settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang doktrina ng kaligtasan sa biyaya lamang?

Sagot


Ang sola gratia o kaligtasan sa biyaya lamang ay mahalaga dahil ito ang isa sa pagkakakilanlan o susing puntos na naghihiwalay sa tunay na biblikal na Ebanghelyo mula sa mga huwad na ebanghelyo na hindi nakakapagligtas. Bilang isa sa limang solas na ginamit para ipaliwanag ang mga susing isyu ng repormasyong protestante, ang doktrinang ito ay napakahalaga noon hanggang ngayon.

Ang salitang Latin na solo ay nangangahulugang “lamang” o “tangi” at ang mahahalagang doktrina na kinakatawan ng limang pariralang Latin ang tumpak na naglalagom sa katuruan ng Bibliya patungkol sa mahahalagang paksang ito: sola scriptura—Bibliya lamang, sola fide—pananampalataya lamang, sola gratia—biyaya lamang, solos Christus—si Cristo lamang, at soli Deo gloria—para sa kaluwalhatian ng Diyos lamang. Ang bawat isa ay napakahalaga at silang lahat ay malapit ang kaugnayan sa isa’t isa. Ang paglisya sa isa sa mga ito ay magbubunga sa kamalian sa ibang mahalagang doktrina at ang laging resulta ay isang huwad na Ebanghelyo na walang kapangyarihan para magligtas.

Ang sola gratia ay simpleng pagkilala na itinuturo ng Bibliya na ang kabuuan ng ating kaligtasan ay kaloob ng biyaya mula sa Diyos. Gaya ng sinasabi sa Efeso 2:8-9, “Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman.” Ito ang pagkilala na ang kaligtasan mula sa poot ng Diyos ay ayon sa biyaya at kahabagan ng Diyos at hindi sa anumang bagay na nasa atin. Ang isang dahilan kung bakit napakarami ang nais na tanggihan ang doktrinang ito ay hindi nila gustong tanggapin ang malinaw na itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalikasan ng tao mula ng magkasala si Adan. Sinasabi ng Bibliya na ang puso ng tao ay mandaraya at “wala nang lunas ang kanyang kabulukan” (Jeremias 17:9) at “walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos" (Roma 3:10-11). Sa halip na kilalanin ang ating ganap na kawalan ng kakayahan at kawalang pag-asa ng hiwalay sa biyaya ng Diyos, mas maraming tao ang gustong paniwalaan na may papel silang ginagampanan sa kanilang kaligtasan. Ngunit maliwanag ang sinasabi ng Bibliya na hindi natin kayang bayaran ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng ating sariling gawa; ito ay tanging sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya.

Ang katotohanan ng sola gratia o kaligtasan sa pamamagitan lamang ng biyaya ang nagudyok kay John Newton para isulat ang kahanga-hangang kantang “Amazing Grace.” Ito ay isang kahanga-hangang biyaya na kayang magligtas ng isang makasalanang tulad ko. Ito ay isang kahanga-hangang biyaya na “pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa” (Roma 5:8). Ang doktrinang ito ay mahalaga dahil wasto nitong ipinapahayag ang katotohanan na iniligtas tayo ng Diyos dahil sa Kanyang kahabagan at kagandahang loob at hindi dahil sa anumang nagawa natin para maging katanggap-tanggap sa Diyos o maging karapatadapat para maligtas. Hindi natin kayang maunawaan ang kahanga-hangang biyaya ng Diyos sa kaligtasan hangga’t hindi natin nauunawaan kung gaano tayo kasama sa Kanyang paningin.

Ang sola gratia ay mahalaga dahil kung tatanggihan natin ito, tinatanggihan natin ang tanging ebanghelyo na makapagliligtas. Ang alternatibo sa sola gratia ay isang ebanghelyo na nakadepende sa kabutihan ng tao sa halip na sa biyaya ng Diyos na hindi isang magandang balita. Ang sola gratia ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay isang mabuting balita. Tinutulungan tayo nitong maintindihan na habang sinasabi ng Bibliya na “walang sinuman ang humahanap sa Diyos” (Roma 3:11), ang mabuting balita ay ang Diyos ang humanap sa mga makasalanan. Sinabi ni Jesus na Siya ay dumating upang hanapin at iligtas ang naliligaw (Lucas 19:10) hindi para maghintay sa mga naliligaw para maghanap sa Kanya. Ang Diyos ang unang gumawa, ang Diyos ang naglalapit sa walang kuwentang makasalanan sa Kanya, ang Diyos ang nagbibigay ng bagong buhay sa isang taong “patay sa kanyang mga kasalanan at pagsuway,” ang Diyos ang naging sanhi upang ang isang tao ay “isilang na muli” upang kanyang makita ang kaharian ng Diyos.”

Panghuli, ang sola gratia ay mahalaga dahil ito ang basehan ng katiyakan ng kaligtasan bilang mga makasasalan sa harap ng isang Banal na Diyos. Kung tatanggihan natin ang sola gratia, hindi tayo magkakaroon ng kahit anong tunay na katiyakan ng kaligtasan. Dahil ang lahat ng ating ginagawa ay may bahid ng kasalanan, paano tayo magkakaroon ng katiyakan na may sapat tayong pananampalataya para maligtas? Sa kabutihang palad, ipinapakita sa atin ng Bibliya ang isang Ebanghelyo na hindi ayon sa ating mga ginagawa kundi ayon sa ginawa ni Jesus. Ang mabuting balita ay dumaating si Jesus, nabuhay ng perpektong buhay, namatay sa krus, at nabuhay na mag-uli mula sa mga patay upang bigyan ng bagong buhay ang mga makasalanan, upang iligtas sila sa kanilang mga kasalanan at bigyan sila ng buhay na walang hanggan kasama Siya. Ito ang dahilan kung bakit alam natin na hindi maiwawala ni Jesus ang lahat ng mga ibinigay sa Kanya ng Ama, kundi bubuhayin Niya sila sa huling araw (Juan 6:39).

Kamangha-mangha ang biyaya

Na nagligtas sa akin

Ako’y nawawala ngunit natagpuan

Kinupkop ng lubusan

Biyayang nagturo sa akin

Na takot ay magmaliw

Anong laking tuwa ang aking nadama

Nang manalig sa Kanya

Kahit may panganib at hirap

Na minsa’y dinaranas

Biyaya niyang wagas ang siyang umaaliw

Upang ito’y makayanan

At kung tayo’y nasa piling Nya

At Siya ay sinasamba

Walang hanggang saya ating madarama

Sa pagpuri sa Kanya.” - John Newton.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang doktrina ng kaligtasan sa biyaya lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries