Tanong
Ano ang bisa ng kasal sa mundo ngayon?
Sagot
“Kung magpapakal ka pagsisisihan mo ito sa loob ng limang taon.” “Huwag mo itong gawin; ang lalaking pakakasalan mo ay hindi na ang lalaking iniibig mo dahil nagbabago sila sa paglipas ng panahon.” Ang ganitong nakalulungkot na pahayag ay laganap na sa mundo na puno ng pag-aalinlangan sa pag-aasawa, at maraming kabataan ang nadidismaya sa ganitong klaseng pagkontra. Ang ilan ay maaaring ayaw ng ituloy ang pag-aasawa. Ngunit ang pahayag sa itaas ay hindi totoo. Ang kasal ay may bisa ngayon gaya ng dati (Hebreo 13:4).
Ang mapanghamak na pahayag na ito ay kapansin-pansin sa kanilang likas nitong pagiging makasarili. Magkakaroon lamang ng halaga ang kanilang payo kung ang kasal ay naglalayon na tuparin ang pansariling hangarin lamang. Ngunit hindi ito ang layunin ng kasal.
Ang panata sa kasal ay hindi panghabambuhay na pangako para mahalin o para tumanggap ng pagmamahal. Ang panata sa kasal ay upang magbigay ng pagmamahal. Ito ay isang pangako na magbibigay ng pag-ibig na habambuhay. Ito ay determinasyon na mabuhay para sa kapakanan ng iba upang manindigan para sa isa’t isa. Para magbigay at magbigay at magbigay at magbigay at pagkatapos ay magbigay ng higit pa—kahit pa ang iyong buhay.
Higit sa lahat, hindi ang sangkatauhan ay nag imbento ng kasal kundi ang Diyos. Nang likhain ng Diyos ang lalaki at babae at pinagsama bilang unang mag-asawa, mayroon Siyang layunin para dito. Ang pinakapangunahing layunin ng pag-aasawa ay magbunga ng mga anak na nagtataglay ng wangis ng Diyos, ihayag ang sarili, at pamahalaan ang lupa (Genesis 1:26–28 at 2:22–24).
Dagdag pa dito, upang maayos at ganap na maipakita ang larawan ng Diyos (Genesis 1:27). ang lalaki ay hindi kumpleto; ganoon rin ang babae. Ang tamang pagpapakita ng karakter ng Diyos sa sangkatauhan ay nangangailangan ng magkabilang kasarian—lalaki at babae na pinaging isa sa kasal. Ang kasal ay higit pa sa romantikong ligaya; higit pa sa kasiyahan ng pakikipagtalik. Ang pagpapakasal ay ganap na pagpapakita ng karakter ng Diyos, pagkakaisa, at pakikipagkapwa. Ipinaliliwanag nito kung bakit inilalarawan ni Apostol Pablo ang Kristiyanong pag-aasawa sa mataas na espiritwal na mga terminolohiya gaya ng makikita sa Efeso 5:22–33.
Ang mabuting pag-aasawa ay hindi matatagpuan sa paghahanap ng pinakamagandang modelo o pinakagwapong kabalyero. Ito ay sa pagkilala sa piniling inihanda ng Diyos ng pinaka naaangkop na kabiyak sa buhay—ang pinakaangkop sa mga layunin at adhikain ng Diyos—dito nagaganap ang masayang pag-aasawa. Ang romansa ay tiyak na kasiya-siya sa isang maka-Diyos na kasal, ngunit bilang bunga lamang ng mas malalim at mas matibay na relasyon.
Oo, matatapos ang honeymoon. Oo, ang parehong mag-asawa ay magpapatunay na ibang tao ang isa’t isa kaysa noong nililigawan pa lang ang isa’t isa. Ang pareha ay mabibigo sa ilang bagay tungkol sa isa’t isa. At oo, darating ang mga pagsubok na susubok sa tibay ng kanilang mga pangako. Ngunit wala sa mga ito ang makakabago sa katotohanang mabuti ang ideya ng Diyos ng likhain niya ang pagaasawa.
Isang aspeto ng pagaasawa na laging nalilimutan ng mga kritiko ay ang pananampalataya. Ang kasal at pamilya ay mga institusyon ng Diyos para sa sangkatauhan. Kung ang isang Kristiyano ay tunay na sumusunod sa Diyos, tunay na nagnanais ng pinakamabuti para sa kanyang asawa, tunay na gustong sundin ang plano ng Diyos para sa kanyang sarili, para sa kanyang asawa at para sa mundo, hindi niya tatalikuran ang disenyo ng kasal. Hindi ito tungkol sa kung anu ang makukuha sa kasal. Hindi ang mga tumatanggap sa mundo ang nakakaranas ng kaganapan kundi ang mga nagbibigay at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay sinusunod ang paghahandog ng sarili na gaya ng ginawa ni Kristo na nagpapakita ng Kanyang kalooban (Roma 8:28–30; Efeso 4:20–24). Ang isang mabuting pag-aasawa ay kapalit ng lahat ng mayroon tayo. At sa pagbibigay na iyon, matatagpuan natin ang pinakamataas na kahulugan ng buhay kay Cristo.
Hindi ito nangangahulugan na dapat mag-asawa ang bawat mananampalataya. Alam ng Diyos na mas mabuti para sa ilan ang hindi mag-asawa at may mga sitwasyon na nagiging hindi kanais-nais ang pag-aasawa. Tingnan ang 1 Corinto 7. Para sa mga magaasawa, mahalagang magkaroon ng pang-unawa sa kung ano ang nilalayon ng Diyos sa pagaasawa. Hindi natin dapat hayaan na ang malungkot na karanasan at pagiging negatibo ng iba ay hahadlang sa atin sa pagtitiwala sa Diyos na bibigyan tayo ng asawa na tunay na nagpaparangal sa Kanya. Ang makadiyos na pag-aasawa ay maaaring tumupad sa Kanyang mga layunin at makapagbigay sa mag-asawa ng panghabambuhay na pagkakataon na pagpalain ang isa’t isa at ang kanilang pamilya sa pangalan ni Jesu-Cristo.
English
Ano ang bisa ng kasal sa mundo ngayon?