settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga pangunahing pangyayari sa buhay ni Jesu Cristo (unang bahagi)?

Sagot


Ang mga sumusunod ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo at ang mga aklat sa Bibliya kung saan inilarawan ang bawat isa sa mga ito (unang bahagi):

Pagsilang: (Mateo 1—2; Lukas 2) – Sa mga sitas na ito makikita ang lahat ng elemento ng kilalang kunwento tungkol sa pasko, at ang pasimula ng buhay ni Cristo sa lupa. Wala noong bakanteng bahay na paupahan para kina Jose at Maria, ang tungkol sa pagsilang ng sanggol sa sabsaban, ang mga pastol at ang kanilang kawan, at ang malaking hukbo ng mga anghel na nagpupuri sa Diyos. Makikita din natin ang mga pantas na lalaki mula sa Silangan na sinusundan ang tala sa tapat ng Betlehem at ang pagdadala nila ng mga regalo para sa batang si Cristo, ang pagtakas nina Jose, Maria kasama si Jesus patungong Egipto at ang pagbabalik nila sa Jerusalem kalaunan. Kasama din sa mga sitas na ito ang paghahandog kay Jesus sa templo sa Jerusalem sa edad na walong taong gulang at ang Kanyang pagpapaiwan sa templo at pakikipagusap sa mga guro doon. Ang kuwento tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas, dalawanlibong taon na ang nakalilipas ay kahanga-hanga, puno ng natatangi at makabuluhang detalye na pinahahalagahan ng mga nakasaksi gayundin ng mga mananampalataya sa loob ng libu-libong taon. Ngunit ang kuwento ng pagdating ng Diyos sa lupa bilang isang tao ay nagumpisa na libu-libong taon na ang nakalilipas sa mga hula patungkol sa pagdating ng Mesiyas (o Tagapagligtas). Binanggit ng Diyos ang isang Tagapagligtas sa Genesis 3:15. Ilang daang taon pa ang lumipas, hinulaan ni Isaias ang tungkol sa pagbubuntis at pagsisilang ng isang birhen ng isang lalaki at pagtawag sa batang ito ng "Emmanuel," na nangangahulugang "kasama natin ang Diyos" (Isaias 7:14). Ang unang susing pangyayari sa buhay ni Cristo ay ang Kanyang mapagpakumbabang pagsilang sa isang sabsaban ng mga hayop upang makasama natin, at upang palayain ang Kanyang bayan at iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.

Bawtismo: (Mateo 3:13-17; Markos 1:9-11; Lukas 3:21-23) – Ang pagbabawtismo ni Juan Bautista kay Jesus sa ilog Jordan ang unang gawain ng pagmiministeryo ni Jesus sa publiko. Ang bawtismo ni Juan ay bawtismo ng pagsisisi, at bagama't hindi kailangan ni Jesus ang bawtismong ito, pinahintulutan Niya ito upang makibahagi sa karanasan ng mga makasalanan. Sa katunayan, ng tumutol si Juan sa pagbabawtismo sa Kanya at sabihin na siya ang dapat bawtismuhan ni Jesus, nagpumilit si Jesus. Sinabi ni Jesus, "Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos," kaya sinunod ni Juan ang kahilingan ni Jesus (Mateo 3:13-15). Sa Kanyang bawtismo, nakibahagi si Jesus sa mga makasalanan na ang mga kasalanan ay Kanyang dadalahin sa krus at papalitan Niya ng Kanyang katuwiran (para sa mga magsisisi) (2 Corinto 5:21). Sinisimbolo ng bawtismo ni Cristo ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, sinasalamin ang kahalagahan ng kuwaresma sa bawtismong Kristiyano, at ipinakilala si Cristo sa publiko at para sa mga taong pagaalayan Niya ng Kanyang buhay. Bilang karagdagan, ang pagkakakilanlan sa Kanya bilang ang matagal ng hinihintay na Mesiyas ay kinumpirma ng Diyos mismo na nagsalita mula sa langit: "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!" (Mateo 3:17). Panghuli, ang pagbabawtismo kay Jesus ay ang eksena ng pinakaunang pagpapakita ng Trinidad sa tao. Binawtismuhan ang Anak, nagsalita ang Ama, at bumaba kay Jesus ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. Ang utos ng Diyos Ama, ang pagsunod ng Diyos Anak, at ang pagpapalakas ng Banal na Espiritu ay nagpapakita ng napakagandang larawan ng buhay at ministeryo ni Jesu Cristo.

Unang himala: (Juan 2:1-11) – Nababagay na ang ebanghelyo lamang ni Juan ang nagtala ng unang himala ni Jesus. Ang tema at layunin ng tala ni Juan sa buhay ni Cristo ay upang ipakita ang pagka-Diyos ni Cristo. Ang pangyayaring ito, kung saan ginawang alak ni Jesus ang tubig ay nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan sa mga elemento sa mundo, ang parehong kapangyarihan na muling mahahayag sa mas marami pang himala ng pagpapagaling at ng Kanyang pagkontrol sa mga elemento sa mundo gaya ng hangin at dagat. Sinabi ni Juan na may dalawang resulta ang unang himalang ito— nahayag ang kaluwalhatian ni Cristo at sumampalataya sa Kanya ang mga alagad (Juan 2:11). Ang pagiging Diyos at ang maluwalhating kalikasan ni Cristo ay ikinubli ng siya'y magkatawang tao, ngunit sa mga kaganapan gaya ng himalang ito, nahayag ang Kanyang tunay na kalikasan para makita ng lahat ng taong naroroon (Mateo 13:16). Laging sumasampalataya ang mga alagad kay Jesus, ngunit tinutulungan sila ng mga himala na palakasin ang kanilang pananampalataya at ihanda sila sa mga mahihirap na sitwasyon na kanilang kakaharapin.

Sermon sa Bundok: (Mateo 5:1-7:29) – Maaaring ito ang pinakasikat na sermon sa lahat ng panahon na ipinangaral ni Jesus sa mga alagad sa unang bahagi ng kanyang gawain sa publiko. Maraming mga parirala na pamilyar sa atin ngayon ang nanggaling sa sermong ito gaya ng "mapalad ang maamo dahil mamanahin nila ang lupa," "asin ng sanlibutan," "mata sa mata," "mga bulaklak sa parang," "humingi ka at ika'y bibigyan," at "lobo na nakadamit ng tupa" gayundin ang konsepto ng pagpapakasakit, pagbibigay ng kabilang pisngi, at hindi pagbibigay alam sa kaliwang kamay sa ginagawa ng kanang kamay. Gayundin, sa sermon, makikita ang "panalangin ng Panginoon." Ang pinakamahalaga, binasag ng Sermon sa Bundok ang mga Pariseo at ang kanilang relihiyon ng katuwiran sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Sa pagbibigay diin sa espiritu ng Kautusan at hindi lamang sa letra nito, tiniyak ni Jesus na hindi makakapagligtas ang legalismo at sa katotohanan, hindi kayang tuparin ng tao ang mga hinihingi ng Kautusan. Tinapos ni Jesus ang sermon sa pagtawag sa mga tao sa tunay na pananampalataya para sa kaligtasan at sa isang babala na ang daan sa kaligtasan ay makipot at kakaunti lamang ang nakakasumpong niyon. Ikinumpara ni Jesus ang mga nakikinig sa Kanyang mga salita at isinasapamuhay ang mga iyon sa isang matalinong tagapagtayo ng bahay na itinayo ang pundasyon ng kanyang bahay sa ibabaw ng isang bato; kaya't ng dumating ang bagyo, nanatiling nakatayo ang kanyang bahay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga pangunahing pangyayari sa buhay ni Jesu Cristo (unang bahagi)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries