settings icon
share icon
Tanong

Ano ang binuhay na imperyo ng Roma?

Sagot


Ang salitang “binuhay na Imperyo ng Roma” (na hindi ginamit sa Kasulatan) ay tumutukoy sa isang makapangyarihang gobyerno na hinulaan sa Bibliya. Ang rehimeng ito ay aangat sa kapangyarihan at pamumunuan ang mundo sa mga huling panahon. Ayon sa iba’t ibang interpretasyon sa mga aklat ng Daniel at Pahayag, ang binuhay na Imperyo ng Roma ay maaaring isang pangkalahatang tawag sa isang sistema ng pulitika sa mundo o isang partikular na bansa sa ilalim ng isang pinuno. Iba’t ibang tagapagbigay pakahulugan sa mga hula ng Bibliya ang nagsasabi na ang sentro ng imperyo ay ang Roma mismo, ang Turkey, o ang Gitnang Silangan.

Ang binuhay na Imperyo ng Roma ay karaniwang iniuugnay sa ikaapat na halimaw sa ikapitong kabanata ng Daniel. Ang halimaw na ito ay inilarawan na “nakakatakot at napakalakas.” (Daniel 7:7). Ang halimaw na ito na may sampung sungay ay ang larawan sa hula para sa Imperyo ng Roma (Daniel 7:19–24), “ngunit habang nagmamasid si Daaniel, isang maliit na sungay ang lumabas mula sa halimaw na may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan” (Daniel 7:8). Ang huling sungay na ito ang Antikristo na may kaugnayan sa Imperyo ng Roma. Dahil ang Imperyo ng Roma ay nabuwag na mula pa noong ikalimang siglo, inaasahan na ito ay muling mabubuo sa ilang paraan para maganap ang mga hula sa mga huling panahon.

Ang binuhay na Imperyo ng Roma ay iniuugnay din sa ikalima at huling kaharian sa ikalawang kabanata ng Daniel (Daniel 2:41—43). Ang mga talatang ito ay tungkol sa panaginip ni Haring Nabucodonosor tungkol sa isang imahe na gawa sa iba’t ibang metal. Ang mga binting bakal ay kumakatawan sa Imperyo ng Roma at ang mga paa na pinaghalong bakal at putik ay kumakatawan sa huling imperyo sa mundo (Daniel 2:33). Ang katotohanan na may halo itong bakal ay nagpapahiwatig ng koneksyon sa Roma at ang sampung daliri sa paa ay maaaring mangahulugan ng pagkakaisa ng sampung bansa (na tumutugma sa sampung sungay sa Daniel 7:20) na pinamumunuan ng isang makapangyarihang pinuno.

Iniuugnay ng ibang komentarista ang Pahayag 13 sa Daniel 7 kung saan inilalarawan ang isang halimaw na lumalabas mula sa dagat na may sampung sungay at pitong ulo (Pahayag 13:1). Ang paglalarawang ito ay iniuugnay sa ikaapat na halimaw sa Daniel 7 na mayroon ding sampung sungay. Inilalarawan sa Pahayag ang gobyrenong ito na “namumusong sa Diyos” (Pahayag 13:1) at mapaniil at hinihingi ang ganap na pagpapasakop sa pinansyal, espiritwal, at pulitikal na usapin (Pahayag 13:4–8). Ang taglay na kapangyarihan na ginagamit ng bansang ito ay ipinagkaloob ni Satanas (Pahayag 13:2). Sa kontekstong ito, ang mga simbolo ay mas madaling maunawaan bilang pagtukoy sa isang partikular na pinuno at isang partikular na imperyong pulitikal na hindi pa dumarating sa halip na ilang pigura sa kasaysayan sa nakalipas.

Ang haka-haka tungkol sa eksaktong kalikasan ng muling binuhay na Imperyo ng Roma ay magandang pagaralan pero dapat nating panatilihin ang tamang pananaw. Ang dapat nating pangunahing pinagtutuunan ng pansin bilang mga Kristiyano ay ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo, hindi ang pagsisikap na kilalanin kung sino ang Antikristo. Sa partikular, dapat nating maunawaan na ang mga nasulat tungkol sa binuhay na Imperyo ng Roma ay hindi napakalinaw at hindi tayo dapat lumagpas sa nasusulat (1 Corinto 4:6). Alam natin na darating ang Antikristo, at alam natin na magkakaroon siya ng ilang kaugnayan sa sinaunang Imperyo ng Roma, posibleng sa lahi, heograpiya, o istruktura ng gobyerno. Mababasa natin ang mga tanda ng panahon (Mateo 16:3), pero hindi tayo dapat maging dogmatiko sa mga detalye.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang binuhay na imperyo ng Roma?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries