settings icon
share icon
Tanong

Ano ang biyaya ng Diyos?

Sagot


Ang biyaya ay isang paksang laging tinatalakay sa Bibliya at sukdulang nahayag sa Bagong Tipan sa pagdating Hesu Kristo (Juan 1:17). Ang orihinal na salitang Griyego mula sa Bagong Tipan na isinalin sa salitang tagalog na “biyaya” ay charis, na nangangahulugang “pabor, pagpapala, o kagandahang loob.” Maaari nating ipagkaloob ang biyaya sa iba, ngunit kung ginagamit ang salitang biyaya sa koneksyon nito sa Diyos, may taglay itong makapangyarihang kahulugan. Ang biyaya ay ang desisyon ng Diyos na pagpalain tayo sa halip na sumpain na siyang nararapat sa atin dahil sa ating mga kasalanan. Ito ay ang Kanyang kagandahang loob sa mga hindi karapatdapat.

Sinasabi sa Efeso 2:8-9, “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios.” Ang tanging paraan upang magkaroon ang sinuman sa atin ng relasyon sa Diyos ay ang Kanyang biyaya sa atin. Nagsimula ang biyaya ng Diyos sa hardin ng Eden ng pumatay ang Diyos ng isang hayop upang takpan ang kasalanan nina Adan at Eba (Genesis 3:21). Maaari niyang patayin sila pagkatapos na pagkatapos nilang sumuway. Ngunit sa halip na puksain sila, nagpasya Siya na gumawa ng paraan upang maituwid ang kanilang relasyon sa Kanya. Ang tema ng biyaya ay nagpatuloy sa buong Lumang Tipan ng itatag ng Diyos ang paghahandog ng dugo ng mga hayop bilang pampalubag loob sa Kanyang poot sa mga kasalanan ng tao. Hindi ang dugo ng mga hayop ang naglilinis sa mga makasalanan; ang biyaya ng Diyos ang dahilan ng Kanyang pagpapatawad sa mga nagtiwala sa Kanya (Hebreo 10:4; Genesis 15:6).

Inumpisahan ni Apostol Pablo ang marami sa Kanyang mga sulat sa mga salitang, “Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo” (Roma 1:7; Efeso 1:1; 1 Corinto 1:3). Ang Diyos ang nagpasimula ng biyaya, at mula sa Kanya nagmumula ang lahat ng biyaya.

Parehong ipinakita ng Diyos ang Kanyang awa at biyaya, ngunit hindi sila magkapareho. Ipinagpapaliban ng awa ang kaparusahang nararapat para sa atin; ibinibigay naman ng biyaya ang pagpapalang hindi natin karapat dapat tanggapin. Sa Kanyang awa, pinili ng Diyos na pawalang bisa ang ating utang sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Banal na Anak upang Siya nating maging kahalili (Tito 3:5; 2 Corinto 5:21). Ngunit higit pa sa awa ang kanyang ipinadama dahil ipinagkaloob din Niya ang Kanyang biyaya ng kaligtasan sa Kanyang mga kaaway (Roma 5:10). Ipinagkakaloob Niya sa atin ang Kanyang kapatawaran Hebreo 8:12; Efeso1:7), pakikipagkasundo (Colosas 1:19-20), buhay na ganap at kasiya siya (Juan 10:10), walang hanggang kayamanan (Lukas 12:33), ang Kanyang Banal na Espiritu (Lukas 11:13), at isang lugar sa langit na kasama Niya isang araw (Juan 3:16-18) kung tatanggapin natin ang Kanyang imbitasyon at ilalagak natin ang ating pananampalataya sa ginawang paghahandog ni Kristo.

Ang biyaya ay ang pagbibigay ng Diyos ng pinakadakilang kayamanan sa mga hindi kailanman magiging karapatdapat – sa bawat isa sa atin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang biyaya ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries