Tanong
Ang ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo (ikalawang bahagi)?
Sagot
Ang mga sumusunod ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo (ikalawang bahagi) at ang mga aklat sa Bibliya kung saan inilarawan ang bawat isa sa kanila:
Pagpapakain sa Limang Libo: (Mateo 14:15-21; Markos 6:34-44; Lukas 9:12-17; Juan 6:5-13) – sa pamamagitan ng limang maliliit na tinapay at dalawang isda, nakagawa si Jesus ng pagkain na sapat para sa mahigit na limang libong katao. Sinasabi sa atin sa mga Ebanghelyo na may limang libong lalaki ang sumunod kay Jesus, ngunit idinagdag ni Mateo na mayroon din doong mga babae at bata. Ang pagtataya sa bilang ng mga tao ay umaabot hanggang sa pinakamataas na bilang na 20,000. Ngunit ang ating Diyos ay Diyos ng masaganang pagpapala, at ang kakaunti ay marami sa mga kamay ng Panginoon. Ang isang malinaw na aral ay makikita na bago paramihin ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, inutusan Niya ang mga tao na umupo. Ito ay isang napakagandang larawan ng kapangyarihan ng Diyos para gawin ang hindi nating kayang gawin habang nagpapahinga tayo sa kanya. Walang magagawa ang mga tao para pakainin ang kanilang sarili; tanging Siya lamang ang makagagawa niyon. Mayroon lamang silang katiting, ngunit sa mga kamay ng Diyos, nagpiyesta sila ng hindi lamang sapat kundi ng napakasagana.
Pagbabagong anyo: (Mateo 17:1-8; Markos 9:2-8; Lukas 9:26-36) – Ang pangyayaring ito ay tinukoy na "ang pagbabago ng anyo," na nangangahulugang isang "pagbabago sa hitsura," dahil nagbago ang anyo ni Jesus sa harapan nina Pedro, Santiago, at Juan sa Kanyang tunay na kalikasan. Nagningning mula sa Kanya ang kaluwalhatian bilang Diyos, at nagbago ang Kanyang mukha at kasuotan anupa't nahirapan ang mga manunulat ng Ebanghelyo na ilarawan ito. Gaya ni Apostol Juan na gumamit ng maraming pigura ng pananalita para ilarawan ang kanyang nakita sa kanyang mga pangitain sa Pahayag, kinailangan din nina Mateo, Markos, at Lukas na gumamit ng pigura ng pananalita gaya ng "kidlat" at "liwanag" para ilarawan ang hitsura ni Jesus. Tunay na ang pangyayaring ito ay hindi sa daigdig na ito. Ang pagpapakita nina Moises at Elias para makipag-usap kay Jesus ay nagpapakita ng dalawang bagay: Una, ang dalawa ay kumakatawan sa Kautusan at sa mga Propeta, na parehong humula sa pagparito ni Jesus at sa Kanyang kamatayan. Ikalawa, ang katotohanan na pinagusapan nila ang Kanyang nalalapit na kamatayan sa Jerusalem (Lukas 9:31) ay nagpapakita ng kanilang paunang kaalaman sa mga pangyayaring ito at ang walang hanggang plano ng Diyos na unti-unting nagaganap gaya ng kanyang itinalagang mangyari. Nagsalita ang Diyos mula sa langit at inutusan ang mga alagad na "Pakinggan ninyo Siya!" sa gayon ay sinasabi na si Jesus, hindi si Moises at si Elias ang may kapangyarihan at awtoridad na utusan sila.
Pagbuhay kay Lazaro: (Juan 11:1-44) – Si Lazaro, na kapatid nina Maria at Marta na mga taga Betanya ay isang malapit na kaibigan ni Jesus at ito ang dahilan kung bakit ipinasundo ng pamilya ni Lazaro si Jesus ng magkasakit ito. Ipinagpaliban ni Jesus ang kanyang pagpunta sa Betanya ng ilang araw at apat na araw ng patay ito bago siya pumunta sa Betanya para patunayan ang kahanga-hanga Niyang kapangyarihan. Ang Diyos lamang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan, at sa pamamagitan ng pagbuhay kay Lazaro, muling ipinakita ni Jesus ang kanyang awtoridad bilang Diyos at ang Kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan. Sa pamamagitan ng pangyayaring ito, maluluwalhati ang Anak ng Diyos sa isang hindi magkakamaling paraan. Gaya ng marami pang mga himala at pangyayari, ang isa sa mga layunin ay upang "sumampalataya" ang mga alagad (Juan 20:31). Sinabi ni Jesus kung Sino Siya bago nagkatawang-tao, at ang himalang ito na pinakakahanga-hanga sa lahat ng Kanyang mga himala ang patunay sa katotohanang iyon. Sinabi ni Jesus kay Marta, "Ang ang muling pagkabuhay at ang buhay" (Juan 11:25) at tinanong Niya ito kung sumasampalataya ito sa Kanyang sinabi. Ito ang batayan ng buhay Kristiyano. Sumasampalataya tayo na si Jesus ang mismong pagkabuhay na mag-uli, at nagtitiwala tayo sa Kanya na bibigyan Niya tayo ng buhay na walng hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihang iyon. Nalibing tayong kasama Niya at binuhay na mag-uli sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan laban sa kamatayan. Tanging sa pamamagitan ng kapangyarihang ito lamang tayo tunay na maliligtas.
Matagumpay na pagpasok sa Jerusalem: (Mateo 21:1–11, 14–17; Markos 11:1–11; Lukas 19:29–44; Juan 12:12–19) – Ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem isang linggo bago ang pagpako sa Kanya sa krus ang basehan nang ngayon ay kilala sa tawag na "Linggo ng Palaspas." Maraming tao ang bumati sa Kanya at naglatag ng mga sanga ng palma sa Kanyang daraanan, ngunit maiksi lamang ang kanilang naging pagsamba sa kanya. Sa loob lamang ng ilang araw, sila rin ang magsusulong sa hatol na kamatayan para sa kanya at sisigaw ng "Ipako Siya! Ipako Siya sa krus!" (Lukas 23:20-21). Ngunit habang pumapasok Siya sa Jerusalem sakay ng isang batang asno—na nagpapakita ng Kanyang kababaan at kapakumbaaan—tinanggap Niya ang pagsamba ng mga tao at ang kanilang pagkilala sa Kanyang pagaangkin bilang Mesiyas. Sinalubong Siya kahit ng maliliit na bata, na nagpapahiwatig na alam nila ang hindi alam ng mga pinunong Judio, na si Jesus ang Mesiyas. Tinupad ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ang hula ni Zacarias sa Lumang Tipan na inulit sa Juan 12:15: ""Huwag kang matakot, lungsod ng Zion! Masdan mo, dumarating ang iyong hari, nakasakay sa isang batang asno!"
English
Ang ang mga pangunahing kaganapan sa buhay ni Cristo (ikalawang bahagi)?