Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay birheng Maria?
Sagot
Si Maria ay isang babae na inilarawan ng Diyos bilang isang babaeng Kanyang "kinalugdan" (Lukas 1:28). Ang salitang kinalugdan ay mula sa isang salitang Griyego na nangangahulugan na "binigyan ng maraming biyaya." Ang biyaya ay isang "walang bayad na kaloob." Tinatanggap natin ito sa kabila ng katotohanan na hindi tayo karapatdapat. Nangailangan si Maria ng biyaya ng Diyos, gaya nating lahat. Naunawaan ito ni Maria gaya ng sinabi niya sa Lukas 1:46-47,"At sinabi ni Maria, "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas." Kinilala ni Maria na kailangan niya ang kaligtasan at nangangailangan siya ng Tagapagligtas. Hindi ipinakilala sa Bibliya si Maria bilang isang hindi pangkaraniwang babae kundi bilang isang ordinaryong babae na pinili ng Diyos upang gamitin sa isang hindi pangkaraniwang gawain. Oo, Si Maria ay isang babaeng makadiyos na biniyayaan ng Diyos (Lukas 1:27-28), ngunit, si Maria ay isa ring makasalanang tao na gaya ng bawat isa sa atin — na nangangailangan kay Hesus bilang kanyang Tagapagligtas (Ecclesiastes 7:20; Roma 3:23; 6:23 1 Juan 1:8).
Hindi ipinaglihi ng walang kasalanan si Maria (immaculada concepcion) — wala sa Bibliya ang katuruang ito tungkol kay Maria. Ang kanyang pagsilang ay gaya rin ng pagsilang ng lahat ng tao sa mundo. Birhen si Maria ng ipanganak niya si Hesus (Lukas 1:34-38), ngunit ang katuruan na nanatili siyang birhen magpakailanman ay hindi ayon sa Bibliya. Sinabi sa Mateo 1:25, tungkol sa relasyon nila ni Jose bilang mag-asawa, "Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinanganlan nga niyang Jesus." Ang salitang "hanggang" ay malinaw na nagpapahiwatig na sinipingan ni Jose si Maria pagkatapos na ipanganak si Hesus. Nagkaroon ng iba pang mga anak si Jose at Maria pagkatapos na ipanganak si Hesus. May apat na kapatid na lalaki sa ina si Hesus: si Santiago, Jose, Simon at Judas (Mateo 13:55). Mayroon ding mga kapatid na babae sa ina si Hesus na hindi pinangalanan at hindi tinukoy sa Bibliya kung ilan (Mateo 13:55-56). Pinagpala at biniyayaan ng Diyos si Maria sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak, na sa kanilang kultura ay pagpapala para sa mga babae.
Isang araw, samantalang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi, "Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan, at nagpasuso sa inyo!" (Luke 11:27). Wala ng ibang mas magandang pagkakataon para ipakita kung talagang karapatdapat si Maria sa pagsamba at pagpupuri higit sa pagkakataong iyon. Kung totoo ang sinabi ng babae dapat sana'y sinangayunan iyon ni Hesus. Ngunit ano ang sagot ni Hesus? "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito!" (Lukas 11:28). Para kay Hesus, ang sumusunod sa Salita ng Diyos ay HIGIT NA MAPALAD kaysa sa babaeng nagsilang sa Kanya. Hindi makikita saanman sa Bibliya na sinabi na maaaring sambahin, papurihan at luwalhatiin si Maria. Isang kamag anak ni Maria na si Elizabeth ang pinuri si Maria sa Lukas 1:42-44, ngunit ang kanyang pagpuri ay base sa katotohanan na magsisilang si Maria kay Hesus. Hindi niya pinuri si Maria dahil sa taglay nitong kaluwalhatian.
Nasa tabi ng krus ni Hesus si Maria ng mamatay si Hesus sa Krus (Juan 19:25). Kasama din siya ng mga apostol noong araw ng Pentecostes (Gawa 1:14). Ngunit hindi na siya nabanggit pa pagkatapos ng unang kabanata ng Gawa. Hindi kailanman binigyan ng mataas na katungkulan ng mga apostol si Maria. Hindi rin itinala sa Bibliya ang kanyang kamatayan. Walang sinabi ang Bibliya tungkol sa pag-akyat niya sa langit o o kung binigyan siya ng pangunahing posisyon sa langit. Dapat na igalang si Maria bilang ina ni Hesus sa laman, ngunit hindi siya karapatdapat sa anumang pagsamba. Hindi kailanman ipinahiwatig sa Bibliya na naririnig ni Maria ang panalangin ng mga tao sa langit o maaari siyang mamagitan sa mga tao sa harap ng Diyos. Si Hesus lamang ang ating Tagapagtanggol at Tagapamagitan sa langit sa harap ng Diyos (1 Timoteo 2:5). Kung paguukulan ng pagsamba, paghanga at pagpupuri, sasabihin din ni Maria sa mga tao gaya ng sinabing ito ng mga anghel: "Ang Diyos ang sambahin mo!" (Pahayag 19:10; 22:9). Si Maria mismo ang nagbigay ng halimbawa para sa atin ng kanyang sabihin na tanging sa Diyos lamang dapat iukol ang ating pagsamba at pagpupuri, "At sinabi ni Maria, "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, At nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin! At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi, Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan — Banal ang kanyang pangalan!" (Luke 1:46-49).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay birheng Maria?