel at ni William Branham ang ideyang ito. Bagama't hindi dapat na kondenahin ang isang ideya kung hindi ito naisasapamuhay ng tama, dapat namang kondenahin ang isang ideya kung lohikal na nagtutulak ito sa pagkakasala. Ang isang pilosopiya na nagtuturo na may mga lahi o may mga tao na binhi ni Satanas, gaya ng itinuturo ng doktrina ng binhi ng ahas, ay isa sa mga pilosopiyang nagtutulak sa tao sa pagkakasala.

Ginagamit ng mga sumusuporta sa katuruang ito ang maraming mga talata sa Bibliya bilang katibayan na na tama ang katkanilang paniniwala. Ngunit ang lahat ng kanilang mga "ebidensya" ay nagresulta sa interpretasyon na hindi naaangkop sa konteksto ng mga talata. Halimbawa, malimit nilang ginagamit ang Genesis 3:13, upang ituro na ang salitang "dinaya" o "nalinlang" ay nangangahulugan na "tinukso" na may pahiwatig na sekswal. Ngunit hindi papayag ang mga iskolar ng Bibiliya at ang konteksto mismo sa interpretasyong ito. Ikinumpara ang pagkain sa Kawikaan 30:20 gamit ang pigura ng salitang sekswal na imoralidad. Ang talatang ito ay sobrang binibigyang diin ng mga naniniwala sa doktrina ng binhi ng ahas at ginagamit ito bilang patunay na ang pagbagsak ni Eba sa kasalanan ay ang mismong pakikipagtalik sa ahas. Kabilang din sa mga talatang kanilang ginagamit ang Judas 1:14, at ang talinghaga tungkol sa masamang damo sa Mateo 13. Itinuturo ng mga naniniwala sa doktrinang ito na ang paglalarawan ni Jesus sa "mga anak ng demonyo" sa mga talata ay totoo sa literal at biolohikal. Muli, isa lamang tao na sinusubukang ipilit ang sariling paniniwala gamit ang mga talata ng Bibliya ang tanging makagagawa nito, hindi isang tao na nagbabasa at normal na inuunawa ang Kasulatan.

Literal na may ilang dosenang talata sa Bibliya kung saan hinuhugot ang ideyang ito ngunit sa bawat isang talata, kinakailangan munang maniwala ang isang tao sa doktrinang ito upang maniwala na may kinalaman ang mga talata sa nasabing maling doktrina. Tanging sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Bibliya at pagsasabi sa sarili na, "kung ipinagpapalagay mo na tama ang doktrina ng binhi ng ahas, nangangahulugan ang talatang ito na…" saka lamang maaaring masuportahan ng mga talata ang maling pilosopiyang ito. Ito ang dahilan kung bakit napakahirap na makipagpaliwanagan sa isang tao na naniniwala sa doktrina ng binhi ng ahas. Ang mga nagsusulong ng ideyang ito ay inuunawa ang Kasulatan ng may suot na lente ng doktrina ng binhi ng ahas at malamang na hindi tatanggap ng ibang interpretasyon gaano man kalinaw ang pagpapaliwanag ng isang tao gamit ang suporta ng konteksto at lehitimong kaalaman sa Bibliya.

May ilang mga pangunahing katanungan at pagkakasalungatan ang likas sa paniniwalang ito na maaaring magamit upang ibulgar ang kasinungaingan ng doktrinang ito. Halimbawa, malinaw na sinasabi sa Galatia 3:28 na walang kinalaman ang ating lahi at kasarian sa ating katayuan sa harapan ng Diyos. Sinasabi sa 2 Pedro 3:9 na nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao. Walang sinuman sa Bibliya ang tinawag na anak ni Cain o Kenite o kinodondena base sa kanilang relasyon kay Cain. Hindi tayo kailanman binabalaan tungkol sa mga Kenites ng mga manunulat ng Bagong Tipan. Gayundin, isa ring malaking katanungan kung paanong nakaligtas ang mga ganitong uri ng tao sa pandaigdigang baha noong panahon ni Noe. Ipinagpapalagay ng mga naniniwala sa doktrinang ito na sekswal ang kasalanan ni Eva, ngunit hindi nila maipaliwanag ang sinasabi ng lahat ng natitirang bahagi ng Kasulatan na ang pagsuway sa Diyos ang orihinal na kasalanan ni Eba hindi ang pakikipagtalik sa ahas.

Ang pinakamalungkot, direktang nagbubunga ang pilosopiyang ito sa dalawang pangunahing problema. Ang rasismo o pangaapi sa ibang lahi ang pinakagrabeng resulta; ang paniniwala na ang isang lahi ay hindi na maaaring matubos ng Diyos ay walang positibong aplikasyon. Ang tanging posibleng resulta ng ganitong pananaw ay galit at pangaapi. Tinatrato din ng mga naniniwala sa pananaw na ito na mismong mga anak ni Cain o anak ng demonyo ang ayaw maniwala sa kanilang doktrina. Ito ang kasalanan ni Arnold Murray. Salamat na para sa mga mananampalataya, binigyan tayo ng Kasulatan kung saan natin makikita ang katotohanan. Dapat lamang natin itong basahin ng bukas ang isipan at walang suot na salamin ng anumang pilosopiya upang matuklasan ang tunay na karunungan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang doktrina na tinatawag na binhi ng ahas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries