settings icon
share icon
Tanong

Ano ang tinatawag na binhi ng pananampalataya? Ano ang isang handog ng binhi ng pananampalataya?

Sagot


Laging gustong-gustong talakayin ng mga nagsusulong ng hidwang ebanghelyo ng kasaganaan / pagyaman ("prosperity gospel") at kilusan ng Kapangyarihan ng Salita ("Word of Faith movement") ang paksa ng "pagtatanim," "kaloob ng binhi ng pananampalataya," at "pagbabalik ng 100 beses" ("hundred-fold returns"). Ang kaloob ng binhi ng pananampalataya ay pera na ibinibigay sa Diyos sa pananampalataya na pararamihin ng Diyos ang binhing iyon at ibabalik sa nagbigay. Mas marami kang ibinigay na pera– mas malaki ang iyong pananampalataya — at mas malaking pera ang iyong matatanggap pabalik. Laging humihingi ang mga mangangaral ng hidwang ebanghelyo ng mga kaloob sa mga tagapakinig ng kanilang mga ministeryo sa pamamagitan ng pangako ng mas malaking kapalit na halaga bilang kapalit: "Magbigay ka ng sampung dolyar at pagtiwalaan mo ang Diyos na ibabalik sa iyo ang isanlibong dolyar." Humihingi sila ng pera sa kanilang mga tagasunod sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita na may kulay espiritwal gaya ng pangungusap na "Nais ng Diyos na pagpalain ka ng isang himala," at "higit na malaki si Jesus kaysa sa iyong mga utang." At gagamitin nila sa maling paraan ang mga talata gaya ng Markos 4:8, "At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan." Magandang malaman na ang "binhi" sa talatang ito ay ang Salita ng Diyos hindi pera (Markos 4:14).

Napakalaki ng impluwensya ng yumaong si Oral Roberts sa pagpapakalat ng konseptong ito ng binhi ng kaloob ng pananampalataya at itinuro niya sa mga tao na umasa para sa isang himala kung magtatanim sila ng "binhi" sa kabila ng kanilang mga "pangangailangan." Isinulat ni Roberts, "Upang maabot mo ang iyong potensyal, mapagtagumpayan ang mga problema sa buhay, maging mabunga ang iyong buhay, dumami ang iyong tinatangkilik at magkaloob ang Diyos ng kasaganaan / pagyaman (halimbawa: mabuting kalusugan, kayamanan, pagpapanibagong sigla sa espiritwal ng pamilya at ng sarili), kailangan mong magdesisyon na sumunod sa utos ng Diyos sa talinghaga ng manghahasik at mangaani. Magtanim ka ng binhi ng Kanyang pangako sa lupa ng iyong pangangailangan" (mula sa "Mga Prinsipyo ng Binhi"). Sa Hulyo 1980 Edisyon ng Abundant Life, Isinulat ni Roberts, "Lutasin mo ang iyong mga problema sa pera sa pamamagitan ng pagtatanim ng pera" (pahina 4).

Sinabi ni Richard Roberts, anak ni Oral Roberts sa kanyang website: "Bigyan mo ang Diyos ng isang bagay na Kanyang pagsisimulan. Kahit na gaano kaliit ang iniisip mong mayroon ka, itanim mo ito ng may galak at pananampalataya na nalalaman mo sa iyong puso na nagtatanim ka ng binhi upang makapag-ani ka ng mga himala. Pagkatapos, magsimula kang umasa sa lahat ng uri ng mga himala!" Sa Newsletter ni Richard Roberts noong Mayo 2016, umapela siya para sa pagkakaloob ng pera ng kanyang mga tagasunod gamit ang ganitong mga pananalita: "Magtanim ka ng espesyal na binhi sa halagang $100…kung itatanim mo ang binhing ito sa kabila ng iyong pangangailangan at makikipagkasundo ka sa akin sa isang banal na kasunduan, magkasama tayong aasa sa isang napakalaking himala mula sa Diyos" (mula sa kanyang sariling website).

Ayon kay Oral Roberts, may talong paraan para makinabang sa batas ng pagtatanim at pagaani: 1) Tingnan mo ang Diyos na Siyang pinanggagalingan ng mga pagpapala, 2) Magbigay ka muna upang may ibigay sa iyo at, 3) umasa ka sa isang himala. Bilang isang suportang teksto, ginagamit ng mga tagapagturo ng pagtatanim ng binhi ang Lukas 6:38, "Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo." Ang maling paggamit sa talatang ito ay naguumpisa sa paglalapat nito sa mga materyal na bagay — ngunit nagsasalita si Jesus patungkol sa pagpapatawad sa Lukas 6:37, hindi tungkol sa pera. Gayundin, may pagkakaiba sa pagitan ng mga salitang "magbigay kayo at" at "magbigay kayo para." Itinataguyod ng mga hidwang mangangaral ng prosperity Gospel ang isang makasariling motibo sa pagbibigay—magbigay para ka makakuha—at tahasa nila itong itinuturo. Itinuturo ng Bibliya na nagbibigay tayo para sa ikabubuti ng iba at upang maluwalhati ang Diyos, hindi upang payamanin ang ating sarili.

Gustong-gusto ring gamitin ng mga nagtuturo ng "seed of faith" ang Mateo 17:20, "Sumagot siya, "Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon!' at ito'y lilipat nga." Siyempre walang kinalaman ang talatang ito tungkol sa pera o pagbibigay ayon sa binhi ng pananampalataya.

Ang isa pang talata na mali ang paggamit ng mga mangangaral ng seed-faith ay ang Markos 10:29-30, "Sumagot si Jesus, "Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan." Idinidikit ng mga mangangaral ng seed-faith ang pangako ng "isandaang ulit ng mga iyon" ngunit inilalapat lamang nila ang pangakong ito sa mga "bahay," at "lupain" — na mga materyal na kayamanan. Hindi nila pinapansin ang iba pa sa listahan. Dapat ba nating ipagpalagay na ipinangako ni Jesus na literal tayong magkakaroon ng daan-daang mga ina o aasa tayo na magkakaroon ng daan-daang mga kapatid sa laman ng higit sa mayroon tayo ngayon? O ang sinasabi ni Jesus sa mga talata ay patungkol sa pagdami ng espiritwal na kapamilya. Dahil ang mga ina at mga ama at mga kapatid ay hindi literal kundi sa espiritwal, lalabas na espiritwal din ang mga bahay at mga lupain.

Isinasantabi ng mga nagsusulong ng doktrina ng seed-faith ang ilang mahahalagang detalye sa Kasulatan. Halimbawa ang 2 Corinto 9:10–12, "At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran: Yamang kayo'y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios.Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios." Gayunman, tandaan na ang "bunga" na tinutukoy ni Pablo sa mga talata ay hindi mga materyal na bagay kundi "mga bunga ng inyong katuwiran." Gayundin, ang resulta ay maraming pagpapasalamat sa Diyos, hindi malaking halaga ng deposito sa bangko. Ang "binhi" na "itinanim" sa talatang ito ay hindi mga himala o personal na kayamanan.

Isinasantabi rin ng mga nagsusulong ng kaloob ng binhi ng pananampalataya ang katotohanan na hindi mayaman ang mga apostol. Totoo na nagbigay ang mga apostol sa iba: "At ako'y gugugol ng may malaking kagalakan at pagugugol dahil sa inyong mga kaluluwa.…" (2 Corinto 12:15). Ayon sa doktrina ng handog ng binhi ng pananampalataya, maaaring si Pablo ay mayaman. Ngunit sinabi ni Pablo, "Sapagka't kaming nangabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa aming lamang may kamatayan" (1 Corinto 4:11). Mahirap sa materyal na bagay ang mga apostol, ngunit pinagpala sila ng Panginoon sa espiritwal.

Iniibig ng Diyos ang nagbibigay ng masaya (2 Corinto 9:7), ngunit hindi natin dapat ipagpalagay na makikita sa pinansyal o materyal na aspeto ang Kanyang pagpapala. Hindi rin natin dapat angkinin ang mga pangakong ibinigay ng Diyos sa Lumang Tipan sa Israel para sa ating sarili. Hindi dapat na para sa pagtanggap ng kapalit na pera ang ating motibo sa pagbibigay. Ang ating layunin sa buhay ay dapat na para sa kabanalan at kakuntentuhan (tingnan ang 1 Timoteo 6:6–10). Dapat nating ipanalangin sa Diyos ang ganito: "Panginoon tulungan Mo akong makuntento sa kung ano ang mayroon ako, kahit na sa mga oras ng kagutuman at pangangailangan" (tingnan ang Filipos 4:11–13).

Walang ipinagkaiba ang katuruan ng seed-faith sa get-rich-quick scheme na sumisila sa mga taong desperado at nagdudulot ng sakit ng kalooban sa mga anak ng Diyos. Binalaan ni Pedro ang iglesya tungkol sa ganitong panloloko: "Sa kanilang kasakiman, pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at hindi natutulog ang kapahamakang darating sa kanila" (2 Pedro 2:3).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang tinatawag na binhi ng pananampalataya? Ano ang isang handog ng binhi ng pananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries