settings icon
share icon
Tanong

Ano ang biyayang nagliligtas?

Sagot


Bilang isang kasabihan, ang “biyayang nagliligtas” ay tumutukoy sa “katangian” na siyang dahilan upang maging katanggap tanggap ang isang tao o bagay. Ngunit hindi ito ang Biblikal na kahulugan. Ang salitang “biyaya” sa Bibliya ay nangangahulugang “ang hindi pinagpagurang grasya ng Diyos na ibinigay sa mga tao para sa kanilang kapanganakang muli o pagpapaging banal” o “ang kagandahang loob ng Diyos sa mga hindi karapat-dapat.” Sa isang Biblikal na kahulugan, ang “biyayang nagliligtas” ay ang biyaya ng Diyos na nagligtas sa taong makasalanan.

Sinasabi sa Kasulatan na ang biyaya, ang hindi mababayarang pabor ng Diyos ay kinakailangan, “Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya” (Roma 3:20). Ang tanging paraan upang matanggap ang biyayang nagliligtas ng Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo: “Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta; Sa makatuwid baga'y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka't walang pagkakaiba” (Roma 3:21-22).

Ang biyayang nagliligtas ay nagreresulta sa pagpapaging banal, ang proseso kung saan hinuhubog tayo ng Diyos upang maging kawangis ni Kristo. Sa oras ng kaligtasan, sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ginagawa tayo ng Diyos na mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). At ipinangako Niya na hindi Niya kailanman pababayaan ang Kanyang mga anak: “Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo” (Filipos 1:6).

Wala tayong anumang maipagmamalaki sa ating sarili sa harapan ng Diyos (Roma 3:10-11)—wala tayong biyayang nagliligtas sa ating sarili. Bilang mga taong hindi katanggap tanggap sa Diyos, itinatanong natin kasama ng mga alagad ni Hesus, “Paano kami maliligtas?” Tiyak ang sagot ni Hesus: “Ang imposible sa tao ay posible sa Diyos” (Lukas 18:26-27). Ang kaligtasan ay gawa ng Diyos. Ibinibigay Niya ang biyaya na ating kinakailangan. Ang “biyayang nagliligtas” sa atin ay si Hesus mismo. Ang Kanyang ginawa sa krus ang nagligtas sa atin, hindi ang ating sariling mga gawa.

Madaling isipin na sa pamamagitan ng ating pananampalataya, may kaunti tayong ambag sa ating kaligtasan. Hindi nga ba’t kailangang ilapat sa atin ang katuwiran ni Kristo at tila ang ating pananampalataya ay galing sa atin. Ngunit sinasabi sa Roma 3:11 na walang sinuman ang humahanap sa Diyos. Sinasabi sa Efeso 2:8-9, “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.” Ayon sa Hebreo12:2, si Hesus mismo ang may akda at ang nagpapasakdal sa ating pananampalataya. Ang biyayang nagliligtas ng Diyos ay kumpletong kaloob ng Diyos. Kahit na ang ating kakayahan na tanggapin ang biyayang nagliligtas ay kaloob ding mula sa Diyos. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang biyayang nagliligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries